Martin Escudero admits crushes on Jasmine Curtis Smith, Kim Chiu, and Jessy Mendiola

Martin Escudero on liking Jasmine Curtis and courting either Kim Chiu or Jessy Mendiola if given the chance: "Siyempre sa ngayon, si Jasmine na ang talagang kakilala ko. Pero kung mabibigyan ako ng pagkakataon sa dalawa, siyempre, iga-grab ko. Ang tanong, kung papansinin ba nila ’ko?"


Hindi na lang sa drama nalilinya ngayon si Martin Escudero.

Simula nang mapansin siya sa indie film na Zombadings 1: Patayin Sa Shokot Si Remington, nakita ang talento niya at timing pagdating sa pagpapatawa.

Pagkatapos ng ilang drama series na nagawa ni Martin sa Kapatid network, ngayon ay sa isang comedy show naman siya napapanood—ang Kapitan Awesome na nag-pilot na noong February 20.

Paglalarawan ni Martin sa kanyang role, "Mas light siya. Yung character ko, mas simple.

"Parang Superman. Pero hindi ako ang naka-costume, si Empoy.

"Kapag nakakain na ako ng siomai, na nagpapalabas ng superpower ko, nagiging si Empoy na."

Pareho naman daw gustong gawin ni Martin ang drama at comedy.

Ayon nga sa kanya, "Pareho... pareho kong gustong gawin.

"Kasi mas sanay na ako sa drama. Kasi palagi namang drama ang ginagawa ko.

"Pero yung comedy, medyo mas magaan kasi."

Hindi itinatanggi ni Martin na mas na-challenge siya sa pagpapatawa dahil sa naging pagtanggap ng mga tao sa kanya sa Zombadings.

"Oo, e... pinagkatiwalaan nila ako sa Zombadings kaya ita-try ko naman kung meron pa akong puwedeng ilabas sa pagku-comedy.

"Actually, lahat naman talaga gusto kong masubukan, pero siyempre paisa-isa lang."

Dugtong pa ni Martin, "Noong nasa GMA ako, masasabi ko na hindi pa talaga ako ganoon karunong umarte.

"Kasi napagtuunan ko ng pansin ang drama noong nasa TV5 na ako.

"Siyempre ang mga character, mas mabibigat na.

"Ang mga pinagkakatiwala nila sa aking mga eksena, talagang mabibigat."

Kasama rin si Martin sa pelikulang Moron 5 and the Crying Lady ng Viva Films at Star Cinema.

Pagkatapos ng Zombadings, magpapatawa siyang muli rito. Kasama ni Martin sa pelikula sina Marvin Agustin, Luis Manzano, Billy Crawford, DJ Durano, at John "Sweet" Lapus.

Mukhang nalilinya na talaga siya ngayon sa comedy?

"Oo nga. Actually, masaya."

KAPATID. May isang taon na si Martin sa Kapatid network at masaya naman daw siya sa nangyayari ngayon sa kanyang career.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre, sobra. Sobra ang mga ibinibigay nila sa akin.

"Yung mga hinihingi ko, e, triple yung binibigay nila.

"Nakakaipon naman ako dito," nakangiti niyang sabi.

NO LOVELIFE? Kapansin-pansin na mula nang lumipat siya sa TV5 ay tila naging tahimik ang lovelife niya.

Natatawang sabi naman ni Martin, "Naku, pahinga muna tayo diyan!"

Parang ang tagal na niyang pinagpapahinga ang lovelife niya—kung totoo ngang wala siyang girlfriend ngayon?

"Oo. Siyempre, nagsawa na rin tayo ng kabataan ko."

Natawa si Martin sa binitawan niyang salita dahil 21 years old pa lang naman siya.

Sabi na lang niya, "Ano muna, kasi dito, dire-diretso ang trabaho kaya nagiging busy ako.

"Wala akong dine-date, wala talaga."

JENNICA GARCIA. Kailan pa siya huling nagkaroon ng girlfriend?

"Yung kay Jennica [Garcia], simula noon..." putol niyang sabi.

Napaso ba siya o na-trauma sa naging relasyon nila ni Jennica?

"Hindi naman," sabi agad ni Martin.

"Kasi para sa akin, kuntento naman ako sa mga nakukuha kong pagmamahal sa mga tao sa paligid ko.

"Hindi pa naman. Bata pa naman ako.

"Marami pa akong kakaininig bigas kaya yung babae, darating, mawawala."

Dagdag pa niya, "Family comes first. Yun ang nasa isip ko palagi.

"Yung kay Jennica, ang dami kong natutunan. Masasabi kong mas naging man ako nang dahil kay Jennica.

"Marami akong natutunan sa kanya."

Ang maganda raw sa kanila ni Jennica ay okay pa rin sila hanggang ngayon.

Maging sila ng boyfriend ngayon ni Jennica na si Alwyn Uytingco ay wala raw problema.

"Mas nauna ko pang nakilala si Alwyn kesa kay Jennica. At kasama ko siya ngayon sa Awesome."

Unang nagkasama sina Martin at Alwyn sa TV5 primetime series na Babaeng Hampaslupa.

CHARACTER OVER LOOKS. Ano ang hinahanap niya ngayon sa isang babae?

"Number one kasi sa akin, hindi na sa hitsura. Sa ugali na talaga ang hinahanap ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Number one sa akin ang ugali talaga," sabi ni Martin.

Sa hanay ng mga young actresses ngayon, kanino siya attracted at nagagandahan?

"Well, para sa akin, dito sa TV5, ang nagagandahan talaga ako si Jasmine Curtis [Smith] talaga.

"Then, sumusunod na riyan sina Kim Chiu at Jessy Mendiola."

Sina Kim at Jessy ay kapwa talents ng ABS-CBN.

Mayroon ba siyang gustong ligawan sa tatlong young stars na binanggit niya?

"Siyempre meron!" natatawang pag-amin ni Martin.

Sino sa tatlo ang kanyang liligawan kung mabibigyan siya ng pagkakataon?

"Siyempre sa ngayon, si Jasmine na ang talagang kakilala ko.

"Pero kung mabibigyan ako ng pagkakataon sa dalawa [Kim and Jessy], siyempre, iga-grab ko.

"Ang tanong, kung papansinin ba nila ako?" natatawa niyang sabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN