Aljur Abrenica on being considered by CBCP to be their youth ambassador: "Para kunin ka nila, hindi biro yun."

"Kasi, madalas na naiintriga nga tayong babaero kahit hindi naman totoo. So far, happy ako at sana matuloy. Kakaibang opportunity and for me, history na rin ito," says Aljur Abrenica when asked about his chance to be the youth ambassador of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.


Malaking bagay at iba raw ang pakiramdam kapag nakaganap ka sa isang stage play.

Ito ang nararamdaman ni Aljur Abrenica nang gumanap siyang Jesus Christ sa play na Santa Cruz sa UP Film Center noong Sabado, February 26.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Aljur noong Martes ng gabi, February 28, sa isang restaurant sa may Scout Rallos, Quezon City.

Banaag sa mukha ng young actor ang kasiyahan lalo pa nga’t marami ang nanood ng kanilang dula.

Ayon kay Aljur, biglaan lang ang pagkakasama niya sa naturang dula at siya pa ang gumanap sa papel na Jesus Christ.

Saad niya, "Matagal ko na rin kasing kaibigan yung mga nasa likod ng play.

"Katunayan, sila ang naka-discover sa akin hanggang sa nahiwalay ako sa kanila.

"Nakakausap ko sila. Sinasabi nila na wala silang maisip na babagay sa play kung hindi ako... siguro mga three months ago.

"Kaya sabi ko sa kanila, ’Sige gagawin ko ’yan.’ At the same time, parang sukli na rin sa ginawa nila sa akin.

"Kung hindi rin naman dahil sa kanila, wala ako.

"Malaki rin ang naging puhunan nila sa akin. Tinuruan nila akong sumayaw at kumanta."

Dagdag pa ni Aljur, "Naging part din ng play ang dancers ng UP. Naging part din ang mga potential talents ng Tarlac City.

"’Tapos may grupo rin doon na sobrang galing sumayaw, nandoon din. Maganda yung script, story."

DREAM ROLE? Isa ba sa mga dream roles niya ang gumanap bilang Jesus Christ?

"Actually hindi," sagot ng Kapuso hunk.

"Pero noong sinabi sa akin na ang role ko as Jesus Christ, talagang oo ako agad.

"Ginusto ko kaagad siya. So, parang dream role ko rin siya nang malaman ko yun.

"Sobrang interesting at sino ba naman ang aayaw?

"Kumbaga, mabigyan ka ng oportunidad na gampanan mo ang buhay ni Jesus Christ."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May naging pagbabago bas a kanya matapos niyang gampanan ang papel na Jesus Christ?

"Grabe... kasi pinanood ko ang Passion of the Christ [2004].

"Before pinanood ko na siya, pero parang mas naintindihan ko siya ngayon.

"Playing the role of Jesus Christ, mas marami akong naintindihan.

"Para sa atin, yung milagrong ginawa niya. At kung paano niya hinawakan ang mga tao.

"Hindi niya pinilit, hindi niya pinakita kung gaano siya makapangyarihan."

RICH ASUNCION. Nakasama niya sa nasabing play ang ex-girlfriend niyang si Rich Asuncion.

Kahit matagal silang na-link sa isa’t isa at nasa iisang network nakakontrata, ang naturang stage play raw ang unang proyektong pinagsamahan nila.

Ayon kay Aljur, "Hindi ko pa siya nakakatrabaho.

"Sa StarStruck lang halos. Pero masaya siyang katrabaho. Na-enjoy ko ang company niya.

"Kumbaga, mas madali na lang ang trabaho lalo pa nga’t iisa lang kami ng handler."

Masasabi ba niyang mas okay ang samahan nila ni Rich ngayon?

"Oo naman, mas okay kami ngayon. At saka, ang galing niya.

"Sa totoo lang, nag-drop siya ng subject para do’n [sa play].

"Nagbago rin kasi ang taping ng Biritera, pero tinuloy pa rin niya.

"At yung effort na ginawa niya for the play, nakakatuwa naman."

Wala namang nanumbalik na anuman sa kanila?

"Wala. She’s happy and okay kami.

"Nagkakausap kami nang maayos. Nagkakabiruan. Marami siyang naikuwento.

"Masaya ’ko para sa kanya."


YOUTH AMBASSADOR? Hindi lang ang pagkakaganap niya bilang Jesus Christ sa isang play ang masasabi ni Aljur na napakapositibo na ginawa niya.

Kung matutuloy, posibleng siya ang makuhang youth ambassador ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

At kung matutuloy nga ito, malaki rin daw ang chance na maging bahagi si Aljur ng canonization ni Pedro Calungsod sa Vatican.

Pangalawang Filipino na maka-canonize sa history ng Catholic church si Pedro Calungsod kasunod ni San Lorenzo Ruiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa Kapuso actor, "Para kunin ka nila [CBCP], hindi biro yun.

"At para sa akin, it’s a message... sign of God. Kumbaga, nagkataon lang lahat.

"Walang nagplano na from the role of Jesus Christ hanggang sa magiging young ambassador ka.

"Para sa akin, calling din ’yan na may gustong ipadalang mensahe si Lord.

"Sa akin, kung matutuloy tatanggapin ko ’yan.

"At gagawin ko lahat ng makakaya na puwede kong mai-contribute para sa kanila."

Ano kaya ang meron sa kanya na sa hanay ng mga artista ay siya ang napipisil ng CBCP na maging youth ambassador?

"Yun nga rin ang gusto kong malaman sa kanila. Kasi, madalas na naiintriga nga tayong babaero kahit hindi naman totoo.

"So far, happy ako at sana matuloy. Kakaibang opportunity and for me history na rin ito."


HIS MOVIE. Ipapalabas na sa March 14 ang bagong pelikula ni Aljur sa GMA Films na My Kontrabida Girl, kunsaan kapareha niya si Rhian Ramos.

Ayon kay Aljur, "Sa totoo lang, excited ako.

"Sa lahat ng movie, ito talaga yung pinaghirapan po namin.

"Hindi lang sa pinaghirapan kung hindi isa ito sa may pinakamasayang cast.

"Pinakamasayang grupo na na-experience ko sa movie [making].

"Sobrang light lang ang trabaho, pero hindi namin pinapalagpas ang mga eksena na hindi namin nakukuha nang tama.

"Sobrang masaya sa set. Kumbaga, lahat kami nagkakasundu-sundo."

Si Aljur ay gumaganap bilang si Chris Bernal sa pelikula. Isa raw siyang hardinero, simpleng tao lang na may simpleng pangarap.

"Yun nga lang, meron akong isang katangian na hindi maganda, which is hindi ako marunong tumanggi.

"Kumbaga, may isang taong nangangailangan, tutulungan mo siya huwag lang siyang masaktan.

"Kaya siya pangit, kasi may girlfriend na siya. Pero kapag may lumapit na, hindi pa rin niya matanggihan.

"Hanggang sa dumarami ang girlfriend niya na hindi naman niya mahal.

"Actually, light lang ang movie. Feel-good movie siya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Childhood sweetheart daw niya sa pelikula si Rhian na gumaganap naman bilang si Isabel Reyes.

Higit sa pressure na kumita ang pelikula, excitement daw ang nangingibabawkay Aljur para sa pelikula.

"Ang ipinagdadasal ko lang, sana suportahan nila ang movie dahil maganda siya.

"Maganda ang pagkakagawa. Maganda ang story.

"At the same time, ako, happy ako sa movie dahil very rare lang din na nakakagawa ako ng may temang comedy.

"It’s a light movie na may halong comedy kaya masaya talaga."

UPCOMING PROJECTS. Pagkatapos ng My Kontrabida Girl, posible raw na ang bagong album niya sa GMA Records ang pagkaabalahan ni Aljur bukod sa ilang endorsements niya.

Sa paggawa naman ng teleserye, ang Amaya ang huli niyang proyekto.

"Naghihintay lang naman ako kung ano ang ibibigay ng GMA.

"Sa ngayon, hindi ko pa alam kung ano ang susunod kong soap na gagawin.

"Pero nagpapasalamat naman ako sa kanila dahil hindi naman ako nawawalan ng project," sabi niya.


ROCO AND ALDEN. Iisa si Aljur sa sinasabing pinu-push ng Kapuso network ngayon.

Pero hinuhubog na rin ng Kapuso network sina Rocco Nacino at Alden Richards bilang mga leading men.

Nararamdaman ba niyang may kumpetisyon sa kanila?

Ayon kay Aljur, "Hindi ko naman nakikita as competition sila.

"Masaya pa nga ako dahil nadadagdagan ang mga leading men sa GMA which is kulang din.

"Masaya ako kasi nadadagdagan ang mga kapatid ko sa network.

"Alam ko rin naman na pare-parehas lang kaming nagtatrabaho."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN