Nora Aunor to start shooting Brillante Mendoza indie film in April; location is in Tawi-Tawi

Nora Aunor is also scheduled to return the U.S. for another throat operation. When asked how much her surgery would cost the Superstar said, “Malaki! Sobrang laki!” but declined to reveal the amount.



Maikli at mabilisan lang ang naging panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Nora Aunor kagabi sa ginanap na Golden Screen Awards ng EnPress (Entertainment Press Society) sa Teatrino sa Greenhills, San Juan City.

Ginawaran siya ng Lino Brocka Lifetime Achievement Award kaya gano’n na lang ang tuwa at pasasalamat ng Superstar.

“Maraming salamat sa EnPress,” aniya.

“At nais kong ihandog ang karangalang ito sa lahat ng mga fans, sa lahat ng nagmamahal sa akin, at sa pamilya ko.”

Masayang ibinalita rin ng Superstar na may gagawin siyang indie film na ididirehe ni Brillante Mendoza.

"Sa April 14 po ang shooting namin. Sa Tawi-Tawi ang location ng pelikula.”

Nakatakda rin daw siyang bumalik ulit sa Amerika para sa operasyon ng kanyang lalamunan. Pero hindi sinabi ng aktres kung kailan.

“Na-check-up na ako ng doktor. Kaya kailangang bumalik ako.”

Balitang napakalaking halaga raw ang kakailanganin para sa nasabing operasyon?

“Totoo ‘yon.

“Kaya pinag-iipunan ko pa ‘yong ibang kakailanganin para sa gastusin.”

Magkano ba aabutin ang gastos?

“Malaki!” natawang sabi ni Ate Guy.

“Sobrang laki!”

Ayaw magbigay ng aktres ng eksaktong halaga na kakailanganin para sa operasyon niya.

“Operation talaga ang gagawin sa akin,” sunod niyang nasabi.

“Kaya lang malalim…’yong vocal chords walang napinsala. Pero masyadong malalim ‘yong tinamaan,” patungkol ni Nora sa dating naging isyu nga kung bakit na-damage ang kanyang vocal chords.

“Kaya kailangang maoperahan na muli.”

Ano na nga pala ang update tungkol sa maraming projects na pinaplano sa kanya ng TV 5 na nakasaad sa bagong kontratang pinirmahan niya?

“A, siguro...pagbalik ko.”

Alin kaya ang unang gawin niya sa Kapatid Network? ‘Yong pelikula? ‘Yong serye? O ‘yong reality talent search na niluluto rin para sa kanya?

“Hindi ko pa alam.

“Pero itong pelikula kay Brilliante ang mauuna ko ngang gagawin.”

Miss na miss na raw niya talaga ang pagkanta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ay, umiiyak pa rin ako kapag nakakapanood ng mga kumakanta. Sa totoo lang.

“Masakit talaga ‘yong nangyaring pagka-damage ng vocal chords ko. Nagsisi ako.

“Pero ando’n na ‘yon, e. Wala na tayong magagawa.”

Pinakikinggan ba niya ‘yong kanyang mga dating recording?

“Oo naman. Madalas.”

And how does she feel while listening to the songs she has recorded in the past?

“’Yon nga…masakit!

“Masakit talaga.”

Pero sa kabila ng mga hindi magandang pangyayari sa kanyang buhay, ang Noranians, buo pa rin ang suporta at laging nasa likod niya.

“Oo nga.

“’Yon na lang ang nagbibigay-buhay din sa akin talaga.

"Maliban sa aking pamilya. At sa lahat ng mga nagmamahal sa akin,” panghuling nasabi ni Ate Guy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN