B-Meg’s James Yap wants to celebrate PBA championship with family and son Bimby; says MVP award is a bonus

"Wala pa talagang pahinga at wala pang time na mag-celebrate," says basketball player James Yap about his team’s championship in the recently-concluded PBA Commissioner’s Cup.


Hanggang ngayon ay lubos pa rin ang kasiyahan na nararamdaman ni James Yap at kanyang teammates sa B-Meg Llamados dahil sa pagkakapanalo nila sa Philippine Basketball Association (PBA) Commisioner’s Cup.

Tinalo ng B-Meg ang koponan ng Talk ’N Text sa Game 7 ng kanilang championship series noong Linggo, May 6.

At bilang selebrasyon, ibinahagi ng B-Meg Llamados ang kanilang tagumpay sa fans sa pamamagitan ng isang victory party na ginanap sa San Miguel Corporate Center, Ortigas, Mandaluyong City, kagabi, May 8.

“Sobrang saya talaga kaya gusto kong magpasalamat sa lahat ng fans. Talagang nandoon sila para sa amin,” sabi ni James sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at TV5 News.

Sa basketball conference din na ito nakamit ni James ang ikatlong Most Valuable Player (MVP) award niya sa PBA.

Para kay James, ang award na ito ay bonus sa tagumpay na nakamit ng kanilang koponan.

“Hindi ko talaga ine-expect [ito],” sabi ni James.

“Kumbaga, sa akin kasi, ang MVP is parang bonus na lang, e.

“Ako, as a player, gusto ko na lang isipin ‘yong team para happy lang.

“Pero sino naman ang hindi gustong maging MVP, di ba?

“So, for me, maglalaro lang ako na iisipin ko ‘yong team, kung paano ako makakatulong sa team.”

Unang itinanghal bilang Most Valuable Player si James noong 2005-06 Fiesta Conference, kung saan nanalo rin ng championship ang dati niyang team na Purefoods Tender Juicy Giants.

Ito ay nasundan noong 2009-2010 Philippine Cup kahit na hindi nakapasok sa finals ang kanilang koponan.

BUSY DAYS AHEAD. Bagamat nakapag-celebrate na ang kanilang koponan, kasama ang fans, hindi pa naman daw nakakapag-celebrate si James kasama ang kanyang pamilya.

Ngayon linggo kasi ay tutungo na si James at iba pang basketball players para sa PBA All-Star Weekend sa Laoag, Ilocos Norte.

Sa May 20 naman ay magsisimula na ang PBA Governor’s Cup.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala talagang pahinga, e,” sabi ni James.

Pero hindi naman daw ito problema dahil ibig sabihin nito ay mas madalas silang makikita ng kanilang mga tagahanga.

Ani James, “Siguro okay lang ‘yon.

“Alam naman namin na kapag walang PBA, nami-miss kami ng mga fans.

“At least, maiksi lang ang pagitan ng next conference. At okay naman na nakuha namin ang championship.”

Ibig bang sabihin nito ay wala rin siyang time para sa lovelife?

“Showbiz!” tumatawang sagot ni James.

Paiwas rin niyang idinagdag, “Wala, wala... sobrang busy.”

CELEBRATING WITH BIMBY. Masaya na raw si James na nandoon ang kanyang anak na si Bimby nang manalo ang kanilang team sa championship game.

“Sobrang saya niya. Noong nasa dugout kami, binabasa niya ako ng tubig. Nagse-celebrate din siya,” paglalarawan ni James sa naging reaksiyon ng anak niya kay Kris Aquino sa pagkapanalo nila.

Wala na raw panahon na makapag-celebrate silang mag-ama dahil aalis din daw sila Bimby papuntang U.S. ngayong linggo.

"Pagbalik na lang siguro nila," asam ni James.

Sinamantala na rin ni James ang panayam sa kanya para pasalamatan ang dati niyang asawang si Kris sa pagpayag kay Bimby na manood ng kanilang mga laro, lalo na noong Game 7.

Kwuento ni James, “Ipinaalam ko si Baby James na manood sa amin sa Game 7.

“Sabi niya [Kris], ‘Okay, manood ka.’

"Pero the next day kasi, may school, so sabi niya na huwag lang masyadong magpuyat.”

Nagbigay na ba ng pagbati si Kris sa kanyang pagkapanalo bilang MVP?

“Nag-‘good luck’ lang sa akin before Game 7,” sagot ni James.

May nakapagsabi raw sa kanya na binati siya ni Kris sa morning talk show nitong Kris TV, pero hindi niya ito napanood.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN