Jiro Manio graduates from high school; his "father" hopes he gets a second chance in showbiz

On his graduation day, Jiro Manio (left) received a special award as Most Inspiring Student. His proud "father" Andrew (right) says: "Pareho kaming nagulat kasi may special award siya. Natuwa ako siyempre kasi malaking inspirasyon siya sa mga kasama niya sa school. Kahit na may pinagdaanan si Jiro na mabigat, nagawa niyang bumangon ulit at ipagpatuloy ang buhay niya."



Kung meron mang sobra ang saya sa pagtatapos ng high school ng dating child actor na si Jiro Manio, ito ay ang kanyang tinuring na ama na si Andrew Manio.
Inamin nga ni Daddy Andrew na sobra siyang natuwa nang ibalita sa kanyang ng kanyang anak na si Jiro na makakasama siya sa graduation rites sa pinapasukan niya na RESPSCI (Rizal Experimental Station and Pilot School of Cottages Industries) sa Pasig City na ginanap last March 29.
Ayon kay Daddy Andrew, minsan sa isang linggo ang pasok ni Jiro sa RESPSCI at hinahatid siya roon ng mga tauhan ng Home Care kunsaan nagpa-rehab ang kanyang anak dahil sa pagkalulong nito sa masamang bisyo.
TEARS OF JOY. Kaya noong sabihin sa kanya ni Jiro na magtatapos na siya ng high school, halos maiyak ito.
“Hindi naman ako yung sobrang naiyak,” sabay tawa pa ni Daddy Andrew.
“Naluha lang ako kasi alam naman ni Jiro na ito ang pangarap namin para sa kanya. Yung makatapos siya ng pag-aaral niya.
“Hindi nga ako makapaniwala na nagawa niya ito habang nagpapagaling siya sa Home Care. Binibisita ko naman siya roon every week kapag kaya ko at wala akong ibang ginagawa.
“Nakikibalita ako sa kanya kung ano na ang kalagayan niya roon. Sinabi nga niya na nag-aaral na siya ulit ng high school sa RESPSCI.
"Natuwa naman ako kasi alam ko na gusto rin ni Jiro na makatapos siya.
“Mabuti rin na ginawa niya iyon dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na makihalubilo sa ibang mga estudyante.
“Sa school nga raw nila, hindi artista ang turing sa kanya. Wala siyang special treatment.
"Normal ang buhay niya bilang estudyante kaya masaya ako para sa anak ko. I am very proud of him.”
SPECIAL AWARD. Noong dumating nga ang araw ng graduation ni Jiro, malaking sorpresa rin kay Daddy Andrew na binigyan ang kanyang anak ng special award bilang Most Inspiring Student.
Pinaakyat pa si Jiro sa stage para magbigay ng kanyang mensahe sa mga kapwa niyang graduates.
“Pareho kaming nagulat kasi may special award siya.
“Natuwa ako siyempre kasi malaking inspirasyon siya sa mga kasama niya sa school.
“Kahit na may pinagdaanan si Jiro na mabigat, nagawa niyang bumangon ulit at ipagpatuloy ang buhay niya.
“Sapat na siguro iyon para may mga ma-inspire siyang mga kabataan. Habang may buhay, may pag-asa,” diin niya.
Si Andrew Manio ang nakagisnang ama na ni Jiro simula noong batang paslit pa lang ito. Si Daddy Andrew ay kapatid ng yumaong ina ni Jiro.
Hindi na nakilala ng multi-awarded child actor ang tunay niyang ama na isang Japanese.
DAUGHTER GRADUATES, TOO. Kaya hiyang-hiya nga raw si Jiro sa mga nangyari sa buhay niya. Gusto nga raw niyang bumawi sa kanyang ama pati na rin sa kanyang 3-year old daughter.
“Wala nga sa graduation ang anak niya kasi graduation din ng bata sa nursery.
"Nagkasabay nga graduation nilang mag-ama. Kaya magkikita na lang sila sa bahay.
“Noong nasa Home Care pa si Jiro, lagi niyang inaala ang anak niya at pati kami.
"Si Jiro kasi, isip-matanda ‘yan, e. Gusto niya na nasa maayos kaming kalagayan parati.
“Kaya noong ma-rehab siya, talagang worried siya sa amin. Sino na raw ang magtatrabaho para sa amin?
"Paano na raw kami kasi nandoon siya sa Home Care?
“Sinabi ko naman na huwag siyang mag-alala at kaya naman namin. Ang importante ay ang magpagaling siya kasi marami ang nanghihinayang sa kanya.”
ORDINARY PERSON. Sa loob raw ng Home Care ay hindi artista ang turing kay Jiro. May schedule siya sa mga house chores. May time din para sa pag-aaral, pagbasa ng Bibliya, at pagdasal.
“Mas naging malapit sa Diyos si Jiro. Marami raw siyang natutunan sa Home Care. Naging madasalin siya.
“Malaki ang pinagbago niya kaya nagpapasalamat siya na nagawa niyang mag-volunteer para magpa-rehab.
“Malaki ang pagsisisi niya at nalaman niya na malaki ang nawala sa kanya nang malulong siya sa bisyo. Nahiya nga siya sa akin.
“Pero sinabi ko naman na hindi siya dapat mahiya dahil anak ko siya. Kung kailangan niya ng tulong, nandito ako para sa kanya parati.”
Nangako nga raw si Jiro kay Daddy Andrew na hindi na raw nito gagawin ang malulong sa masamang bisyo. Ayaw na raw niyang masasaktan ang kanyang pamilya dahil sa ginagawa niya.
“Hindi naman ako nagalit kay Jiro. Na-disappoint lang ako kasi marami siyang sinayang na pagkakataon.
“Natural lang na yun ang maramdaman ko kasi nga mahal ko ang batang ‘yan.
"Kami ng mother ko ang nagpalaki kay Jiro, kaya kung may nangyayari sa kanyang ganyan, siyempre kahit na sinong magulang ay madi-disappoint.
“Pero nangako naman si Jiro na hindi na niya uulitin iyon. Natuto na raw siya at gusto niyang magbagong-buhay na.
“Para raw makapagtrabaho siya ulit at matupad niya ang mga pangarap niya para sa amin at sa anak niya.
SECOND CHANCE. “Kaya sana nga, bigyan nila ng isa pang pagkakataon ang anak ko. Hindi perpektong tao si Jiro.
"Nagkakamali siya. Sana pagkatiwalaan siya ulit.”
Balak nga rin daw ni Jiro na ipagpatuloy ang kanyang pagkuha ng college degree. Marami raw itong gustong kuning kurso tulad ng culinary arts at ang pagiging piloto.
“Nasabi nga niya sa akin ‘yan. Nakakatuwa kasi sa kanya na mismo nanggagaling na gusto niyang ipagpatuloy ang pagtatapos ng college.
“Marami siyang gustong kunin na course sa college. Pero gusto niyang makaipon muna para sa pag-aaral niya.
"Kaya gusto niyang makapagtrabaho ulit.
“Dasal ko nga na mabigyan ng trabaho ang anak ko kasi marami ang naniniwala sa husay niya bilang artista,” pagtapos pa ni Andrew Manio.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN