Boots Anson-Roa enjoys working in teleseryes: "Iba sa ginagawa namin dati na puro movies, tsaka nakakasama ko yung mga stars ng bagong generation."

Sa hanay ng mga kabataang artista ngayon, kanino nakikita ni Boots Anson-Roa ang kanyang sarili?

"Nakikita ko ang sarili ko siguro kay Iza Calzado kasi yung pakikisama at pakikitungo niya, parang pareho kami," Tita Boots says, adding, "Kay Shalani Soledad din."



Nag-e-enjoy ngayon sa paglabas sa mga teleserye ang batikang aktres na si Boots Anson Roa.

Sa panayam sa kaniya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Pebrero sa Quezon City, nagkuwento siya tungkol sa magagandang karanasan niya sa paggawa ng dramang pangtelebisyon.

"Masaya kahit napupuyat ako minsan; nag-eenjoy ako," aniya.

"Andun kasi yung excitement. Kasi iba sa ginagawa namin dati na puro movies, tsaka nakakasama ko yung mga stars ng bagong generation.

"At ang nakakatuwa pa, marespeto sila sa mga tulad namin na matagal na dito sa industriya."

Marami-rami na rin ang mga nagawang teleserye ni Tita Boots. Sa bilang niya, naka apat na siya sa GMA-7 at naka lima naman siya sa ABS-CBN 2.

Huli siyang nasilayan sa Kapamilya network sa teleseryeng pinagbidahan ni Coco Martin na Minsan Lang Kita Iibigin at sa Kapuso network naman ay Munting Heredera kung saan nakasama niya ang kaniyang kaibigang si Gloria Romero.

Matindi ang paghanga ng aktres sa mga artista ng bagong henerasyon. Para sa kaniya, karamihan sa mga yung stars ngayon ay magagaling umarte at naniniwala siyang malayo ang mararating ng kanilang karera.

"Maraming magagaling na mga artista ngayon at mga versatile pa sila.

"They can sing and dance. Mahusay din sa drama at comedy at puwede kahit na ano," ang sabi ni Tita Boots.

"Siguro nakatulong din yung pag-train sa kanila at pinag-aral sila ng mga istasyon, may workshop [sila].

"Andaming mga standout ngayon sa hanay ng mga kabataaang artista.

"Ang advice ko lang sa kanila, dito kasi sa atin, kailangang mahalin mo ang trabaho mo, kasi kapag di mo minahal, di ka rin mamahalin ng trabaho mo."

STAND-OUT ACTORS, ACTRESSES. Sinu-sino ba ang maituturing niyang stand-out o sa palagay niya ay magtatagal sa industriya?

"Of course, siyempre, andiyan si Piolo Pascual, si John Lloyd Cruz. Isa rin si Coco Martin. Sa mga babae naman si Toni Gonzaga, si Angel Locsin, si Anne Curtis. Yan yung sa ABS.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

’’Sa GMA group naman, ang mga nakasama ko dun na para sa akin ay magtatagal din ang career ay sina Richard Gutierrez, Dennis Trillo.

"Magagaling ang mga yan tapos sa mga babae naman ay si Iza Calzado na balita ko ay lumipat na raw sa ABS."

At kanino naman nakikita ni Tita Boots sa mga hanay ng mga kabataang artista ang sarili niya?

"Nakikita ko ang sarili ko siguro kay Iza Calzado kasi yung pakikisama at pakikitungo niya, parang pareho kami.

"Kay Shalani Soledad din.

"I remember nung nagkita kami sa isang showbiz function, and then nilapitan niya ko at ayun nagtsika-tsika kami at bago kami magkahiwalay ay sabi niya sa akin, ’Alam mo, Tita Boots my dream is to be like you.’

"Natuwa naman ako kasi more or less, pareho naman personality namin—yung medyo mahinhin.

"Naalala ko tuloy yung generation namin. Apat kami na palaging kino-compare na halos pare-pareho ang personality.

"Kami nina Gloria [Romero], Susan [Roces], at si Charo [Santos]."

MOWELFUND. Bukod sa pag-arte, abala rin siya bilang presidente ng Mowelfund. Tinututukan niya nang husto ang pangangalap ng pondo para may maipangtustos sa mga miyembro ng institusyon.

Madalas kasi, marami ang nagkakasakit sa mga miyembro na humihingi ng tulong pinansiyal.

May iba pang gastusin ang Mowelfund katulad ng kuryente, tubig at iba pang mga proyekto.

’’Puro fund-raising kami ngayon sa Mowelfund.

"Nitong huli lang, nakapag fund-raising kami ng karera ng kabayo.

"Last week naman nag-celebrity poker kami.

"Malay ko ba at di ko maintindihan ang poker, pero sige lang para magka-pondo. At saka si Ipe [Phillip Salvador], sila ang tumulong.

"OK naman at paunti-unti, ay nakakaipon kami.

"Sa sports naman, napasukan na namin ang celebrity golf, celebrity billiards.

"Nakaka-raise kami ng funds sa ganitong mga proyekto at nakakatuwa yung mga artistang nagpa-participate na kahit walang bayad ay bukas palad sila sa pagtulong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BRING BACK THE SUBSIDY. "Pero kung babalik sana yung subsidy sa amin ng Metro Manila Film Festival kagaya nung ’80s and ’90s, sana di na kami nagpa-fundraising ngayon.

"Mabuti na lang suportado pa rin kami ng MMDA Chairman na si Francis Tolentino," ani Tita Boots.

Nabanggit din namin kay Tita Boots ang sentimiyento ni Film Academy of the Philippines (FAP) president na si Leo Martinez.

Ayon kay Mr. Martinez, kulang sa suporta ng mga actor-politicians sa industriya, kaya mismong ang FAP ay bumabagsak.

Pati ang taunang pamimigay ng awards ng samahan ay nadi-delay at minsan ay hindi pa natutuloy.

"We have to approach them, sa dami rin ng mga concerns nila, minsan kailangan din namang ipaalam sa kanila kung ano yung kailangan.

’’Marami sa mga senador ang nagkukusa naman, yung iba panaka panaka lang, pero I’m very thankful naman dahil marami pa rin ang tumutulong," ang sabi ni Tita Boots.

’’Kasi yung gobyerno din natin dapat alam ang problema.

"Kung pagbabatayan natin yung panahon ni Mrs. [Imelda] Marcos, iba ang affinity niya sa industriya.

"Willing [siya] tumulong at maski yung anak niyang si Imee Marcos ay concerned din.

"I’m glad active na siya uli at nagpu-produce na naman.

"Sana magpatuloy siya kahit busy siya sa iba niyang trabaho.

"Mabuti na lang andiyan si Leo sa FAP, at malaki ang tulong niya.

"Masipag si Leo. Pinasukan niya yung cultural tax at nakakatulong naman kahit papaano sa FAP.

"Kasi kung aasa lang sa share ng Metro Manila Film Festival, maliit talaga, dahil andaming beneficiaries ng MMFF bukod sa FAP.

"May share din dun ang Mowelfund. Over the past ten years, bumaba talaga yung subsidy."

THINK POSITIVE. Ganunpaman, naniniwala ang beteranang aktres na masu-solusyunan ang problema ng FAP at maging ang pinamumunuan niya na Mowelfund.

Positibo ang pananaw niya sa mga lahat ng bagay lalo na sa industriya ng pelikulang Pilipino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ikinatuwa niya ang magandang performance sa takilya ng mga pelikulang kalahok sa MMFF 2012 at mga pelikulang nagtala ng pambihirang record sa takilya gaya ng No Other Woman nina Anne Curtis at Cristine Reyes gayundin ang Praybeyt Benjamin ni Vice Ganda.

"Napaka-welcome. Sana magkaroon ng momentum.

"May mga indie films din na kumita. Sana tuloy-tuloy na.

"Lahat naman ito para sa atin, para sa industriya natin at para maraming trabaho at magkaroon ng trabaho."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN