Tulfo brothers Ben, Raffy and Erwin air their disgust over the beating of brother Mon by Raymart, Claudine and the latter’s friends

On their afternoon show, T3, brothers Ben, Raffy, and Erwin Tulfo, hit Raymart Santiago and Claudine Barretto for the beating their older brother Mon got from them and their companions.


Hindi lamang ang newspaperman na si Ramon "Mon" Tulfo ang binangga ng mag-asawang artista na sina Raymart Santiago at Claudine Barretto sa nangyaring away sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo, Mayo 6.

Maging ang mga kapatid ni Mon na nasa media rin—sina Ben, Raffy, at Erwin—ay pumasok na sa isyu.

Sa mahigit anim na minutong segment ng T3: Kapatid, Sagot Kita, ang late-afternoon public service show ng Tulfo brothers sa TV5, binusisi ng mga ito ang kumalat na video sa YouTube ng kumprontasyon nina Mon at Raymart at Claudine.

Binatikos din nila ang kawalan ng kontrol ng airport security sa sitwasyon. Makikita kasi sa video na hindi naging effective ang airport security sa pagpapatigil ng gulo.

Higit sa lahat, sinabi ng tatlong magkakapatid ang kanilang saloobin.

BEN, RAFFY, AND ERWIN AIR DISGUST. Ang panimula ni Ben, 57: “Ito ang mahirap para sa amin, hindi madaling magsalita. Baka madulas kami.

“Baka isipin ng iba na ginagamit namin ang programang T3, dahil Tulfo ang sangkot dito.

"Ayaw na naming mag-interview ang kapwa Tulfo sa isang Tulfo ng isyung Tulfo.

“Ang word na dapat kong gamitin, ‘propriety,’ and at the same time yung ethics na gagamitin namin, na hindi kami mag-i-interview bagamat masama ang loob namin doon sa mga sangkot.

“Pakinggan niyo ang sasabihin ko, read my lips: Hindi pa tapos.”

Pagkatapos na magsalita ni Ben ay sumunod naman si Raffy, 52.

Tinawag ni Raffy na “Raymart Barretto” ang aktor, at saka nito sinabing masuwerte ito dahil nagkataon na marami itong kasama nung naganap ang gulo sa Terminal 3.

“Gayunpaman, I’m very proud of my kuya [Mon]. May tinamaan sa inyo.

“Kasi kung ang kuya ko lang, one-on-one kayong dalawa, baka yung puwet mo nasa bunganga mo na. Bali-bali ka,” ani Raffy habang itinuturo ang daliri sa kamera.

Ayon kay Raffy, isang expert sa Japanese martial arts na aikido ang kanyang Kuya Mon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saka ito nagbitaw ng pagbabanta: “Huwag lang sana tayong magpang-abot sa mall.

“Idasal mo, hijo de P.I. ka, na huwag sana tayong magkita sa mall. Ipagdasal mo ‘yan.

“Tumirik ka ng kandila mula ngayon. Huwag na huwag magkrus ang landas natin, P.I. ka,” sabi pa ni Raffy na halatang pinipigil ang sarili sa pagmumura.

Ang nakababatang Tulfo na si Erwin, 39, ang sumunod na nagsalita.

Pauna nito, pasalamat daw ang mag-asawang Raymart at Claudine na wala siya roon nang mangyari ang kaguluhan.

Sabay raw dapat sila ni Mon na darating sa airport mula sa Davao, nauna lang si Mon.

Kung nagkataon na naroon siya, baka raw nasa kulungan na siya habang ini-interview kanina.

“Ito lang ang mensahe ko sa iyo, Mr. Santiago at Ms. Barretto: Saksakan kayo ng sinungaling.

“Maraming kahit na sinong tanungin niyo sa airport, natatawa ang mga tao roon, dahil hindi nauna ang kuya kong nagbitaw ng suntok.

“Lalo na kay Claudine. Wala sa ugali ng Tulfo na manakit ng babae. Ni pagalitan nga nitong si ‘Tol Raffy, hindi nagagalit sa babae, at iniiwasan kahit na mali.

“Napakasaksakan ng sinungaling mo!

“At ikaw, Mr. Raymart Santiago. Malakas ang loob mo dahil kinuyog niyo ang utol namin. E, masarap sana, siguro kung 4 on 8, e, kayang-kaya namin. Kung apat kami, versus walo kayo, walang problema.”

Nagbitaw rin ng pagbabanta si Erwin bago niya tapusin ang kanyang pagsisiwalat ng sama ng loob.

“Ako din, nagkikita tayo sa airport, ipagdasal mo lang muna at ipinapayo ko sa iyo at sa asawa mo, huwag ka munang lumabas sana.

“Dahil kapag nagpaabot tayo sa NAIA Terminal 1, Terminal 2, Terminal 3, tatamaan at tatamaan ka.

“Wala akong pakialam, pati asawa mo, tatamaan sa akin.

“Ipagdasal mo na lamang na huwag tayong magkrus ng landas,” banta pa ni Erwin.

Bumalik ang kamera kay Ben, na nagpadala na rin ng mensahe ng pagbabanta kay Raymart.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Raymart, pakinggan mo ang sasabihin ko sa iyo: Binabangga ko ang mga kriminal, mamatay-tao, matinong tao.

“Pero kung ang gusto mo—malaking warehouse, sarado, naghihintay ang ambulansiya.

“Last man standing, lalabas sa loob, magsasara tayo ng pinto. Titingnan ko ang galing mo. Tandaan mo ‘to,” ani Ben.

Bumalik ang kamera kay Erwin na nagpahabol pa uli ng banta kay Raymart.

“Hindi pa tayo tapos, Raymart. Hindi pa tapos. Antabayanan mo lang.

“Antabayanan mo lang ang lintik na ganti ng Tulfo,” pagwawakas ni Erwin.

MON SPEAKS. Pagkatapos ng commercial break ay lumabas na rin sa programa ang sangkot sa gulo na si Mon, 65.

Ngunit kagaya ng nabanggit ni Ben, wala sa isa man sa kanila ang nag-i-interview kay Mon.

Ang TV5 legal counsel at nagho-host din sa ilang TV5 public service shows na si Atty. Mel Sta. Maria ang kumapanayam kay Mon.

Pinakuwento muna ni Atty. Sta. Maria si Mon tungkol sa insidente sa pagitan niya at ng mag-asawang Claudine at Raymart, at mga kasamahan ng huli.

Simula ni Mon, dapat sana’y para kay Claudine ang gagawin niyang pag-video sa pangyayari sa airport. Naagrabyado raw kasi na pasahero si Claudine. Aniya pa, nakahanap raw ng katapat ang airline company na Cebu Pacific dahil sa hindi magandang serbisyo nito.

“Ilang beses ko nang tinuligsa ang Cebu Pacific sa mishandling ng mga pasahero at mga kargamento,” sabi pa ni Mon.

Pero nang mapansin niya na hindi na mismo sa Cebu Pacific nakatuon ang galit ni Claudine, kundi sa airport personnel na kaharap nito, nakadama raw siya ng awa sa pinapagalitan ni Claudine.

Sabi pa raw ni Claudine sa kaharap na airport personnel: “’Stupid!’ ‘Patatanggal kita! Tawagin mo si Gokongwei. Tawagin mo si Lance Gokongwei!’”

Mangiyak-ngiyak at nanginginig daw sa takot ang babaeng airport personnel na pinapagalitan diumano ni Claudine.

Kinuwento rin ni Mon na nang makita ni Raymart na gamit ni Mon ang kanyang cell phone sa pag-record ng mga pangyayari, sinita siya ni Raymart.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang sitahin siya, pagpapatuloy ni Mon, itinago na niya ang cellphone sa bulsa ng kanyang paparazzi jacket, kinuha ang kanyang bagahe, at umalis na sa pinangyayarihan ng paninita ni Claudine.

Gutom na raw kasi siya’t gusto na niyang umuwi. Pero hinarang daw siya ni Raymart at pilit na kinukuha sa kanya ang kanyang cellphone.

Itinulak daw niya si Raymart dahil sa pilit na pagkuha ng cellphone at doon na raw nagsimula ang gulo.

“Doon nangyari ang pangunguyog sa akin,” salaysay ni Mon kay Atty. Sta. Maria sa TV.

Hindi na nga raw niya nakita kung sino ang sumusuntok sa kanya dahil sa dami raw ng umaatake sa kanya.

Aminado si Mon na nagkamali siya sa pag-aakalang makokontrol ng airport police at security ang nangyayaring gulo.

“I let my guard down… Makaka-maneuver ako, e. Kasi… alam mo, hindi ko na sasabihin sa iyo kung ano ang mga natutunan ko,” pagmamalaki pa ni Mon tungkol sa alam niya sa self-defense.

Ngunit hindi nga raw nakakilos nang tama ang mga security ng NAIA. Pero dagdag nito, kahit paano naman daw ay nakaganti siya sa kanyang attackers.

“Yung naka-pink, bumaligtad,” pagturo pa ni Mon sa video ng gulo na sabay na ipinapakita sa TV habang ini-interview siya.

“Napabayaan ko ang likod ko, sa dami nila. Kaya nasakal ako,” dagdag pa ni Mon.

Nasabi na lang ni Mon tungkol sa panggugulpi sa kanya, “Masakit pala ang nadedehado.”

Matapos daw silang maawat, sinundan pa siya ni Raymart para saktan pa raw siya.

Sa headquarters ng airport police kunsaan sila dinala matapos ng gulo, minura pa raw siya uli ni Claudine.

Nginitian pa raw niya si Claudine, pero minura pa rin siya.

Isa namang “Lt. Sison” at isa pang airport police raw ang pilit na kumukuha ng kanyang cellphone para makuha ang video ng paninita ni Claudine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“’Akina yung cellphone mo at ibibigay ko kina Raymart.’ Sabi ko, ’Bakit ko ibibigay ito sa iyo?’” ani Mon.

Tanong ni Atty. Sta. Maria, kung sakaling humingi raw ng tawad sina Claudine at Raymart, tatanggapin ba niya?

“Mahirap siguro, at this point ngayon. Tingnan mo naman ang ginawa nila sa akin, at masyado akong nadehado.

“Mabuti kung fair fight yun. Hindi, e.”

Grave coercion at physical injuries daw ang isinampa niyang mga kaso laban sa mag-asawa. Ibinigay rin niya ang mga pangalan ng kanyang mga magiging abugado.

Sinang-ayunan naman ni Atty. Sta. Maria ang sabi ni Mon na hindi "self-defense" ang nangyari, na siyang claim nina Claudine at Raymart.

Paliwanag ni Atty. Sta. Maria tungkol sa paggamit ng self-defense: “Mai-invoke mo lang ang self-defense kung may unlawful aggression, o yung remedyo na ginamit ay proportional at walang provocation.

“E, mukha yatang dito, yung pangalawa, nawawala, e. Mukhang unproportional, e. Kasi naawat na, e, nagka-blackeye ka pa,” patuloy ni Atty. Sta. Maria.

Ipinaliwanag din ni Mon na hindi bawal sa batas ng Pilipinas na kumuha ng litrato ng public figures lalo na sa mga lugar na pampubliko.

Depensa ni Mon: “Unang-una, public place yun, at ako’y mamamahayag. Kaya pinaninindigan ko lang yung aking karapatan bilang mamamahayag. Kaya hindi ko ibinigay yung aking cell phone sa kanila.

“At akin na personal na gamit ‘yan, e. Walang puwedeng gumalaw ng personal na gamit ko.”

Sabi naman ni Atty. Sta. Maria, kung public figure ang isang tao ay lantaran ang buhay ng mga ito’t puwedeng usisain.

Sagot ni Mon, “Sa totoo lang, hindi ko sila kakilala, dahil yung isa, mukhang matrona na mataba. Akala ko kung sino lang. Yun pala, artistang laos na.”

Dito ay namensahe pa si Mon kina Claudine at Raymart:

“Kayo Raymart at Claudine, kung ano yung pino-project ninyo sa harap ng kamera na mabait, wholesome, mga matulungin sa kapwa, ganun din dapat ang ginagawa niyo sa labas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya lang ako nakialam, nung minura-mura mo na yung kawawang Cebu Pacific ground stewardess.

“At sa mga taga-pakinig, sa aming mga publiko, huwag nating husgahan yung tao.

“Kasi in the first few minutes, after the incident, maraming nagsasabing napakawalanghiya talaga ng mga Tulfo.

“Pero nung makita nila, nagpapasalamat nga pala ako dun sa taong nag-post ng video, at gumawa ng video at pinost sa YouTube, malaking-malaki, kaibigan, napakalaking utang na loob ang tinatanaw ko sa iyo.”

Sana raw ay magkita sila at nang mapasalamatan niya ang taong ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN