German Moreno says he will not leave GMA-7 unless the management tells him so; denies Jake Vargas is his favorite talent

German Moreno or "Kuya Germs" started his showbiz "career" as a janitor and telonero in the post-war Clover Theater and went on to vaudville stage and movie acting. His youth-oriented TV shows such as That’s Entertainment and Master Showman have produced stars who have made a name for themselves in other TV shows, mainstream and indie movies.


Nagdiriwang ng kanyang 49th sa showbiz ngayong taon ang Master Showman na si German Moreno.

Bilang pagdiriwang, nagpatawag ng isang salo-salo si Kuya Germs (popular na tawag kay German) para sa entertainment press noong Lunes ng gabi, May 7, sa Vera Perez Gardens sa Valencia, Quezon City.

Dito ay natanong si Kuya Germs tungkol sa bagong henerasyon ng mga artista na tila mahirap mahirap ma-interview ng ibang press.

Maging si Kuya Germs ay may karanasan din palang ganito sa ilang mga young stars.

Halimbawa na lang daw nang minsan lapitan ng veteran TV host at star builder ang young rapper-actor na si Elmo Magalona para ma-interview sana niya, pero tinanong daw siya nito ng: “Nagpaalam na po ba kayo sa Mommy ko?”

Ang tumatayong manager ni Elmo ay ang kanyang ina na si Pia Magalona.

Ikinagulat daw ito ni Kuya Germs at tumalikod na lang, pero hindi naman daw siya na-offend.

Aniya, “May ano yata sila… may regulasyon talaga, e.

“Na dahil mga bata ‘yan, e, talagang kailangang dumaan muna sa kanilang mother bago mangyari na magpa-interview sila.

“Pero I don’t take it ano naman… hindi naman ako na-offend.

“Ano na ako… hindi naman ako ang mawawalan, e.

“In fact ngayon, hinihintay ko nga ang sagot [ni Pia] e."

“Ewan ko kung na-contact na ni Carmelites [Rigonan, isa sa mga sekretarya ni Kuya Germs] dahil si Elmo ang bibigyan ng German Moreno Youth Achievement award sa FAMAS.

“So, hindi ko pa alam.

"Sabi ko kay Carmelites, tawagan si Pia para malaman ko kung tatanggapin, para lang makasiguro ako.

"Kaso, hindi pa nako-contact.”

NEW BREED OF STARS. Sa obserbasyon ng ilang veteran movie reporters, kakaiba na ang attitude ng present generation of stars.

Noong ’80s at ’90s daw kasi ay gustung-gusto ng mga artista na makahalubilo’t kakuwentuhan madalas ang members ng media.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi nila inabot yun, e,” ani Kuya Germs.

“Hindi nila inabot yung gano’ng sistema noong araw kaya iyan ang nangyayari.

“So, in fact, maraming bagay na… pagbabago.

“Ako, sa inabutan kong henerasyon, I can see it kung ano ang malaking pagkakaiba.”

Nagsimula si Kuya Germs sa paglabas sa mga pelikula ng Sampaguita Pictures noong ’60s.

Ano ba yung pinakamalaking pagbabago sa kasalukuyang henerasyon ng mga artista?

“Ang ikunalulungkot ko, personally, yung mga talagang inalagaan ko at napalaki ko, na contact number man lamang ay hindi ko makuha-kuha.

“But I don’t want to mention names. Alam na nila kung sino sila.

“No’ng araw, kapag siya ang may kailangan, ang dali kong kontakin.

“Pero ngayong malalaki nang artista sila, si Kuya Germs ba ang kailangang makiusap–di ba?

“Maybe coming from you people na lang. Huwag na lang sa akin manggaling.”

Pero kahit may mga karanasan siyang ganoon, nananatiling hindi nagsasawa si Kuya Germs tumulong sa mga baguhang nanagangarap na sumikat din bilang mga artista.

“A… oo! Basta nakita kong may potensiyal, hindi ako magdadamot ng anumang puwede kong itulong," sabi niya.

Si Kuya Germs ang nagtatag ng dating youth-oriented show na That’s Entertainment kung saan nagsimula ang ilan sa pinakamalalaking pangalan ngayon sa industriya.

GOOD BREAKS. Ipinagmamalaki ni Kuya Germs na sa kanyang show na Walang Tulugan With The Master Showman unang napansin si Jake Vargas hanggang sa nabigyan ito ng magandang break bilang Kapuso teen star.

“Matagal ko nang gustong makita at na-prove ko ulit na si Kuya Germs, still makakapagpasikat.

“Si Jake talaga ang nakita ko, sa bawat pagsama ko sa mga mall shows niya at iba pang appearances… hanggang mga out-of-town show, sugod talaga ang mga tao—hindi mapigilan ang mga fans.

“So, I’m so thankful.

"Nakaka-add ng income kay Jake ngayon yung mga gano’ng shows na lakad namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At hindi ako humihingi ng komisyon—even a single centavo.

“Not only with Jake. Kahit noon pa man, wala sa mga natulungan ko ang makapagsumbat sa akin na hiningan ko ni isang kusing.

“Abunado pa ako. Ako pa ang nagpapaluwal.

“Ang Walang Tulugan, may grupong teen stars nga. Yung iba, lumalabas na sa Tween Hearts.

“Hindi naman yung sasabihin,‘Bakit si Jake ang paborito ko?’ Kundi nagkataon lamang na siya ang mas napansin.

“Ganyan ‘yan, e. Kahit no’ng panahon ng That’s [Entertainment], may frontliner—iyon muna.

“Kapag nag-graduate na yun, ang tutulungan mo, yung susunod naman.

“Iyon din ang sinasabi ko sa GMA, ’Sino sa darating na panahon ang puwedeng kapalit nina Dingdong [Dantes] o ni Dennis Trillo? Wala yata tayong naka-ready.’

“So sinasabi ko sa kanila, ‘Bakit hindi ngayon kumilos na tayo?’ Di ba? Iyon ang nakikita kong kulang.

“Hindi ko naman mapilit. Ako naman ay nandidiyan—consultant.”

TIES WITH GMA-7. Bilang tumatayong ama manager ni Jake, wala bang naging offer ang TV5 dito?

Sabi ni Kuya Germs, “Siguro umiilag sila sa akin dahil alam nila na hindi pupuwedeng iwanan ang GMA.

“Iyon ang inaano ko na… alam n’yo naman, taon na ang binilang na tinatapakan ako noon, hanggang ngayon tinatapakan ako.

“Pero yung Nasa Itaas, talagang gina-guide pa rin ako, so hindi ko na pinapansin.

“May offers, kung offers ang pag-uusapan, ano? At ako ay nagpapasalamat.

“Alam naman nila [GMA-7] na ang pinanghihinayangan ko lang ay yung bakit inalis sa akin yung system ko no’ng araw na show na maraming nadiskubre—ang That’s Entertainment.

“Iyon ang show na naisip ko noon. Na… ano ba ang kailangan?

“And that was the time na parang nawawala na ang mga artista.

“Kaya nga inawardan [awarded] ako ng Film Academy of the Philippines dahil sa kontribusyon na nagawa ko that time, na umusbong yung maraming kabataang artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Iyon ang nanghihinayangan ako talaga.

“Especially nga, from Gretchen Barretto no’ng hinawakan ng kanyang husband [Tonyboy Cojuangco] dati ang TV5, e, kinukuha ako.

“Nakikiusap sa akin si Gretchen na kung maaari, gawin ko ang That’s Entertainment do’n.

“E, hindi ko masagot dahil mahirap iwanan ang GMA.

“Ayokong manggaling sa akin… na ako ang umalis, ano? Kailangang manggaling sa kanila.

“No’ng araw, talagang tinanong ko from the Jimenez group to Attorney [Felipe] Gozon…

“No’ng miniting [meeting] nila ako, tinanong ko kaagad dahil nawawala na ang mga show ko, na-cancel isa-isa ng isang executive.

“Tinanong ko, ‘Kailangan n’yo pa ba ako o hindi na?’

“Ayaw nilang pumayag na umalis ako, ayaw akong pakawalan. Ano ang gagawin ko?

“Tinanong ako kung ano ang gusto ko. Yun nga, naisip ko ang Master Showman.

“Naumpisahan ko ang Master Showman.

“No’ng napuno ko ang Broadway Centrum na 10:30 ng gabi ng airtime ng show, nagulat ang executive na, ‘Aba, may followers pa rin pala!’

“After two weeks, ginawang 11:30 [p.m.] na yung timeslot ko. Palakas pa rin nang palakas… ginawa akong 12:30 a.m.

“Doon na ako sumigaw ng ‘Walang tulugan talaga!’

“Akala nila walang followers ang Walang Tulugan. E, naging number one sa Amerika [sa GMA Pinoy TV]. Kahit sa Middle East at sa Japan.”

Si Manny Pangilinan na ang may-ari ng TV5 ngayon, what if magkaroon din ito ng offer sa kanya?

“Iyon nga ang alok noon, e. Pero sinabi ko talaga, ‘Hindi ko maiiwanan ang GMA.’

“Maybe I can help. Dahil talagang maraming bata ang lumalapit pa rin hanggang ngayon sa akin.

“Sa Walang Tulugan, bago kami mag-start, marami ang lumalapit sa akin kung puwedeng mag-audition.”

Wala bang plano ang GMA-7 na ibalik ang That’s Entertainment?

“Wala talaga. Ang ano nila kasi, it’s an old, old format na," sabi ni Kuya Germs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero kung ibang network nga ang mag-offer na i-revive ito?

“Siguro, mahihirapan ako. Alam mo, iba ang pagtingin sa akin ni Atty. Gozon… they respect me.

“Tungkol sa pagre-revive ng That’s Entertainment, ayokong mamilit.

“Hayaan natin na dumating sa kaisipan nila na, ’go!’ Gano’n,” panghuling nasabi ni Kuya Germs.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN