Part 1 Julia Montes considers new house in Antipolo as gift for her 17th birthday

Julia Montes on finally able to buy her family a house of their own: "Kasi before, sa iisang kuwarto lang kaming lahat—kaming lima. Ngayon, natutuwa ako na nabigyan ko na ng sariling kuwarto yung mga kapatid ko, nanay ko, at lola ko."


Sa March 19, Lunes, pa ang eksaktong ika-17 na kaarawan ni Julia Montes, pero binigyan na siya ng Star Magic ng birthday presscon kaninang hapon, March 8, sa 9501 restaurant sa ABS-CBN.

Naging emosyunal nga ang dalaga sa pag-ihip sa kandila ng kanyang birthday cake.

"Big deal kasi sa akin ’pag sinu-surprise ako," simula ni Julia nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

"Kasi nga... dahil nga hindi namin kinaugalian ng family ko na naghahanda talaga.

"So, ’pag sinu-surprise, may ganung factor talaga ako.

"Minsan nga kahit alam ko na at dumating na, may ganun pa rin ako.

"At iyakin talaga ako. Sobrang bilis kong maapektuhan dun sa mga nangyayari.

"Sobrang happy ko lang talaga."

LUCKY YEAR! Paano niya ikukumpara ang kanyang kaarawan ngayong taon kumpara noong 16th birthday niya?

Sabi ni Julia, "Naiba kasi, in a way, na ang dami kong naitulong sa family ko ngayon.

"Yung mga dati kong dreams ay unti-unti ko nang natutupad, lalo na yung bahay na pinapangarap ko para sa pamilya ko.

"Hindi na ako mamumroblema sa renta na paano itong monthly namin.

"At least ngayon, stable na yung titirhan ng family ko.

"Siguro ngayon, ang aasikuasuhin ko na lang, yung education ng mga kapatid ko—at secure na yung future nila."

Ano naman ang regalo niya para sa kanyang sarili?

"Yung bahay nga na natapos ko nang ipagawa.

"Yung bahay na yun kasi, sa aming lahat na yun, e.

"Gift ko na talaga for me yun. Hindi lang para sa akin, para sa pamilya ko na rin.

"Kasi ’pag secured sila, para sa ’kin, masaya na rin ako dun.

"Hindi talaga para sa ’kin lang talaga, e, para sa kanila talaga yun.

"Hindi kasi ako ganun na makasarili. Mas gusto kong yung family ko talaga ang masaya," saad niya.

HEW HOUSE. Kung noong isang taon ay nakatira sina Julia sa isang maliit na apartment at nakikisabay sa service ng kanyang mga teleseryeng kinakasalihan, ngayon ay nakapagpundar na siya ng sariling sasakyan at may bahay na rin siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa young star, "Mabilis po talaga, kaya nga super happy talaga ako kasi ang daming dumating na shows at endorsement. Yun talaga yung tumulong sa ’kin.

"At hindi ko rin po ine-expect na pagkatapos ng Mara Clara, diretso ng Walang Hanggan.

"Na habang nagwa-Walang Hanggan ay mabibili ko yung bahay na yun.

"So, talagang mixed emotion ako ngayon," naluluha ngunit nakangiting sabi niya.

Dagdag pa ni Julia, "Sana magtuly-tuloy pa yung takbo ng maganda kong career at yung mga sumusuporta sa akin, huwag sanang magsasawa.

"At yung sa family ko na sana mas lalo pa kaming maging masaya.

"Yun lang, happiness lang talaga sa buong pamilya ."

HOUSE BLESSING. Maliban sa kanyang birthday presscon, mayroon pa ba siyang ibang pinaplano para sa kanyang kaarawan?

"Meron naman po," sagot ni Julia.

"Siguro yung mismong house blessing ng bagong bahay namin, isasabay ko na yung birthday party ko dun.

"Gagawa ako ng simpleng dinner sa bagong bahay namin with my family.

"Simpleng celebration lang, kasi hindi naman ako mahilig mag-party, e.

"Siguro invite ko rin yung ilang friends ko sa Star Cinema, sa Star Magic, ibang close friends din sa showbiz.

"Invited din sina Coco Martin at Enchong Dee."

Puwede ba siyang magbigay ng konting detalye tungkol sa bago niyang bahay?

"Located po siya sa Antipolo, Rizal. Dalawang palapag, ’tapos may attic.

"Excited na ako sa bahay na yun, kasi yung buong attic, pinagawa kong walk-in closet.

"So, yun yung pinaka-excited ako. At may mini-garden siya sa gilid, may veranda.

"Pinakagusto ko siyempre na part yung sa kuwarto ko. Kasi, dream kong magkaroon ng sariling kuwarto.

"Kasi before, sa iisang kwarto lang kaming lahat, kaming lima.

"Ngayon, natutuwa ako na nabigyan ko na ng sariling kuwarto yung mga kapatid ko, nanay ko, at lola ko."

Mas pinili raw ni Julia na sa Antipolo bumili ng bahay dahil, "Siguro dahil maganda yung location, saka sariwa yung hangin sa Antipolo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Saka iniisip ko rin naman yung health nung lola ko.

"Sa Quezon City nga medyo maganda at malapit sa work, pero inisip ko rin kasi yung pollution.

"Pero kung sa Antipolo kas, maganda yung air compared dito sa Q.C. [Quezon City].

"At maganda yung location kasi kaharap namin golf course.

"In case na maengganyo yung mga kapatid ko sa golf, makakapaglaro sila dun.

"Tapos na yung house, pero lilipat pa kami this April kasi tatapusin ko yung schooling nung mga kapatid ko," pagtukoy niya sa pag-aaral ng mga kapatid na naka-enroll sa isang paaralan sa Quezon City.

KATHRYN BERNARDO. Nagkahiwalay na sila ng tinatahak na karera ng co-star niya noon sa Mara Clara na si Kathryn Bernardo, mula nang si Julia ay napasama na sa Walang Hanggan.

Nakakapag-usap pa ba sila ng dati niyang co-star?

"Oo, pero minsan may miss factor talaga. Na, nami-miss namin yung bonding namin sa set before.

"May ugali kasi kami dati na pagtapos ng taping, sabay kaming nagsa-shower. Wala na kaming kasabay na ganun ngayon.

"Iba talaga yung bonding namin ni Kathryn.

"Pero yun nga, di pa rin naman nawawala yung communication.

"Pero hindi na nga lang ganun kadalas kasi busy na po kami pareho," sabi ni Julia.

Sinasabi ng ilan na medyo napapag-iwanan na niya si Kathryn pagdating sa kanilang career.

Pero ayon kay Julia, "Nalulungkot ako, kasi yung dating sa ibang tao na nalampasan ko na si Kathryn.

"Pero hindi, kasi may malaking proyekto rin syang ginagawa ngayon.

"Excited ako para sa kanya kasi ’pag napanuod niyo yung ginagawa nyang project na yun... makikita n’yo yung ibang side ni Kathryn sa project niyang yun.

"Kasi princess, princess ang papel niya dun," pagtukoy ni Julia sa teleseryeng pinagsasamahan nina Kathryn at Gretchen Barretto, ang Princess and I.

Hindi ba siya nakakaramdam ng kumpetisyon sa kaibigan kahit pilit nilang iwinawaglit ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala naman, friendly competition siguro in a way na nagbabantayan kami.

"Sinasabi niya na, ’Ate, mas okay siguro ’pag ginawa mo yung ganito.’

"Ako rin naman nagbibigay ako ng advice sa kanya tungkol sa aming mga roles na ginagawa.

"Ayun lang, tulungan para sa ikauunlad ng aming career."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN