Nora Aunor returns with an improved voice; slated to do indie film with Brillante Mendoza

"Gusto kong bigyan ng priority yung mga fans ngayon sa pagbabalik ko. Sa mga fans na nandiyan pa rin, gusto kong matupad yung pangako ko sa kanila talaga ngayon. Kung anuman ’yon, sila lang ang nakakaalam. Pagka natupad na ’yon, saka malalaman ng mga tao," says Superstar Nora Aunor, who arrived earlier today from a short stay in Los Angeles.


"Welcome back, Ate Guy!"

Ito ang nagkakaisang pagbati ng fans ng Superstar na si Nora Aunor kanina, February 24, bago mag-alas-otso ng umaga, sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

"Salamat! Na-miss ko kayong lahat!" magiliw na bati naman ng singer-actress sa mga sumalubong na tagahanga, na ang iba’y nagkaroon ng pagkakataong mayakap at mahalikan sa pisngi ang superstar.

Dumating na nga si Nora kanina, kasama ang actor-rap artist na si John Rendez, mula sa Los Angeles, California.

Lulan sila ng Philippine Airlines (PAL) Flight PR103, na ang scheduled arrival na 5:55 a.m. ay na-delay, kaya 6:50 a.m. na ito nakababa sa paliparan.

Nakalabas sa Arrival area ng NAIA sina Nora at John bandang 7:45 a.m.

Kasamang nag-assist sa kanilang pagdating sina Boy Palma, Nora’s personal manager, at Ms. Jo-Ann Banaga, unit head TV5.

Paglabas na paglabas ay pinalibutan na agad si Ate Guy ng mga taga-media para sa mabilisang interview.

Bukod sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sumalubong din kay Nora ang mga kinatawan ng TV5 at GMA-7.

Masayang-masaya si Ate Guy, na halatang nakapagpahinga nang lubos mula sa isang buwan at kalahating pamamalagi sa Amerika.

BACK TO U.S. Sa interview, agad namang naitanong kay Nora ang napaulat na muli niyang pagbabalik sa Amerika matapos ang anim na buwan para sa pagpapatuloy ng kanyang medical treatment ugnay sa naapektuhang singing voice.

Matatandaang umalis ng bansa si Nora noong January 8 para sa nai-schedule na operasyon ng kanyang lalamunan sa Boston, Massachusetts.

Pero hindi muna naisagawa ang operasyon. Bagkus ay mayroong mga procedures na kailangang gawin, kabilang ang mga unang therapy sessions.

At babalik sa Amerika si Nora sa pagpapatuloy ng treatment o posibleng pag-undergo ng surgery.

"Wala pa," pagtukoy mismo ni Nora sa hindi natuloy na operasyon ng kanyang lalamunan.

"Kailangan daw akong magkaroon ng voice therapy, pero pagkatapos no’n...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kinakailangan kong bumalik talaga dahil yung doktor doon, masyadong busy at kailangan lang talagang i-schedule pa.

"Pero nakita na nila kung anong problema. Hindi pa [natuloy] yung operation, dahil may mga prosesong ginawa pa.

"Pagkatapos ng operation, ’tsaka naman magbu-voice therapy... sa New York yun."

SUPERSTAR VOICE. Tulad ng mga naunang pahayag ng mga malalapit na tao kay Nora, malaki ang naging improvement ngayon sa boses ng Superstar.

Hindi na ito paos o malat, hindi ’tulad noong unang magbalik si Nora sa Pilipinas noong Agosto 2011.

"A, talaga? Mababa lang kasi ang boses ko," nangiti si Ate Guy pagkarinig sa obserbasyon.

Sabi pa niya, nakapagpahinga siya nang husto sa mahigit isang buwang pamamalagi sa Los Angeles.

"Oo naman. Sobra nga, e," masaya niyang wika.

MESSAGE OF THANKS. Dagdag ni Nora, "Sa lahat ng nangyayaring ito, gusto kong ipaabot sa TV5 yung talagang taos-puso kong pasasalamat, dahil lahat ng aking kahilingan, lahat ng mga dapat kong gawin, talagang suportado po ako."

Pinasalamatan din ni Nora ang ilang executives ng Kapatid network na aniya’y, "Talagang nandiyan po lahat sila kapag may kailangan ako, suportado. Lahat talaga sila nagugulo dahil sa akin."

Para sa fans, nagpasalamat din ang Superstar: "Sa lahat ng fans, unang-una, yung aking buong-pusong pasasalamat pa rin at hanggang ngayon ay nandiyan sila. At yung suporta nila, talagang nandiyan pa rin.

"A... humihingi din ako ng paumanhin sa fans dahil may mga ipinangako ako... yung huling punta ko, na hindi ko natupad sa kanila.

"Gusto kong bigyan ng priority yung mga fans ngayon sa pagbabalik ko.

"Sa mga fans na nandiyan pa rin, gusto kong matupad yung pangako ko sa kanila talaga ngayon.

"Kung anuman ’yon, sila lang ang nakakaalam. Pagka natupad na ’yon, saka malalaman ng mga tao."

PROJECTS. Samantala, wala pang tiniyak na petsa si Nora hinggil sa muli niyang pagbabalik sa U.S. para sa pagpapatuloy ng kanyang medical treatment at voice therapy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tatapusin ko muna yung projects na gagawin ng TV5... may movie na gagawin," sabi ni Nora.

Sa mga naunang interview sa manager ni Nora na si Boy Palma, "on-hold" muna ang mga detalye ng mga proyektong susunod na gagawin ng aktres.

Pelikula at teleserye ang nabanggit ni Boy na pagbibidahan ni Nora, kasunod ng naunang mini-seryeng Sa Ngalan Ng Ina ng TV5.

Sa interview kaninang umaga, nagbanggit na si Nora ng pangunahing detalye hinggil sa pelikulang una niyang gagawin.

"May movie na gagawin na si Direktor Brillante [Mendoza] ang magdidirek," pagbabalita niya.

Ang tinutukoy ni Ate Guy ay ang indie film na nai-propose ni Direk Brillante sa aktres at naipagpaalam na rin sa TV5 management.

Sabi ni Ate Guy, "Tatapusin ko muna ’yon. At saka siguro, habang nagte-taping, pinaplano na nila yung sa mini-serye.

"Pagkatapos nun, baka aalis po muna ako uli."

Pero wala pang pagtukoy si Nora hinggil sa title ng gagawing indie project o kung sinu-sinong mga artista ang makakasama niya.

Naitanong din kay Ate Guy kung itutuloy pa rin ang nahintong pagsu-shooting niya para sa El Presidente, ang pelikula nila ni Laguna Governor Jorge "ER" Ejercito.

"A, opo. Siyempre po naman. Siyempre po," tugon ng aktres.

Pero kung kailan ang pag-resume ng shooting ng pelikula, o kung si Direk Tikoy Aguiluz pa rin ang magtatapos nito matapos ang napaulat na mga kontrobersiya, ay hindi tiyak ni Nora.

Aniya, "Hindi ko po alam, e. Hindi ko po alam kung kelan.

"Ang alam ko po, festival [Metro Manila Filmfest], e."

BIRTHDAY CONCERT. Nabanggit din sa interview ang tungkol sa nais na gawing birthday concert ni Nora sa May 21.

Sabi ng taga-TV5 News, maraming fans na ang nasasabik na muling marinig ang "golden voice" ng nag-iisang superstar.

"Naku, I hope!" masayang wika ni Ate Guy.

"Sana po. Yung pangako ko sa kanila, dapat ho magawa sa birhday ko!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MISSING HER CHILDREN AND GRANDCHILDREN. Si Ian de Leon, Nora’s biological son with former husband Christopher de Leon, ay nagpahayag na umano’y "sabik na sabik na akong makita si mommy!"

Ganun din ang nasabi ni Matet de Leon sa naunang PEP interview.

Wala man sila sa airport kanina, nauunawaan ni Ate Guy kung bakit hindi nakasalubong sa kanya ang mga anak—kabilang na sina Lotlot de Leon, Kiko, at Kenneth—na pawang may kalayuan ang tinitirhan.

"Ay naku, siyempre naman!" masaya uling nagpahayag si Nora nang marinig ang tungkol sa mensahe sa kanya ni Ian at ang pagka-miss din ni Matet at mga anak nito.

"Kung ang mga anak ko ay sabik na sabik na makita ako, ano pa kaya yung magulang?

"Siyempre, ako... ang aking katuwaan na makita sila."

NORA AND JOHN. Ano nga ba ang unang-unang gagawin ni Ate Guy ngayong nandito na uli siya sa Pilipinas?

"A, magre-rest muna. Gusto kong makita yung mga anak ko... at magpapahinga po ako," sagot niya.

Pero tila hindi napagod sa biyahe si Ate Guy at tila mas gumanda siya.

"Uy, nakasalamin lang ako!" sagot ni Nora na natatawa.

Tila "fresh-looking" din siya ngayon.

"Ganun ba ’yon? Ay naku, maraming salamat!"

Nausisa rin ng bahagya ang tungkol sa comeback rap album ni John Rendez. Nasa likod ni Nora si John habang ongoing ang interview.

"A, ang alam ko ngayon, yun ang aasikasuhin niya sa pagbabalik niya.

"Siya mismo kasi ang magpu-produce ng album."

Para mas malinawan ng taga-media ay si John mismo ang pinagsalita ni Nora tungkol sa concerns nito bilang comebacking rap artist.

"Album? Ginagawa pa. Malapit na," sabi ni John.

Hindi na raw si Andrew E ang magiging katuwang niya sa pagpu-produce ng album gaya ng naunang plano.

"Dapat meron, pero naisip ko, I want to do my own original music.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually, nasa YouYube na... Tingnan n’yo mga videos ko. Ako lahat ’yon gumawa."

Bago tuluyang lisanin ang airport ay bumati at nagpasalamat si Nora sa mga naroong miyembro ng kanyang fan clubs; kabilang ang GANAP at Federation of Nora Aunor Followers, Inc.

"Maraming maraming salamat po!" sabi uli ni Ate Guy.

Tutuloy si Nora sa pakikipag-meeting sa TV5 management.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN