Vice Ganda on negative write-ups: "May iba naman kasing hindi naman galing sa katotohanan. Nanggaling lang yun sa ginawa nila para may maisulat din."

"Hindi ko po ipinagtatanggol ang sarili ko. Kasi parang pointless ’pag ipinagtanggol mo pa yung sarili mo. Katulad nga ng sinabi ko dati, bakit kailangan mong i-defend o i-explain ang sarili mo sa mga taong hindi ka naman gusto dahil kahit anong sabihin mo hindi ka naman nila paniniwalaan, di ba? At bakit mo rin kailangang ipagtanggol at ieksplika ang sarili mo sa mga taong nagmamahal sa iyo, e, kahit anuman ang gawin mo at sabihin mo ay mamah


"Thank you so much po sa inyong lahat for gracing this contract signing. Maraming-maraming salamat at binabati ko po kayong lahat.

"Binabati ko po kayong lahat na magagandang taong nandidito ngayon. Thank you so much for Belo for making me part of your beautiful family."

Ito ang bungad na pagbati ni Vice Ganda sa lahat ng invited press, kasama na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa presscon at contract signing na inihanda ng Belo Medical Group para i-welcome ang sikat na comedian-TV host bilang bagong celebrity endorser nila.

Ginanap ito kahapon, Marso 7, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Inuna na nga ni Vice ang pagbati sa lahat ng mga press para nga maiwasan na raw ang paglabas ng isyu na hindi umano siya namamansin ng mga press.

Natatawa nga siya habang may diin na sinasabi ang "binabati ko po kayong lahat."

Pero seryoso na niyang sinagot ang mga tanong sa kanya ng press.

Hindi na nga bago kay Vice ang ganitong isyu dahil may mga nauna na kasing mga isyu na lumabas na diumano’y hindi siya nambabati ng mga press o pinipili niya ang babatiin niyang press; katulad ng isang insidenteng nangyari sa set visit ng mga press sa It’s Showtime kung saan isa siya sa regular hosts at hurado.

Bagay na ipinaliwanag na ni Vice sa nailathalang interview sa kanya ng PEP.

(CLICK HERE to read related story.)

DEALING WITH NEGATIVE COMMENTS. Naitanong tuloy kay Vice sa presscon kung paano niya ipinagtatanggol ang sarili niya sa mga below-the-belt o negative comments at issues.

Sagot niya, "Hindi ko po ipinagtatanggol ang sarili ko. Kasi parang pointless ’pag ipinagtanggol mo pa yung sarili mo.

"Katulad nga ng sinabi ko dati, bakit kailangan mong i-defend o i-explain ang sarili mo sa mga taong hindi ka naman gusto dahil kahit anong sabihin mo hindi ka naman nila paniniwalaan, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At bakit mo rin kailangang ipagtanggol at ieksplika ang sarili mo sa mga taong nagmamahal sa iyo, e, kahit anuman ang gawin mo at sabihin mo ay mamahalin ka pa rin nila.

"So, wala, hindi ko po kailangang ipagtanggol ang sarili ko. Hinahayaan ko lang po sila.

"At saka ano din naman ’yan, e... life is about pushing and pulling yourself.

"Push yourself na ma-achieve yung goal mo and don’t let others pull you down. Ganun lang.

"Dedma lang ako sa kanila. Dedma lang talaga.

"Kasi kung lahat papansinin ko at lahat hahayaan kong maapektuhan ako, hindi ko na magagawa yung trabaho ko."

Iniisip niya ba na detractors agad ang mga ito o puwedeng critic muna?

"Puwede, puwede ring critic," sabi niya.

"Nasasaiyo rin naman iyan kung paano mo hahayaang maapektuhan ang sarili mo.

"I will never allow anything na maapektuhan ako negatively kasi ako mismo ang masisira.

"Alam ko yung mga taong isinusulat na sinasabi nila sa akin yun kasi concerned sila sa akin.

"Alam ko rin yung mga taong may intensiyong masama kung bakit nila isinulat yun na kahit hindi naman totoo ay isinulat pa rin nila.

"May iba naman kasing hindi naman galing sa katotohanan. Nanggaling lang yun sa ginawa nila para may maisulat din."

FIRST OPENLY GAY ENDORSER. Kaysa raw maapektuhan siya sa mga nang-iintriga sa kanya, mas gusto ngang pagtuunan ng pansin ni Vice ang kanyang trabaho, lalo pa ngayong sunud-sunod ang blessings niya katulad na nga lang ng pagiging bagong endorser ng Belo.

Paliwanag nga ng anak ni Dra. Vicki Belo na si Cristalle Belo-Henares, na present din sa presscon, sa pagkuha nila kay Vice bilang endorser, "For us, here in Belo, saludo kami kay Vice dahil sa talento niyang magpasaya. He’s able to bring smiles to every person.

"And to us, that’s beautiful. Ang tagline nga namin for Vice is ’Beauty is fun! Make Belo your Vice.’"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa kay Cristalle, matagal na raw nilang nililigawan si Vice.

"Even noong manager niya pa si Ogie Diaz, nag-uusap na sila ni Mommy. Pero parang ngayon lang talaga siya nagkaroon ng time.

"I guess kasi busy din si Vice and then naging busy din kami because we have so many endorsers to launch.

"Pero hindi namin siya binitawan, gusto talaga namin na maging part siya ng family namin.

"So, because we were so persistent at ang kulit-kulit namin, eventually naayos na rin yung relationship between us," saad ni Cristalle

Si Vice ba ang unang gay endorser ng Belo?

"First openly gay," sagot ni Vice.

So, meron bang closet gay sa Belo endorsers?

"Ay, wala po akong sinabi," sabi ng comedian.

Ano naman ang feeling ni Vice na siya ang "first openly gay" endorser ng Belo?

"Masaya kasi marami namang bading sa industry, pero ako yung pinili ng Belo na maging bahagi ng family nila.

"Kaya masaya rin kasi ibinigay nila sa akin yung tiwala.

"At kahit openly gay celebrity ako, nakikita nila yung credibility ko as an endorser."

NO PROBLEM WITH CALAYAN. Ngayong nasa Belo na siya, nagkaroon tuloy ng tanong kung bakit iniwan niya ang dating ine-endorse na Calayan clinic?

Sabi ni Vice, "Calayan has been very nice to me.

"Sina Drs. Manny and Pie Calayan, pareho namang mabait sa akin at nakatulong din sa akin.

"Siguro hindi naman magiging dahilan ito para maging magkaaway kami.

"Kaya lang yung laser procedure nga na gagawin sa akin, ang Belo lang ang meron at hindi makikita sa iba. At yun ang kailangan ko ngayon.

"At saka naniniwala din naman ako doon sa ipinalit ko. Magiging mabigat sa akin yun kung alam kong wala naman akong tiwala dito.

"Hindi naman ito pera-pera lang."

Dagdag pa ni Vice, natapos na raw ang kontrata niya sa Calayan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpaalam naman daw siya nang maayos sa Calayan bago tuluyang lumipat sa Belo.

Hindi ba siya naimpluwensiyan ng marami niyang mga kaibigan na pawang Belo endorsers, gaya ni Kris Aquino?

"Wala, wala naman.

"At saka hindi rin naman ako masyadong nai-influence ng kahit na sinong kaibigan ko.

"Ako pa rin ang magde-decide for myself. Choice ko na nasa Belo ako.

"Alam ko mabibigyan ng kulay at yung iba talagang bibigyan ng kulay. Pero walang kinalaman si Kris dito.

"Hindi ko naman manager si Kris Aquino."

TO DIE AT 40? Sa presscon, nilinaw rin ni Vice ang diumano’y statement niya na gusto niyang mamatay sa edad na 40.

Ngayong 35 na siya, ibig sabihin ba binibigyan na lang niya ang sarili niya ng limang taon para mabuhay?

"Dati kasi, sabi ko, ’pag 40, okay na akong get-in ako ni Lord kasi ayokong maging pabigat.

"Ayoko yung tatanda ako ’tapos yung incapacitated na ako, yung hindi ko na kayang kumita, yung hindi ko na kayang magtrabaho, ’tapos magiging pabigat sa kapwa ko at sa mga mahal ko sa buhay.

"Ayokong maging pabigat kaya gusto ko, sabi ko kung maaari yung okay pa ako, yung meron pa akong ibubuga.

"Gusto ko lang sanang magpahinga ng maaga-aga.

"Pero kung meron pa akong misyon na ibibigay sa akin ng Diyos, hindi ko naman pipigilan.

"Hindi ko naman pipilitin na mamatay agad."

Paano niya gustong maalala ng mga tao?

"Ano ba? Kahit naman hindi ako matandaan ng publiko, okay lang.

"Basta ang importante matandaan ako ng Diyos at saka alam ko kung sino yung totoong ako.

"Kasi kahit sabihin natin yung sikat na tao, talaga namang dumating yung panahon na nakalimutan din naman sila.

"So, hindi ko po alam, bahala na po yung mga tao kung ano yung gusto nilang isipin at kung paano nila ako gustong maalala.

"Siguro yung pinakasimple na lang, ako yung taong minsan sa buhay nila, hindi man araw-araw, hindi man lagi, pero minsang nakapagpangiti sa kanila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

FAME IS NOT PERMANENT. Naniniwala ba siya na hindi permanente ang kasikatan?

"Wala naman po talagang permanente sa buhay. Lahat naman ng tao namamatay.

"E, ako nga dati lalaki, bakla na ako ngayon, di ba?

"Wala po talagang permanente at saka hindi rin po talaga ako natatakot, e.

"Kung sinasabi n’yong famous man ako ngayon, meron man akong tinatamasang popularity ngayon, hindi ako natatakot kung mawala man ito lahat kasi nagsimula naman ako na wala rin ito, e.

"E, kung dati nga na wala pa akong masyadong natututunan sa buhay sa mga karanasan ko, naka-survive ako. E, di lalo pa ngayon na mas marami na akong alam."

Paano niya pinaghahandaan ang pagkawala ng kasikatan niya?

"Nag-iipon po ako," sagot ni Vice.

"Yung mga kinikita ko po, mas malaki yung iniipon ko kaysa sa ginagastos ko.

"Para kung sakaling mawala man ang lahat ng ito, meron pa rin akong mahuhugot at hindi ako babalik sa pagiging mukhang kawawa."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN