Direk Wenn Deramas on Star Cinema’s decision to back out from co-producing his movie with Viva Films: "Totoong sumama ang loob ko."

"Kasi ang feeling ko, bakit ngayon lang ang desisyon na ’yan? Samantalang on their end, pinagtrabaho naman nila ako, di ba? Like sinabi ko nga, the additional shoots and meetings with them, ganyan-ganyan..." says Direk Wenn Deramas when asked what he feels about Star Cinema’s decision not to co-produce his movie with Viva Films anymore.


Tila hindi raw yata tinatantanan ng problema at isyu si Direk Wenn Deramas sa Star Cinema.

Malabo na raw kasing i-co-produce ng Star Cinema ang pelikula niyang lalabas ngayong April. Ito ay ang Moron 5 and The Crying Lady na pinagbibidahan nina Luis Manzano, Marvin Agustin, Billy Crawford, Martin Escudero, DJ Durano, at John "Sweet" Lapus.

Dapat sana’y muling magsasanib-puwersa sa isang co-production venture ang Star Cinema at Viva Films para sa pelikulang ito, pero kumalas ang film arm ng ABS-CBN. Kaya ang Viva ngayon ang solong bumabalikat sa produksiyon ng pelikula.

(CLICK HERE to read related story.)

Sa presscon ng Moron 5 and The Crying Lady kagabi, March 22, na ginanap sa Royal Dining Seafood Restaurant, Tomas Morato, Quezon City, ipinaliwanag ng Viva Films executive na si Vincent del Rosario na hindi naging matagumpay ang pag-uusap nila ng Star Cinema.

Si Vincent ay anak ng Viva big boss na si Vic del Rosario.

Ayon kay Vincent, "I think ano, e, yung exercise na parang nag-evaluate ng isa’t isa yung project na naganap, pero hindi nagkaroon ng resolution.

"Like in any other business, minsan parang one-side deals na, ’Dapat ganito ang gawin.’ The other side deals, ’Dapat ganito gawin.’

"Na hindi lang nagkasundo sa iba’t ibang viewpoints.

"Pero patuloy naman... we’re co-producing with Star [Star Cinema]," na ang tinutukoy ni Vincent ay ang pelikula na pagsasamahan uli nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo.

Dagdag pa niya, "Nakakapanghinayang kasi masaya sana if we work together again.

"Pero itong instance na ito, hindi nagkita sa gitna."

Noong nakaraang taon, dalawa sa co-production deals ng Star Cinema at Viva Films ang naging pinakamalaking hits sa takilya—ang No Other Woman at Praybeyt Benjamin.

DIREK WENN SPEAKS UP. Sa panayam naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Direk Wenn matapos ang presscon proper ng Moron 5 and The Crying Lady, nilinaw nitong sa Enteng Ng Ina Mo siya unang nagkaroon ng problema sa Star Cinema.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matatandaang sumama ang loob ni Direk Wenn nang hindi siya kunin bilang direktor ng pelikulang pinagbidahan nina Vic Sotto at Ai-Ai delas Alas, samantalang konsepto niya ang istorya at mga karakter sa Ang Tanging Ina movie franchise.

Ang naging direktor ng Enteng Ng Ina Mo ay si Tony Y. Reyes, na direktor ni Vic sa Enteng Kabisote movies nito.

(CLICK HERE to read related story.)

Ayon kay Direk Wenn, ikalawa na itong Moron 5 and The Crying Lady na naging poblema niya sa Star Cinema.

Ipinaliwanag ni Direk Wenn ang naging proseso ng pagbuo niya ng pelikula at kung paano ito pumasa sa panlasa ng Star Cinema.

Aniya, "Pero, di ba, may process na aalukin kunyari ng Viva na, ’Eto ang script, basahin n’yo.’

"Sa case ko, na lagi kong isinusulat ang script sa set, so rushes ang pinapanood nila.

"So, from the rushes, nag-okay ang Star Cinema. Ibig sabihin, nagustuhan nila yung pelikula.

"And then after that, imi-meeting nila ako.

"After meeting, may suggestions—additional scenes na nag-uwian yung mga moron sa pami-pamilya nila. Ginawa ko.

"So, sa feeling ko noon, okay na.

"’Tapos no’n, hinandle na ng Star Cinema yung promo. Like pictorial, poster, etcetera, etcetera.

"’Tapos no’n, three days before ng last day, sinabi nilang hindi na."

Na ang ibig sabihin ng direktor ay hindi na makikipag-co produce ang Star Cinema sa Viva Films.

"So, may hindi pagkakasundo somewhere sa budget ng pelikula," esplika pa ni Direk Wenn.

BUDGET ISSUE. Tumanggi nang magbigay ng pahayag si Direk Wenn sa isyung ang promotion and publicity lang ang kayang ibigay ng Star Cinema bilang share nila sa movie. Bagay diumano na hindi inayunan ng Viva Films.

"’Yan ang hindi ko masasagot," sabi agad ni Direk Wenn.

"Kasi ang alam ko sa Praybeyt [Benjamin] ay fifty-fifty [ang hatian sa gastos].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang alam ko, ha? Puwedeng mali ako doon.

"Basta’t ang nakarating na lang sa akin, coming from Star Cinema nung Thursday na nagsu-shoot ako... Friday dapat ang presscon, ’Cancelled po.’

"No explanation.

"So, nagtanong ako. Dumating ako kay Roxy [Liquigan], head ng adprom.

"So, si Roxy, wala pa ring alam. Hindi pa rin niya alam.

"Kasi ang nag-uusap-usap lang that time ay sina Boss Vic [del Rosario], Tita June [Rufino], at si Malou Santos.

"So, pagkatapos no’n, humingi ako ng ano... kung ano ang nangyayari.

"So, sinabi na nilang, ’Ay, hindi na co-prod.’

"So, ang initial reaction ko talaga ay totoong sumama ang loob ko.

"Kasi ang feeling ko, bakit ngayon lang ang desisyon na ’yan?

"Samantalang on their end, pinagtrabaho naman nila ako, di ba?

"Like, sinabi ko nga, the additional shoots and meetings with them, ganyan-ganyan.

"Then, after ilang araw na sobrang stressed out ako, kasi aalis ako dahil nominated sa Okinawa Festival ang Praybet Benjamin at iiwan ko ang Wako-Wako," patungkol niya sa kanyang idinidireheng TV series sa ABS-CBN na kailangan niyang mag-advance taping para may maiwang episodes habang wala siya sa bansa.

Dagdag pa ni Direk Wenn, "Nakaka-stress, ganun-gano’n lang!

"Nagmuni-muni ako kanina.

"Hindi ako dapat makialam between Viva and Star Cinema."

BYE, KAPAMILYA? Natawa si Direk Wenn sa assessment ng ilan na bakit parang hindi matapus-tapos ang problema niya sa sa Star Cinema.

Gugustuhin pa ba niyang dugtungan ang buhay o career niya sa ABS-CBN pagkatapos ng mga pinagdaanan niya sa Star Cinema?

"Ikaw naman, leading ka, e!" natatawang komento niya sa tanong.

Sandaling nag-isip si Direk at saka nagsalita uli.

Aniya, "Twenty years ako sa ABS CBN, 15 years sa Star Cinema, hindi natin yun basta-basta matatapon.

"Iniisip ko lang lagi, kapag ganyang may tampuhan, siyempre magsasalita ka nang hindi maganda, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Iniisip ko lagi na kahit sa mga magkakapatid, laging may nangyayaring ganito.

"Siguro sa sinasabi mong, ’Bakit paulit-ulit na lang na ganito?’ and yet nandito pa rin ako sa ABS and Star Cinema—simple, because lagi kong iniisip, Kapamilya ako.

"Pero siyempre, bukod sa Kapamilya ako, may kontrata ako bilang Kapamilya na alam naman ng lahat ng tao na mag-i-end po ito ng July.

"Pagdating ng July... wala akong kahit anong ibang sinasagutan.

"Hindi po totoong umoo na ako dito sa istasyon na ito o ano.

"Dahil ang una po sa lahat, ang kinakausap po ng tao ay si Ms. June Rufino at si Mr. Vic del Rosario, hindi po ako.

"Binabalitaan lang po nila ako na may ganito.

"Pero yung diretsong sa kanila nanggaling na, ’Wenn, meeting tayo, wala pong ganung kaganapan.’

"Although sa ABS po ay nagkaroon na kami ng pag-uusap ni Ms. Charo Santos-Concio noong January 2 of 2012," pagbabalita niya.

Ano ang laman ng kanilang pag-uusap?

"Ay, pep talk kung ano ang gusto kong mangyari, kung ano ang problema ko, anong hinaing ko sa buhay...

"Lahat naman ay nasabi ko."

WENN’S SENTIMENTS? Nabigyan ba ng kasagutan o solusyon ang mga hinaing niya?

"Pagdating po doon sa renewal ng kontrata, ang ipinakiusap ko lang kay Ms. Charo Santos-Concio, July pa po yung pag-i-end ng kontrata ko. Gusto kong gumising isang umaga na, ’Ay, wala na akong kontrata, o. ’Tapos pirma tayo.’

"Saka tayo mag-usap ng ano, ’Pirma tayo.’ Huwag nating pangunahan yung mga hindi pa nagaganap kasi ako mismo, rumi-relax lang ako.

"Pero hindi po. Wala po sa hinagap ko... kung okay naman po ang lahat, Kapamilya pa rin ako.

"Kung okay ang lahat pagkatapos ng lahat ng ito, hinding-hindi ako magsasabing hinding-hindi ako pipirma sa Kapamilya network.

"Malaking-malaki ang utang na loob ko sa kanila.

"Sinasabi ko, 21 years ’yan, 15 years sa pelikula sa Star Cinema.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko yun matatapon ’yan basta-basta."

HIS VALUE AS A DIRCTOR. Pero sa kabila ng kanyang mga paliwanag na pabor sa Kapamilya network, inamin ni Direk Wenn na nagtampo siya sa bagong problema niya sa Star Cinema.

Ani Direk Wenn, "Totoong nagtampo.

"Pero hindi rin... alam ko na sa dami ng calls ng Star Cinema para mag-usap kami dahil dito, alam kong bina-value nila ako bilang direktor nila.

"Kasi kung hindi, dededmahin nila ’eto, e. Pero hindi ito.

"Ang nangyayari, kaya hindi pa nagaganap ang meeting na ’yan, sinasabi ko rin sa kanila.

"Kasi ginagawa ko po yung Wako Wako na M-W-F [Monday, Wednesday, Friday].

"Nagtapos ako ng pelikula ng T-Th-S [Tuesday, Thursday, Saturday] and at the same time, nagpu-post prod ako ng pelikula.

"And at the same time, nagsisimula ako ng soap ni Iza Calzado na may playdate na rin.

"So, nakiusap lang ako na kung puwede, pagkatapos ng pelikula, matutulog lang po ako, ’tapos meeting tayo. Yung ganun.

"Hindi naman talaga ako mahirap kausap."

THINK THINGS OVER. Gaano katagal ba ang hinihinging "tulog" ni Direk Wenn?

"Ang sa akin lang po, may emosyon tayo ’pag pagod tayo, di ba?

"Yung pagod, pagod at pagod. Hindi magiging maganda ’yan.

"Ang maganda, maka-rest tayo nang mahusay.

"Makapagmuni-muni ako dahil mga importanteng tao rin ang mga ito sa buhay ko at sa career ko.

"So, iingatan mo rin ang mga sasabihin mo, kaya humihingi ako ng pahinga lang.

"Parang mga katulad na nangyari noon. Ng mga meetings noon na maayos na natatapos.

"Ako, ang hinihingi ko sa kanila, after Holy Week lang.

"Mag-uusap-usap kami after Holy Week lang," sabi niya.


HELP PROMOTE THE MOVIE. Humingi rin ng tulong si Direk Wenn sa entertainment press na tulungang mai-promote ang Moron 5 and The Crying Lady dahil may kaba raw siya sa paglabas nito sa mga sinehan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siguro babalikan ko yung nararamdaman ko na napapagod ako, ’tapos nag-edit ako kanina.

"’Tapos maganda yung pelikula... Hindi ako nagbibiro, nakakatawa yung pelikula.

"Nanghihinayang talaga doon sa mileage na puwedeng ibigay ng Star Cinema sa pelikulang ito.

"Like kunwari sa Praybeyt Benjamin, hindi naman magti-340 million yung pelikula kung hindi rin siguro sa ibinigay na effort at supporta ng Star Cinema.

"So, ’etong pelikulang ito [Moron 5] na ang puno’t dulo ay mahal.

"Alam ko ’yan. Aminan na tayo.

"Magprangkahan na tayo na yung mga bida natin dito ay hindi pa nakakapag-solo talaga.

"Ang ginawa ko lang ay pagsama-samahin ang strength ng mga lalakeng ito.

"Ng mga taong ito with John Lapus na kanina pa nga niya sinasabi na ’eto yung parang for him his biggest break niya...

"Gumastos po kami ng malaki.

"Kung bakit hindi natuloy ang deal with Viva Films, dahil po talagang malaki yung budget.

"Nakakalungkot kung hindi ko man lamang maibabalik yung ginamit.

"Ang naging panukala namin dito, lakihan natin yung pelikula. Gastusan natin yung pelikula.

"’Pag nakitang ano... na pinagkagastuhan ng production, may production value, at ano talaga ang pelikula, tatauhin katulad no’ng sa Praybeyt Benjamin.

"Dahil yung sa Praybeyt Benjamin, sa mga hindi nila alam, ang laki po nung budget nun.

"Ang malawakan sanang promotion mileage na matatanggap ng Moron 5 ang nawala nang kumalas sa co-production ang Star Cinema sa Viva Films. Yun yun.

"Plus, kunwari sabihin na nating with Star Cinema, alam mong may sarili kang network.

"Ibig sabihin, hindi dadagdag yung production cost ng Viva kung meron kang network kang may magpu-push nun.

"Ibig sabihin, maglalabas ng another budget ang Viva para magbayad ng TV spots, trailer sa ABS, na puwede na sanang i-shoulder ng Star Cinema. Yun lang yun."

Gaya ng sinasabi ni Direk Wenn, inaasahan niyang makakapag-usap pa sila ng Star Cinema sa mga darating na araw bago mag-expire ang kontrata niya sa ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May mga tao kasing nagmi-mediate sa amin na sinabihan ko na.

"Si Mel del Rosario [writer sa TV at pelikula] po yun na sinabihan ko na, ’Sis, palagpasin lang natin yung Holy Week.’

"Mahirap kasing sumabay in the middle ng lahat ng ito ay saka naman tayo magbabalitaktakan at magtanungan tayo na anong value ko at anong ano n’yo sa akin.

"’Pag nairaos na itong pelikulang ito... at sana po ay kumita.

"Kasi nahihiya rin ako sa Viva na ang laki ng investment. Yun lang," pagwawakas ng movie and TV director.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN