Annabelle Rama and Amalia Fuentes make a scene at wake of Joey Stevens; Annabelle reveals issue with Gloria Diaz

Annabelle Rama is in the news again because of her feud with former movie queen Amalia Fuentes (inset, top) and former Miss Universe Gloria Diaz (inset, bottom).


May nagparating sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nagkaroon daw ng gulo nang dumating si Annabelle Rama sa Misa para sa libing ni Joey Stevens na ginanap sa chapel ng Santuario de San Antonio sa Forbes Park, Makati kaninang umaga, April 3.

Si Joey Stevens ang estranged husband ng dating movie queen na si Amalia Fuentes.

Ayon sa source ng PEP, "pula" raw ang suot na damit ni Annabelle nang dumating doon para dumalo sa misa.

Pinalayas daw si Annabelle ni Amalia na galit na galit nang nakita ang talent manager.

Nagkaroon daw ng mainit na pagtatalo sina Amalia at Annabelle sa gitna ng Misa.

Hindi raw umalis si Annabelle at sinabi lang daw nitong pumunta siya roon para sa patay.

ANNABELLE’S STORY. Agad tinawagan ng PEP si Annabelle para kumpirmahin ang naturang insidente.

Noong una, hindi ito sumasagot. Pero ilang sandali lang, tumawag ang talent manager para magpaliwanag kung ano ang aniya’y “totoong nangyari.”

Simulang kuwento ni Annabelle; “May ka-meeting ako, ‘Dong, sa Rustan’s [Makati] sa may Starbucks.

“Tapos na ang meeting ko, tumawid lang ako ng simbahan, kasi hindi pa ako nakapagsimba.

“Ewan ko, bakit parang dinala yung paa ko pakaliwa.

“Sabi sa akin ng guard dun, last day na raw ni Joey, may Misa raw. Ililibing na siya.

“Pumasok ako para magdasal lang. Mag-light ng candle.

“Wala naman talaga akong balak na pumunta, pero naisip ko puntahan ko na lang kasi kaibigan ko naman si Joey.

“Bago siya namatay, nagkita pa kami sa Greenhills, nag-usap pa kami, e.”

Dagdag pang kuwento ni Annabelle, sa unang gabi pa lang ng burol ni Joey ay pumunta na raw sila ng asawa niyang si Eddie Gutierrez. Pero hindi raw sila bumaba ng sasakyan nang nalaman nilang nandun na sa burol si Amalia.

Patuloy ni Annabelle, “Akala ko naman kasi wala pa siya [Amalia] dun, kasi galit naman siya kay Joey, di ba?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tinutukoy rito ni Annabelle ay ang alitan noon nina Amalia at Joey kaugnay ng kanilang masalimuot na paghihiwalay noong 2007 na umabot pa sa pagsasampa ng dating couple ng kaso laban sa isa’t isa.

Sabi pa ni Annabelle, “Pero hindi ko naman matanggap na hindi ko siya puntahan para magdasal, kasi kaibigan ko naman si Joey.

“Kaya kanina, pumasok na ako para magdasal lang dahil yung patay naman ang ipinunta ko dun, hindi siya [Amalia].

“Nagmimisa pa, pumasok ako.

“Nilapitan niya [Amalia] ako, sabi niya, ‘Bakit ka naka-red? Lumayas ka dito!’

“Orange ang suot ko, ‘Dong!” paglilinaw ni Annabelle sa amin.

Nag-post ng kanyang larawan si Annabelle sa Twitter upang ipakita na orange ang suot niyang damit, at hindi pula.

“Kasi wala naman talaga akong plano na pumunta dun, may meeting ako sa Starbucks.

“Pero nung sinabi sa akin na last day na dun ni Joey, pumasok na ako.

“Kung talagang may plano ako na pumunta ako, e, di nag-white ako o naka-black.

“Kasi makikipag-meeting lang naman talaga ako e.”

Ayon pa sa Gutierrez matriarch, hindi raw niya pinansin ang paninita sa kanya ni Amalia.

LIKE IN THE MOVIES. Pero nagulat na lang daw siya nang minura siya habang ongoing pa ang misa at nasa harapan mismo ng kabaong ni Joey Stevens.

Kuwento ni Annabelle, “Nagmimisa pa siya, minura niya ako!"

“Sabi niya, ‘P*** mo, lumayas ka dito! Hindi ako natatakot sa ‘yo! Humanda ka pagkatapos ng burol!’

“Sabi ko sa kanya, tapusin muna ang Misa. Respetuhin naman ang Mass at ang patay. Mag-usap kami pagkatapos ng Misa.

“Hindi naman ako makikipag-away sa kanya. Pero ginaganun na niya ako, hindi ko siya uurungan!

“Sabi ko sa kanya, lumabas siya. Dun kami sa labas, huwag dun sa harap ng pari.

“Kahit bastos ako, ‘Dong, hindi naman ako ganun kabastos na sa harapan ng pari, sa harap ng patay, magmumura.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nandun lang naman ako para magdasal.

“’Tapos nun, inutusan niya yung anak niya, si Geric, na paalisin ako.”

Si Geric ay si Gerard Stevens na anak nina Amalia at Joey.

“Nakiusap sa akin ang bata, na umalis na raw ako kasi galit na nga raw ang mommy niya.

“Sabi ko, ’Saan si Liezl, magku-condolence lang ako sa kanya.’”

Si Liezl Martinez ang anak ni Amalia sa dati nitong asawa na si Romeo Vasquez.

“Nasa loob daw iyak nang iyak kasi kasama raw niya ang daddy niya nang namatay ito,” kuwento pa ni Annabelle.

Upang pagbigyan ang pakiusap ni Geric, at para rin hindi na lumaki ang gulo, umalis na lang si Annabelle. Aniya pa, nakakahiya na rin daw sa mga taong nandun na nakipaglibing.

Dugtong niya, "Hindi ako natatakot sa ‘yo! Humanda ka pagkatapos ng burol!"

NO FIGHT WITH AMALIA. Nagtataka raw si Annabelle kung bakit ganun na lang ang galit sa kanya ni Amalia.

“Hindi ko talaga siya pinapatulan nun, ‘Dong, kasi hindi naman siya ang kaaway ko, e.

“Nakisawsaw siya sa away namin ni Nadia [Montenegro], hindi ako kumikibo.

“Wala akong sinasabi laban sa kanya. Hindi ko siya sinisiraan.

“Pero siya, kung anu-anong paninira sa akin ang sinasabi niya sa ibang tao na nakakarating naman sa akin.

“Wala akong sinasabi laban sa kanya, kasi hindi naman kami magkaaway, e.

“Anong ginawa ko sa kanya, bakit niya ako inaaway?

“Ano, nainggit siya dahil ako ang pinakasalan ni Eduardo [Eddie Gutierrez]? Ako ang nanalo?

“Kasalanan ko ba kung maganda ang buhay ko?"

Hindi raw siya natatakot sa mga sasabihin ni Amalia, kung magsasalita nga ito.

Nakahanda naman daw siya kung gusto nitong makipag-away, at hindi raw siya uurong.

Hindi pa nga rito natatapos ang lahat dahil ilang oras lamang pagkatapos ng insidente sa Santuario de San Antonio ay sa Twitter naman nagsagutan sina Annabelle at Amalia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa nasabing networking site din sinabi ng dating aktres ang kanyang panig tungkol sa nangyari.

GLORIA DIAZ. Ipinaliwanag na rin ni Annabelle ang insidenteng nangyari nang magkita sila ni Gloria Diaz sa isang restaurant sa The Fort nung nakaraang Sabado ng gabi, March 31.

Si Gloria ang tinutukoy ni Annabelle sa tweets niya na nailathala na rin sa ilang media outlets.

Aniya, “Nakuwento ko naman sa Twitter yung nangyari, e.

“Nag-dinner kami ni Eduardo sa The Fort, kasama namin si Elvis [anak ni Annabelle at Eddie] at ang girlfriend niya.

“Lumipat kami ng mesa sa labas, nandun pala siya [Gloria] kasama ang boyfriend niya.

“Nakita ko sa corner ng mata ko na nakatingin sila sa amin.

“Maya-maya, tumayo si Eddie, pumunta sa banyo.

“’Tapos nakita ko, may tinawagan siya [Gloria] sa phone.

“Pagbalik ni Eduardo, tumayo siya pumunta sa table namin, inabot ang phone kay Eduardo.

“Kausapin daw siya ni Amalia kasi namatay na raw si Joey.”

Nairita raw si Annabelle dahil kaharap daw siya, kinausap daw ni Amalia si Eddie sa phone pero siya ang sinisiraan.

“Sabi ni Eddie sa kanya, ‘Wala akong kinalaman sa away n’yo. Ito si Annabelle, kausapin mo.”

Ang ikinagalit pa raw ni Annabelle ay bakit daw ginawa iyon ni Gloria sa harapan niya mismo.

“Nagulat ako kasi Miss Universe siya, nagawa niyang bastusin ako, na sa harapan ko mismo, inabot niya ang telepono kay Eddie para ipakiusap na sisiraan lang naman ako.

“Tumayo pa siya sa upuan niya para iabot ang telepono kay Eduardo.

“Hindi ko akalain na gagawin niya yun sa akin, wala naman akong ginagawa sa kanila!

“Kinausap ko pa siya, ‘Day! Sabi ko sa kanya, kasali si Isabelle [Daza] sa drama series ni Richard [Gutierrez], maganda ang role.”

Si Isabelle ang anak ni Gloria, samantalang si Richard naman ay anak ni Annabelle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy ni Annabelle, “Sabi niya, pinull-out na raw niya, hindi naman daw lead role.

“Sabi ko sa kanya, hindi naman puwedeng pang-lead agad dahil medyo hirap pa ito mag-Tagalog.

“Maayos pa ang pakikipag-usap ko sa kanya, ganunin pa niya ako!

“Ako, nananahimik ako, pero hindi naman ako basta ganun-ganunin na lang.

“Kung magsasalita sila, hindi ako natatakot.

“Nakahanda naman ako lagi, haharapin ko sila!”

Nagpadala na ng text message ang PEP kay Leo Dominguez, ang manager ng dating beauty queen.

Wala itong binigay na pahayag, bagkus, ipinadala nito via text message ang numero ng tahanan ni Gloria, na sa kasalukuyan ay "nasa bakasyon" daw.

Bukas ang website na ito sa panig ni Gloria Diaz kaugnay ng mga pahayag ni Annabelle tungkol sa kanya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN