Part 2. Governor Vilma Santos denies conflict with leading man and Batangas board member Christopher de Leon

Governor Vilma Santos-Recto on rumorored conflict Christopher de Leon: "Well, wala naman. Basta ang alam ko, e, tatakbo raw siyang congressman. Nagsabi na siya sa akin. Magkasundo naman kami at ang balak niya talaga, tatakbong congressman."


Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Governor Vilma Santos-Recto matapos ng parangal para sa pitong outstanding governors ng bansa noong March 19, kung saan isa siya sa honorees, niliwanaw ng Star for All Seasons ang ilan pang isyu kaugnay sa kanya.

CHRISTOPHER DE LEON. May bali-balitang hindi raw sila nagkakasundo ngayon ng paborito niyang leading man na si Christopher de Leon na board member din ng pangalawang distrito ng Batangas? Ano ang katotohanan dito?

"Well, wala naman. Basta ang alam ko, e, tatakbo raw siyang congressman.

"Nagsabi na siya sa akin. Magkasundo naman kami at ang balak niya talaga, tatakbong congressman.

"Pero nagre-rely din siya sa akin at kay Ralph [Recto, Vilma’s husband] at sa survey.

"’Pag maganda ang survey niya, papasok naman siya sa congressman.

"Pareho kaming nasa Liberal [Party] ni Boyet. Marami sa mga kasamahan naming ngayon ang gustong mag-Liberal na."

Sabi pa ng gobernadora, "Ang maganda lang sa Batangas, and isa sa talagang ipinagmamalaki ko sa amin sa Batangas, ang karamihan diyan, e, hindi ko kapartido.

"Pero wala akong problema sa samahan namin.

"Isang patawag ko at isang imbitasyon ko sa kanila, e, ’andiyan silang lahat kahit hindi mo sila kapartido. ’Yan ang ikinasuwerte ko sa Batangas.

"The good thing, ang kapalit nito, kahit hindi kita kapartido, kapag kailangan mo at merong sulosyon, e, hindi kita iipitin, kasi kailangan mo, e.

"Kaya siguro, in a way, na-appreciate din ng mga mayor at kaya hindi ko kapartido, isang patawag ko lang, ’andiyan na agad silang lahat.

"Nakita niyo yung VSR party, nandudo’n lahat ang mga mayors.

"Dalawa lang ang kapartido ko doon. The rest hindi ko kapartido and yet they came and gave their cooperation and participation.

"Malaking bagay na sa aming lahat yun."

OTHER WOMAN? May intrigang meron daw ibang kinalolokohan babae ngayon si Boyet (palayaw ni Christopher) na taga-Batangas daw. Ano ang masasabi ni Ate Vi tungkol dito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako’y nagkakape!" napapailing at napatawang sagot ng multi-awarded actress and politician.

"Pero hindi naman yata totoo. Kamakailan lang, they were there. Kasama ni Boyet si Sandy [Andolong, kabiyak ng actor].

"Pero tungkol sa isyu, I don’t ask.

"Basta Sandy was there... kaya lang ayokong i-entertain ang mga tsismis na ’yan."

PRESIDENT NOYNOY AQUINO. Sa panayam ng PEP, muli ay nadako ang usapan sa pulitika at ito ay may kinalaman naman sa pinakamataas na opisyal ng bansa.

Kung may mga taong pabor sa kasalukuyang pamamalakad ni President Noynoy Aquino, marami rin ang ang hindi sang-ayon.

Kung si Ate Vi ang tatanungin, nandun ang pagtatanggol niya sa Presidente.

"Ilang taon na si PNoy [President Noynoy] sa Malacañang, two years?

"Yung first year niya, ibigay na natin sa kanya yun. Hindi ganun kadali yun.

"Dito nga sa Batangas lang, e, may mga problema talaga, how much kay PNoy who is handling the whole Philippines?

"So, ’wag naman nating husgahan agad na para bang bukas may solusyon na ang lahat.

"Maybe sa year na ito, on his second year, baka ’andito na ang mga plano to be implemented.

"Kasi lahat naman talaga pinaplano. Hindi pwede yung kagaad-agad. Kumbaga, nasa plano at focus.

"Hindi mo muna ine-entertain ang iba pang problema. Kasi ’pag in- entertain mo ’yan, e, ningas-kugon ka riyan.

"Ang vision mo ang importante. Dito muna tayo mag-concentrate. Nasa right track naman si PNoy.

"At the end of the day, hindi mo naman talaga mapi-please lahat ng mga tao," paliwanag ng gobernadora ng Batangas.

Ibinigay na halimbawa ni Ate Vi ang sarili niya at ang paraan ng pamamalakad niya sa lalawigan ng Batangas.

"Maski sa akin, lang, e. Hintayin n’yo lang. Malapit na naman ang eleksiyon, tiyak na may mga negative na namang maglalabasan na kesyo wala akong ginagawa kumbaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yun naman talaga ang lagi nilang binabato sa akin. Hindi na bago ’yan.

"Anyway, one thing I have learned, basta alam mong ginagawa mo ang the best mo, alam mong you are on the right track at basta you are doing your job sa abot ng iyong makakaya, damn if you do, damn if you don’t.

"May gagawin kang mabuti, may sasabihin. May gagawin kang masama, may sasabihin.

"Basta do your homework, ibigay mo yung nararapat sa tao.

"At the end of the day, ikaw naman ang mananagot sa sarili mo.

"Basta ang importante, I give my best," seryoso pa ring lahad ng ina ng Batangas.

Dagdag niya, "Ito naman ang lagi kong sinasabi sa kanila—na hindi ko naman kayang magmilagro.

"Pero wala akong inapakan at wala akong dinaya.

"Dahil yun lang ang kakayahan ng serbisyo ko at ng pondo na meron tayo. That’s all.

"Pero yung sasabihin mo na merong mamintas, e, talagang laging meron.

"Kung hindi nga matibay-tibay ang dibdib ko noon, e, matagal na rin akong bumibigay.

"Para bang sa dami mong napagawa, at the end of the day, pagdating ng eleksyon, e, hindi rin pala yun nagma-matter.

"Kasi importante pa rin sa iba yung kung sino ang kadikit nila.

"Hindi mahalaga kung ano ang nagawa mo sa kabuuan at para higit sa nakakarami.

"Dapat kasi sa mga tao, ’pag binoto nila ang isang tao, e, dahil sa may ginawa at may magagawa pa at hindi yung dahil sa kadikit mo.

"Hindi talaga tayo aangat diyan.

"You know, to be honest, hindi lang naman sa gobyerno natin ang problema, may problema rin sa mga tao natin.

"Hindi lang kami ang may responsibilidad, even the community ay may responsibilidad din na dapat magbago talaga .

"Hindi lang kami na nasa gobyerno, dapat lahat talaga dapat gumalaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung gusto ninyong umangat tayo, pero kung iiwan ninyong lahat ’yan sa amin, unfair yun.

"Kumbaga, doon sa mga taong nagpi-finger point sa amin, e, hindi nga yata sila nagbabayad ng tax nila, e.

"Kumbaga, sa iniikutan ko ngayon, e, malaking bagay na rin itong mga natutunan ko. Natututunan na rin sa mga ginagawa ko araw-araw.

"Kumbaga, meron kang dapat na maipagmalaki.

"Ngayong araw, itong mga isyu, nakakasagot ako. Pero nung araw, e, kausapin mo ako sa ganito, napapanganga na lang ako. Di ko alam kung ano ang isasagot ko.

"Pero ngayon, ini enjoy ko yung mga nalalaman ko at kung ano ang maaari kong isi-share sa mga kausap ko.

"It is fulfilling talaga, ang sarap ng pakiramdam na they believe in you. Yun ang fulfillment doon.

"Pero yung load ng trabaho, at mga things to do at yung mga people you had to please hangga’t maari, e, talagang hindi biro.

"’Buti na lang hindi ako tumatanda!" napatawa pa niyang banggit.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN