Mom of Cebu Pacific ground crew seeks public apology from Claudine Barretto

Raymart Santiago on why his wife Claudine Barretto (main photo) need not apologize to Mrs. Rosario Ilagan’s (inset, left) daughter: "Nagalit naman si Claudine doon sa situwasyon, sa pangyayari. Hindi naman direkta sa anak niya. Hindi naman ibig sabihin na pinagmumura yung anak niya. Gusto ko lang i-clarify ’yon. Walang murahan na nangyari. Oo aaminin namin, nagalit si Claudine doon sa situwasyon. Doon sa pangyayari. Sa bag, sa Cebu Pacific, pero hindi diretso sa an


Muntik nang hindi matuloy kaninang umaga ang exclusive interview ni Anthony Taberna sa Umagang Kay Ganda kay Mrs. Rosario Ilagan, ina ng isa sa dalawang Cebu Pacific ground crew na diumano’y nakaranas ng "verbal abuse" mula kay Claudine Barretto sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport) Terminal 3, nung May 6, Linggo.

Humantong sa mainit nang pinag-uusapan ngayon na kaguluhan sa pagitan ng beteranong kolumnista na si Mon Tulfo at ng grupo nina Claudine at asawa nitong si Raymart Santiago ang diumano’y "verbal abuse" ng aktres sa ground crew nung araw rin na iyon.

Ayon kay Mrs. Ilagan, ayaw na siyang payagan ng kanyang anak na magpainterbyu pero nakapangako na raw siya sa staff ng nasabing pang-umagang programa kaya kailangang tuparin niya ito.

Gusto ni Mrs. Ilagan na magbigay ng public apology si Claudine sa kanyang anak kaya ito ang topic na pinag-usapan kanina sa "Punto Por Punto," ang segment ni Anthony sa morning program ng ABS-CBN.

Sa kuwento ni Mrs. Ilagan, nagtapos ng BS Tourism-HRM (Hotel and Restaurant Management) ang kanyang anak na pitong buwan nang nagtatrabaho bilang ground crew ng Cebu Pacific.

Ayaw na raw ni Kristine na magsalita pa siya tungkol sa NAIA 3 incident. Nagdesisyon na rin ang kanyang anak na manahimik.

Ayon kay Mrs. Ilagan, "Ayaw niya ng magulo. Ayaw na niya magsalita. Sa totoo lang, ayaw na niya ako papuntahin dito [sa Umagang Kay Ganda ].

“Nalaman [niya] kanina na pupunta ako, talagang ayaw niya, kaya lang nakipagkasundo ako kagabi na pumayag ako.”


ASKING FOR PUBLIC APOLOGY FROM CLAUDINE. Sunod na tanong ni Anthony ay kung kailangan bang magbigay si Claudine ng public apology sa kanyang anak.

Sagot ni Mrs. Ilagan, "Sana, kung kakayanin niya [Claudine].

"Bilang artista, kaya niya ’yon."

Tanong ni Anthony, "Hinahanggan ba niya si Claudine?"

Sagot muli ni Mrs. Ilagan, "Hindi naman. Matagal na ’yon dahil hindi nga nakakapag-TV, dahil marami akong trabaho."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WITH RAYMART SANTIAGO. Ang sumunod ay ang pag-uusap nina Mrs. Ilagan at Anthony hanggang sa kasama na ang asawa ni Claudine na si Raymart na nasa telepono.


Anthony: "Noong nangyari po yung insidente noong Sunday, ikinuwento ba sa inyo agad ang pangyayari?"

Mrs. Ilagan: "Noong nakapanood kami ng TV, saka siya tumawag. Ang una lang text niya, manood kami ng TV dahil may konting gulo sa NAIA. Yun lang, bago pa namin nalaman sa kanya [ang mga nangyari]."

Bumaling naman si Anthony kay Raymart na isa-isang sinagot ang mga katanungan ng UKG host.

Anthony: "Public apology kaya ba ibigay ni Claudine?"


Raymart: "Yung pangyayaring ’yon, nagalit naman si Claudine doon sa situwasyon, sa pangyayari. Hindi naman direkta sa anak niya. Hindi naman ibig sabihin na pinagmumura yung anak niya. Gusto ko lang i-clarify ’yon.

"Walang murahan na nangyari. Oo aaminin namin, nagalit si Claudine doon sa situwasyon. Doon sa pangyayari. Sa bag, sa Cebu Pacific, pero hindi diretso sa anak niya ang galit ni Claudine.

"Yun lang po ang gusto namin na i-clarify. At siyempre, doon sa, sabihin na natin na tumaas ang boses, ako na lang ang humihingi ng paumanhin doon sa situwasyon. Pero mahirap naman din na mag-apologize sa hindi mo kasalanan.

"Inamin naman namin na nagtaas ng boses, pero hindi niya direktang minura yung ground staff, yung anak ni Misis.

"Yun lang po ang gusto ko na i-clarify na walang ganoon, at meron din namang written report ang anak niya, na walang... Na minura siya ni Claudine."


Anthony: "Hindi magpa-public apology?"


Raymart: "Hindi ko sinasabi na hindi. Pinag-uusapan pa.

"Ayoko rin naman magsalita dahil hindi ako mismo…hindi ako si Claudine at ’yun ang stand ko.

"Nag-apologize siya doon sa pangyayari, pero public apology na magso-sorry siya?

"Hindi naman niya minura or hindi minaliit yung anak niya at yun nga [ang] sinasabi ko, yung sa pangyayari ang nagso-sorry si Claudine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi may mga lumalabas na pinagmumura ni Claudine yung anak niya na, na minaltrato, e. Wala po naman ganoong eksena."

Sa puntong ito, sinagot ni Rosario ang mga pahayag ni Raymart.


Mrs Ilagan: "Ibig sabihin, nagyayabang ang aking anak? Ibig sabihin, nagsisinungaling yung anak ko?"


Anthony: "Ano po ba ang eksaktong ikinuwento ng inyong anak, Ma’am Rosario?"


Mrs. Ilagan: "Hindi ko na sasabihin, ayaw ng aking anak."


Anthony: "So, puwede po bang sabihin na ang kuwento ng inyong anak, e, pinagsalitaan siya nang hindi maganda ni Claudine?"

Mrs. Ilagan: "Ganoon na nga."


Anthony: "Siya po mismo yung minura?"


Mrs. Ilagan: "Oo, dalawa sila."


Anthony: "Ano po ang damdamin ninyo sa narinig ninyo kay Mr. Raymart Santiago?"


Mrs. Ilagan: "Kung sa nararamdaman ko sasabihin ko, marami. Kaya lang gusto ng anak ko manahimik na lang ako."


Anthony: "Sabi po ni Raymart, siya’y nag-a-apologize, pero para po mag-apologize ang kanyang misis, doon sa situwasyon po kasi nagalit at hindi sa inyong anak. Ano po ang sagot ninyo doon?"


Mrs. Ilagan: "Sa situwasyon nagalit kaya lang yung kaharap niya ang anak ko, ano ang ibig sabihin doon?"


Anthony: "I-insist po ba ninyo na humingi ng public apology si Claudine?"


Mrs. Ilagan: "Ayoko nang magsalita."


Anthony: "Nauunawaan po namin kayo, Ma’am Rosario. Kami po ay umaasa na matatapos na po ito at yun pong hinihingi ninyo na simpleng public apology ay baka sa mga susunod na araw ay mapag-iisipan ng mga kinauukulan.

"Maraming salamat po again sa pagpapaunlak ninyo sa amin dahil hindi ninyo tinalikuran ang inyong salita sa pakikipagkasundo ninyo sa amin kagabi, kahit hinaharang kayo ng inyong anak. Thank you very much po.

"Raymart, ano ang makapagkukumbinsi, para…pasensya ka, Raymart, pero hindi ba magaan na bagay lamang na humingi ng paumanhin doon sa isang tao na nasaktan sa kabilang panig?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Raymart: "Oo nga, pero mahirap naman na humingi ng tawad doon sa hindi mo nagawa. Kasi meron din naman report na isinulat ng anak niya na wala naman murahan.

"So, ayun na nga, nag-sorry si Claudine doon sa pangyayari. Pero ang sinasabi ko nga, diretso doon sa anak niya, wala naman ganoon.

"May written report nga yung anak niya at walang sinabi doon na pinagmumura siya ni Claudine."


Anthony: "Maraming salamat sa ’yo, Raymart, sa pagpapaunlak sa aming tawag. Umagang Kay Ganda sa ’yo.

ANTHONY’S TAKE ON THE ISSUE. Bago naganap ang segment ni Anthony, ay nagkaroon muna ng poll ang Umagang Kay Ganda. Ang poll question ay kung dapat bang magbigay ng public apology si Claudine.

Ibinigay ni Anthony ang resulta ng poll at nagtuloy na sa pagbibigay ng kanyang sariling opinyon tungkol sa isyung katatapos lang nilang pagdiskusyunan.

Paglalahad ni Anthony, "Sa atin pong poll question na dapat bang magbigay ng public apology si Claudine Barreto, ang sumagot ng, ’OO,’ 91% at ang sumagot ng ’HINDI,’ 9%.

"Mga Kapamilya, alam po ninyo na ang isa sa pinakamahirap na trabaho sa mall, sa department store, sa supermarket, at lalo na po sa airport ay maging staff ng customer service.

"Dito po kasi tumatakbo yung mga parokyano o mga pasahero na madalas, e, high blood dahil sa iba’t ibang reklamo.

"Kung minsan po, e, walang saysay yung reklamo at nakursunadahan lamang ng isang customer na magreklamo.

"Pero madalas po, tulad po ni Claudine Barretto, e, may dahilan para magalit ang customer dahil sa palpak na serbisyo.

"Wala pong puwang na tumao sa customers service ang maikli ang pasensiya, magagalitin, at madaling mapundi, ang kaharap man niya ay ordinaryo o celebrity na may reklamo.

"Kaya po hinahangaan natin yung ground staff ng Cebu Pacific na kahit po pinaliguan ng hindi magandang salita, e, hindi po umalma kahit hindi po nila kasalanan. Kahit yung bagahe ni Claudine, e, maiiwanan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung natapat lang po siguro si Claudine sa mabagsik na staff, baka hindi na nakaeksena si Mon Tulfo.

"Dahil doon pa lang sa customers service desk, e, naghalo na ang balat sa tinalupan.

"Inuulit ko po, artista man o hindi, sikat man o laos, walang karapatan ang sinuman na magtungayaw kaninuman.

"Hindi po si Claudine ang may-ari ng ground staff ng Cebu Pacific, may batayan po man na magalit si Claudine.

"Inuulit ko po na nakikisimpatiya tayo sa kanya, dahil po sa napakasama na araw na pinagdaanan niya dahil sa bagahe na naiwanan niya at kung anu-ano pa.

"Pero nabanggit na rin po natin na ang mga public figure, e, dapat na kumilos nang de-numero, lalo na po sa harap ng publiko.

"Marami na pong nasaktan dito. Madali pong maghilom ang black eye ni Tulfo at ang galos sa binti ni Claudine, ngunit matagal pong gumaling ang sugat sa damdamin ng isa pong maliit na inaapi nang malaki.

"Hindi pa po huli ang lahat. Puwede pong patunayan ni Claudine na siya po ay artistang ating iniidolo. Wala pong masama kung mapagkumbaba.

"Pasensya na po kayo…pasensya na po kayo, pero para sa akin, napakadali po na itama ang isang mali.

"Napakadali po na bigkasin ang salitang, ‘Sorry.’ Puwede bang mag-sorry ka na, puwede ba? Puwede ba?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN