Janine Gutierrez on being showbiz royalty: “Ang dami ko po kasing maga­galing na kamag-anak, kaya kailangang gali­ngan ko rin."

With Janine Gutierrez’s height and looks, she has been asked many times if she would consider joining a beauty contest. The daughter of Lotlot de Leon and Ramon Christopher says, “Hindi ko lang po talaga inisip na sumali sa kahit na anong pageant. Sa palagay ko po kasi, hindi para sa akin iyon." She prefers to focus on her budding showbiz career.


Tinanong ng PEP.ph si Janine Gutierrez kung bakit ayaw niyang sumali sa mga beauty pageants tulad ng Binibining Pilipinas or Miss World-Philippines.

Sa ganda at height kasing iyon ni Janine, idagdag pa ang natapos niyang kursong European Studies sa Ateneo de Manila University, tiyak na pupuwesto si Janine kapag naisipang sumali sa kahit na anong beauty contest.

“Hindi ko lang po talaga inisip na sumali sa kahit na anong pageant. Sa palagay ko po kasi, hindi para sa akin iyon, kaya never po talagang pumasok sa isip ko,” unang pahayag ng magandang anak nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher.

Kaya kahit marami ang kumukumbinsi kay Janine ay nananatiling matatag ang kanyang desisyon na hindi sumali sa kahit na anong timpalak-pagandahan.

Sa ngayon, masaya si Janine sa kanyang umuusbong na showbiz career.

Bukod sa weekly stint niya sa Party Pilipinas ay mapapanood rin si Janine sa My Beloved in a guest role.

“Sobrang natuwa at na-excite po ako kasi very first primetime TV series ko po ito, na kahit guest lang ako, natutuwa po ako at nagpapasalamat sa GMA.”

Nag-e-enjoy rin daw si Janine sa madalas niyang kasama sa mga eksena niya sa My Beloved na sina Frank Magalona, Carl Guevarra at Jennica Garcia.

“Mababait po sila, kaya enjoy kami sa taping.”

Hindi pa raw niya nakaka-eksena ang mga bida ng show na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

“Sana po, makaeksena ko rin sila, although nakikita ko naman po sila sa Party Pilipinas.”

Natuwa naman si Janine na kahit Kapuso star siya ay nakasama niya ang ilang Kapamilya youngstars.

Naganap ito sa MyPhone TV commercial na kung saan isa si Janine sa mga endorsers ng naturang brand ng cellular phone.

Pinakaunang TV commercial ito ni Janine at ilan sa mga ABS-CBN stars na nakasama niya during the commercial shoot ay sina Julia Montes, Kathryn Bernardo, Lauren Young, Lauren Uy, Sam Concepcion at James Reid.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Mabait po sila, kasama ko po sila sa dressing room, mabait po silang lahat.”

Samantala, among the Kapuso young actors ay may mga nagsasabi na bagay na i-partner si Janine kay Alden Richards, pati na rin kay Mikael Daez na isa ring Atenista tulad ni Janine.

“Sa akin naman po, kung sino po ang gusto na ipareha sa akin ng GMA, okay lang po sa akin, mas alam po nila kung ano ang makakabuti sa career ko.”

HER CRUSHES. Pero inamin ni Janine na ang showbiz crush niya ay si Enrique Gil. Naguguwapuhan raw siya kay Enrique, tulad rin ng iba pa niyang crushes na sina Matteo Guidicelli at Borgy Manotoc.

Pero nilinaw ni Janine, crushes lamang niya ang mga nabanggit; in fact, sa gandang iyon ni Janine ay hindi pa siya nagkaka-boyfriend.

May­roon daw mga nanligaw, pero wala siyang sinagot at nakarelasyon. Wala pa daw talaga sa isip niya ang pakikipagrelasyon.

Dahil nanggaling sa pamilya ng mga artista (lolo’t lola niya sa mother side sina Christopher de Leon at Nora Aunor at lolo’t lola naman niya sa father side sina Eddie Gutierrez at Pilita Corrales), isang showbiz royalty si Janine.

At aminado siya, may pressure ito on her part.

“Ang dami ko po kasing maga­galing na kamag-anak, kaya kailangang gali­ngan ko rin. At iyon naman po ang ginagawa ko, ayoko po kasing mapahiya sa kanila.”

ESTRANGED PARENTS. Matagal nang hiwalay ang parents ni Janine, at naitanong namin sa kanya kung hinihiling o dinadasal ba niyang magkabalikan ang mga parents niya?

“Opo, pero hindi na po umaasa. Siguro, kahit sino namang hiwalay ang parents, nagwi-wish na, ‘Sana, bigla silang magkaayos.’

“Pero parang hindi po talaga, e. So, tanggap ko na po. At saka matagal na rin,” sinabi ng dalaga.

Kuntento na raw silang magkakapatid na kahit hiwalay na ay magkaibigan sina Lotlot at Monching.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Okay naman po sila. They’re friends. ‘Pag may family thing, kumpleto naman po kami.

“So, at least, thankful po ako. Kasi, suwerte pa rin ako na kahit hiwalay sila, okay po sila.”

Ano naman ang magiging reaksyon ni Janine kapag nagkaroon na ng bagong karelasyon ang mommy at daddy niya?

“Okay lang siguro po kasi matagal na rin naman silang hiwalay.

“Kung saan po sila masaya, okay na sa aming magkakapatid.”

ON HER MAMITA, PILITA. Kinumusta naman namin ang sitwasyon sa pagitan ng mommy niya at ang ‘mamita’ niyang si Pi­lita Corrales na hanggang ngayon daw ay may gap pa rin.

Two years ago pa huling nagkita ang dalawa at nagbeso-beso naman kahit may hindi pagkakaunawaan.

Wala ba silang ginagawang paraan para magkabati ang mama at lola nila?

“Parang mahirap po kasi na kami yung gumawa ng paraan, e.

“I’m sure naman po, eventually, magiging mas okay po yung sitwasyon nila. Hayaan na lang muna natin sila ngayon.”

Never naman raw siniraan ng lola niya ang mommy niya. Kinukumusta pa raw nito at minsan ay binibigyan ng mga gamit o damit.

Super-close sila ng kanyang mamita kaya kahit kay Janine ay kung anu-ano ang binibigay sa kanya nito.

“Suwer­te ko nga po dahil magka-size kami ng paa ni mamita, so ang dami na niyang ibinigay na mga shoes at kung anu-ano pa sa akin.”

Ang lola naman niyang si Nora Aunor ay nakasama nila nitong nakaraang Pasko.

Pumunta sila sa tinutuluyang condo ni Ate Guy sa Eastwood. Nandoon din ang ibang mga anak ni Nora kaya kumpleto sila at naging masaya ang pagsasama nila last Christmas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN