Migrante star Jodi Sta. Maria sympathizes with family of OFW apparently murdered in Mongolia

“Na-realize ko din na, number one, siguro kung yung mga Pilipino na umaalis, kung nako-compensate ng suweldo nila dito yung basic needs nila, siguro hindi sila aalis ng Philippines… Siguro kung marami lang na trabaho na puwedeng io-offer ang Philippines, siguro wala nang Pilipino na aalis sa bansa natin,” Jodi Sta. Maria reflects on the plight of overseas Filipino workers.


Kaugnay ng bagong pelikula ni Jodi Sta. Maria na Migrante (The Filipino Diaspora), nagkaroon ng press conference ang Migrante International sa headquarters nito sa Cubao kahapon, Mayo 16, para ipaalam ang estado ng imbestigasyon sa “mysterious death” ng OFW (Overseas Filipino Worker) na si Terril Atienza.

THE TRAGEDY OF TERRIL. Si Terril, 34, ay nagtrabaho bilang yaya sa Singapore noong January 2010, matapos mag-apply sa pamamagitan ng isang lokal na employment agency.

Sa Singapore, ang sister agency ng ahensiyang nag-recruit sa kanya sa Pilipinas ang namahala kay Terril. Pero matapos ang isa’t kalahating taon ng pagtatrabaho, nagpasya itong umuwi sa Pilipinas.

Hindi naman pumayag ang ahensiyang may hawak sa kanya sa Singapore dahil hindi pa raw tapos ang dalawang taong kontrata ni Terril.

Sa halip na pauwiin, ipinadala si Terril sa Mongolia noong June 2011, kunsaan naging amo nito ang isang diumano’y consul ng Austria.

Anak din daw ng dating prime minister ng Mongolia ang bagong amo ni Terril.

Sa ilalim ng bagong amo, naging masaklap na buhay ni Terril—hindi siya pinapalabas ng bahay, hindi pinapagamit ng cell phone, laptop, at kahit telepono man lang.

At ang mas masaklap pa, hindi siya pinapasuweldo.

Nobyembre 2011, nag-email ang amo ni Terril sa ahensiya sa Singapore at sinabing nasa morge na ang bangkay nito.

“Severe intoxication from an unknown source” ang ibinigay na dahilan ng kamatayan ni Terril base sa inisyal na autopsy na ginawa sa Mongolia.

Pero nang dumating ang labi ni Terril sa Pilipinas noong Disyembre, laking gulat ng pamilya nito nang makitang maraming galos, paso, at pasa ito sa katawan.

Nang ipa-autopsy naman ng pamilya ni Terril ang bangkay nito sa NBI (National Bureau of Investigation), napag-alamang nawawala ang puso nito at iba pang lamanloob, at pinasakan pa ng mga basahan ang mga bahaging wala nang laman.

Iba rin ang cause of death na inilabas ng NBI: “Probably secondary to hypertensive cardiovascular disease due to a stabbing incident.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Humingi ng tulong ang pamilya ni Terril sa DFA (Department of Foreign Affairs), POEA (Philippine Overseas Employment Administration), at OWWA (Overseas Workers Welfare Administration), ngunit nananatiling nakabitin ang kaso sa iba’t ibang kadahilanan—tulad ng hindi pagkakarehistro ng pag-alis ni Terril sa records ng mga nabanggit na government agencies at paghihintay sa final autopsy report na manggagaling sa Mongolia.

Naghain na ng kasong administratibo sa POEA ang pamilya ni Terril, laban sa lokal na ahensiyang nagpaalis kay Terril at sa sister company nito sa Singapore na siyang nagpadala kay Terril sa Mongolia.

Ngunit may pangamba ang Migrante International at ang pamilya ni Terril na baka mauwi lang sa wala ang lahat dahil lubhang mabagal ang pag-usad ng kaso, at anila’y hindi epektibong pagtatrabaho ng DFA, POEA, at OWWA sa kaso ni Terril.

Sinikap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makakuha ng mga reaksiyon mula sa mga nabanggit na ahensiya ng pamahalaan at sa lokal na recruitment agency na nagpadala kay Terril sa Singapore.

Laging busy ang landline ng recruitment agency, walang sumasagot sa hotline ng OWWA, at hindi naman sumagot sa text message ng PEP ang spokesperson ng DFA na si Raul Hernandez.

Tanging ang POEA lang, sa pamamagitan ng Chief of Information and Education nito na si Ms. Eleanor Samson, ang nakipag-usap sa PEP at nangakong kukuha ng tao nila na makapagpapaliwanag nang maayos tungkol sa kaso ni Terril.

Hanggang sa natapos ang artikulong ito ay hindi pa rin binabalikan ng POEA ang PEP at wala pa ring tugon mula kay Mr. Hernandez ng DFA.

Mananatiling bukas ang PEP para sa mga reaksyon at tugon ng mga nabanggit na ahensiya.

SIMILARITY WITH JODI’S ROLE. Ayon kay Jodi Sta. Maria, hindi nalalayo sa trahedya ni Terril ang nangyari sa character niya sa Migrante na si Lydia Mallari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isang OFW na pinagmamalupitan ng amo ang role ni Jodi sa pelikula.

“Sinusuportahan po namin sila [sa paghingi ng hustisya ng pamilya ni Terril]. Kung ito po ay makakatulong na mag-increase ng public awareness,” sabi ni Jodi tungkol sa pelikulang pinagsamahan nila ni Allen Dizon at pinamahalaan ni Direk Joel Lamangan.

Sa harap ng mga inimbitahang media representatives, kabilang ang PEP, nanawagan din si Jodi sa DFA kaugnay ng kalunus-lunos na sinapit ni Terril.

“Gawin na yung aksyon na dapat nilang gawin para mapabilis yung kaso ng mommy ni Nyrriel dito,” banggit ni Jodi sa inulilang 16-year-old na anak ni Terril na si Nyrriel na kasama rin nila sa presscon.

Nagpahayag din ng pakikiramay si Jodi kay Nyrriel at sa naulilang pamilya ni Terril.

“Nandito rin kami para makisimpatiya sa kanya. At siyempre sa lahat na rin ng mga Pilipino na may mga pamilya or mga magulang o kung anuman na nasa ibang bansa na nagtatrabaho.

“Napipilitan sila na pumunta doon at isakripisyo ang panahon na makasama ang pamilya nila dito sa Pilipinas, para ba mabigyan sila ng magandang buhay, kahit na alam nila yung panganib na kailangan nilang harapin ’pag nandoon na sila,” dagdag ni Jodi.

NOT JUST ANOTHER OFW STORY. Noong una raw in-offer kay Jodi ang script ng Migrante, akala niya’y isang tipikal at simpleng istorya lang ng isang OFW ang gagawin niya.

“May mas marami pa palang pinag-uugatan na mga problema ng OFWs natin,” paglalahad ni Jodi.

“Na-realize ko din na, number one, siguro kung yung mga Pilipino na umaalis, kung nako-compensate ng suweldo nila dito yung basic needs nila, siguro hindi sila aalis ng Philippines.

“Sino ba naman ang gusto na mawalay sa pamilya nila? Wala naman, hindi ba?

“At saka pupunta ka roon na hindi mo alam kung ano ang kakaharapin mo.

“Siguro kung marami lang na trabaho na puwedeng io-offer ang Philippines, siguro wala nang Pilipino na aalis sa bansa natin,” opinyon pa ni Jodi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

JODI’S REALIZATION. Nagkaroon tuloy ng mas malalim na pagpapahalaga si Jodi sa naging landas ng kanyang buhay.

“Siguro sa buhay ng tao, may kanya-kanya tayong path, may kanya-kanya tayong journey.

“Hindi ako napunta sa ganung klaseng sitwasyon,” pagtukoy ni Jodi sa sinapit ni Terril.

“Siguro I realize na parang, kahit papa’no, kumbaga, napunta ako sa ganitong klaseng trabaho.

“Kasi kahit naman ako, ayoko rin naman iwan ang Pilipinas, e.

“Ako kasi, ever since, before ko pa ‘to gawin [Migrante], kung hindi mo naman kakailanganing lumabas ng Pilipinas, bakit ka naman aalis?

“Sino ba naman ang gustong mawalay sa pamilya, sa mga mahal sa buhay?”

Nagpapasalamat daw si Jodi sa kung anong mayroon siya.

“Kahit papano, you just have to be thankful for the things that you have.

“Kumbaga, mapalad ka na hindi ka nakaka-experience nung na-experience ng pamilya ng tulad ng sa nanay ni Nyrriel.”

CLICK HERE to watch video of Jodi’s interview.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN