Vilma Santos tackles gangster-mom role in new movie after The Healing

Vilma Santos speaks highly of her co-stars in The Healing; of Pokwang, she says: “Yung Pokwang na alam mong magaling magpatawa, pero dito, e, madadala ka niya sa mga eksena… magaling siyang aktres.” And her impression of Kim Chui: “At sa totoo lang, magaling si Kim Chiu at malayung-malayo ang mararating ng batang ’yan sa showbiz.”


Kahit medyo apurahan ang shooting ng The Healing ay pinagbigyan pa rin ni Star for All Seasons at Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) for an interview in between takes.

Kaeksena niya noong gabing yun sina Pokwang, Allan Paule, at Ynez Veneracion.

NEW INDIE MOVIE. Ikinuwento ni Ate Vi sa PEP na pagkatapos ng The Healing ni Direk Chito Roño, ang offer na indie movie ni Adolf Alix ang posible niyang maging next movie.

Tapos na niyang basahin ang script nito at gustung-gusto niya raw itong gawin.

Kuwento ni Ate Vi, “Istorya ito ng isang ina na Ma Barker ang dating."

Si Ma Barker ay isang ina ng mga gangster na kinatatakutan noon sa Amerika.

“Isang matapang na nanay ako dito na illegal ang lahat ng trabaho ng mga anak.

“’Tapos, isang anak niya napatay; then yung isang anak pa, e, nasangkot sa drugs.

“Kumbaga, maganda ang story at ang daming twist.

“At saka pati ang dialogue, gustung-gusto ko.

“Medyo maghihiganti rin ako rito sa pumatay sa anak ko… maganda talaga."

Isang inang nagmumura, parang palaging galit, at bungangera ang papel ni Ate Vi sa magiging kauna-unahan niyang indie movie kung sakaling matuloy ito.

Pero ayon kay Ate Vi, depende pa rin yun sa pelikula niyang The Healing at sa Star Cinema.

“Nakausap ko na si Alix [Adolf], sabi ko sa kanya, pag-usapan namin kung papaano ko magagawa.

“Pero sa totoo lang talaga, gusto kong gawin at very challenging ang role.

“Iba ang dating, pero Ma Barker nga lang.”

TIGHT SCHEDULE. So, malaki ang posibilidad na gagawin niya ang project?

“Sana talaga I can find time at ilang days lang naman ang hinihingi sa akin nina Adolf.

“Pero next week, may meeting ako kina Malou [Santos], na medyo nahihiya na nga ako sa kanila.

“Ito yung project na gagawin ko sa kanila na isang TV show naman para sa 50th anniversary ko sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hiyang-hiya na nga ako sa kanila dahil gustung-gusto na nilang maisingit ko yun.

“Sinasabi ko nga, e, medyo pagod na talaga ako.

“Kamukha ngayon, e, nasa shooting ako, magdamagan na naman ito.

“Kahapon nasa Batangas City ako, ‘ando’n si Secretary Joel Villanueva para sa project ko sa TESDA.

“Ang dami naming taong… mahigit dalawang libo katao yun.

“Then, diretso ako sa opisina ko sa Kapitolyo. Then from Kapitolyo, diretso sa Lipa. Then from Lipa, diretso naman sa Balete, Batangas.

“But as it is, hindi ako nagrereklamo dahil tinanggap ko at responsibilidad ko ito.

“Basta this week, makakapag-usap na kami ng grupo nina Malou para naman sa TV show na gagawin ko.”

POKWANG AND ATE VI. Naging guest na si Ate Vi sa pelikula noon ni Pokwang na The Lucky Ones, pero ito ang first time na magkasama ang dalawa sa isang pelikulang suspense-horror—ang The Healing.

Sabi ni Ate Vi tungkol sa komedyana, “Well, super at ang galing niya. Seryoso rin siya sa ginagawa niya.

“Yung Pokwang na alam mong magaling magpatawa, pero dito, e, madadala ka niya sa mga eksena… magaling siyang aktres.”

Kung matuloy ang plano this coming July ay ipapalabas na ang The Healing.

Ayon kay Ate Vi, “May post-prod [production] pa kasi ito at marami pang mga gagawin para sa ikagaganda ng movie.

“Sana nga matuloy na maipalabas ng July.

“Horror-suspense kasi ang movie kaya maraming mga dapat pang gawin.

“Pero maganda… Kaya nagkaroon ng tinatawag nating curse kasi may patay na nabuhay dito—nakakatakot na maganda.

“And for sure, magugustuhan ng lahat, lalung-lalo na ng mga Vilmanians ko na ilang taon din nila akong hindi napapanood sa big screen.”

KIM CHIUAND ATE VI. Puring-puri rin ni Ate Vi ang co-star niyang si Kim Chiu, na isa sa nagtatangkang pumatay sa kanya sa pelikula.

“Isa rin kasi sa magiging biktima si Kim Chiu dahil ako ang nagdala sa kanila sa lugar na yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya ako ang parang may pananagutan.

“Alam n’yo ang movie na ito, kay Kim Chiu, e—wala itong pa-sweet-sweet.

“Maganda ang role niya rito. Wala siyang loveteam dito.

“At sa totoo lang, magaling si Kim Chiu at malayung-malayo ang mararating ng batang ’yan sa showbiz,” papuri pa ni Ate Vi sa young actress.

WORKING HANDS-ON. Tuwing Huwebes at Sabado ang shooting ni Ate Vi sa pelikulang The Healing. Ang ibang araw naman ay ginugugol niya sa kanyang pagiging gobernador ng Batangas.

“Kaya ako medyo pagod kasi kahit na yung mga lamay, mga kasalan, pinupuntahan ko.

“And I still work in Batangas… plus I’m in the process now of going to different municipalities.

“Nung isang araw lang, nasa San Jose, Batangas ako... dun na ako nag-o-office the whole day.

“The other day naman sa Sta. Teresita. Kahapon, I was in Batangas City, going to the Capitol, then to Balete.

“Then, itong week na darating, pupuntahan ko naman yung Alitagtag, then Cuenca.

“Pero mas mabuti na rin ito, dahil ako kasi, kung saan meron affair, e, doon na rin ako nag-o-office.

“Kumbaga, nadirekta ko yung mga pangangailangan ng tao dahil doon ako nag-o-opisina.

“Kumbaga, nakakausap ko mismo ang mayor nila, mga kapitan, at ang mga tao.

“Yun ang gusto ko—direkta sa tao.

“Yun nga lang ang pagod, pero ganun naman talaga trabaho natin.”

LUIS MANZANO FOR MAYOR? Malamang na tatakbo pa ring gobernador ng Batangas si Ate Vi sa susunod na eleksyon, pero walang tigil ang usap-usapan na sigurado na raw ang panganay niyang anak na si Luis Manzano ay tatakbo namang mayor ng Lipa City.

Sabi ni Ate Vi, “Paano titigil ‘yan, e, hindi pa rin tumigil ang mga taong gusto siyang tumakbong mayor ng Lipa?

“Sa totoo lang, maski ako, kinakausap nila na payagan ko na raw si Luis at kumbinsihin kong tumakbong mayor ng Lipa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“But as it is, at the end of the day, si Luis pa rin ang magdedesisyon—kung gusto niya o ready na siya.

“Hindi pa rin kasi tumitigil yung mga nagre-request."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN