Jillian Ward and Mona Louise Rey treat each other as sisters and best friends despite their rivalry

Jillian Ward (left) and Mona Louise Rey treated some of their fans to the Enchanted Kingdom in Sta. Rosa, Laguna yesterday, May 27, as part of the promo of their primetime series on GMA-7, Luna Blanca.


Sa murang edad ng Kapuso child stars na sina Jillian Ward at Mona Louise Rey, parehong seven years old, alam na nila kung paano pahalagahan ang pakikipagkaibigan.

Para nga raw silang totoong magkapatid ‘tulad ng roles na ginagampanan nila sa pinagbibidahan nilang primetime series ng GMA-7, ang Luna Blanca.

Si Jillian ang gumaganap bilang si Luna, na maitim ang buong katawan dahil anak siya ng engkanto. Si Mona naman si Blanca, ang maputi at normal na anak.

Nagkaroon ng pagkakataon na makapag-bonding sina Jillian at Mona sa promo tour ng Luna Blanca na ginanap kahapon, May 27, sa Enchanted Kingdom theme park sa Sta. Rosa, Laguna.

Isinama nila sa naturang event, na inorganisa ng GMA Artist Center, ang apat na mother-daughter tandems na nanalo sa post-Mother’s Day online promo ng Luna Blanca.

Bago ang inihanda nilang programa sa main dining hall ng Enchanted Kingdom, nakausap muna ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at GMA News sina Jillian at Mona Louise.

Ano ang plano nilang dalawa na gawin sa Enchanted Kingdom?

Sabi ni Jillian, “Mag-rides po, ganun. ‘Tapos makakasama rin po namin sina Ate Aira [isa sa winners ng promo]. At saka gusto ko pong maging happy kami.”

Ayon naman kay Mona, magkakaroon din daw sila ng song and dance numbers sa program. Hilig daw kasi nila pareho na kumanta.

Ano bang kanta ang gusto nilang kantahin?

“’Rolling In The Deep’ [ni Adele] po,” sabi ni Mona.

Dagdag naman ni Jillian, “At saka po ‘Listen’ [Beyonce], ‘Isang Lahi’ [Regine Velasquez]…

“Basta kakanta po kami ngayon at saka sasayaw. At saka pag ni-request po nila.”

Pagdating nga nina Jillian at Mona sa main dining hall ay hindi na magkamayaw ang mga tao, mapa-bata man o matanda, sa pagpapa-picture kasama ang dalawa.

Inaliw rin nila ang lahat sa kanilang song and dance numbers pati na rin sa mga inihanda nilang games para sa lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SISTERS AND BEST FRIENDS. Nakatutuwa ring tingnan sina Jillian at Mona habang masayang naglalakad papunta sa venue ng program ay magkahawak-kamay at pakanta-kanta pa. Para sa kanila daw kasi ay sisters at best friends sila.

Paano nila ipinapakita na sisters talaga sila lalo tuwing taping ng Luna Blanca?

Ayon kay Mona, “Ano po, minsan nagdadala po ako ng mga Barbie [dolls], minsan po dalawa, minsan tatlo.

“’Tapos naglalaro po kami. Nagkukulay-kulay po kami, kumakanta kami.”

Paborito raw kasi talaga ni Mona ang Barbie dolls.

Ano naman ang na-discover niya kay Jillian na gusto niya bilang kaibigan?

“Kasi po yung gusto niya po, parang Barbie din po. Kasi yung kagabi po, nagdala rin po siya ng Barbie, dalawa po. ‘Tapos ako po nagdala rin po.”

Singit naman ni Jillian, “Tapos nagdala rin po ako ng Hello Kitty po.”

Maituturing ba nilang best friends nila ang isa’t isa?

Sagot ni Jillian, “Opo. Kasi po para maging kumportable din po kami.

“Kunwari kailangan naming umiyak, kailangan naming magtulungan po.

“At sabi rin po ng teacher namin na kailangan ituring namin ang isa’t isa bilang magkapatid.”

Dagdag naman ni Mona, “Opo, kailangan po naming i-support ang isa’t isa.”

Kaya raw hindi na nila pinapansin yung mga intriga na pinagkukumpara sila kung sino ang mas magaling at mas sikat sa kanila.

“Never ever, ever po. At saka wala po akong alam diyan,” nakakatuwang sagot ni Jillian.

MONA’S BATTLE WITH DIABETES. Kinumusta rin namin si Mona na na-diagnose na may diabetes.

Aniya, “Mabuti naman po pero naggagamot [insulin] pa rin po.”

So, bawal na ang matatamis sa kanya?

“Bawal po.”

Hindi niya ba nami-miss ang kumain ng chocolates at candies?

“Miss po kaya lang bawal po, e. Minsan po pakonti-konti kumakain din. Parang tikim lang po.”

Sa kabila ng kanyang sakit, nananatiling masaya, masigla, at positibo si Mona sa buhay. Sa program nga ay todo-sayaw pa siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dapat po masaya. ‘Tapos lagi po akong nagpe-pray kay God na sana po mawala na itong diabetes ko.

“Kaya po sa akin po, parang wala na po yun kasi alam ko po balang-araw mawawala rin po ito.”

Natanong naman si Jillian kung paano niya sinusuportahan si Mona sa pagharap sa sakit nito?

Sagot niya, “Ano po, parang ang turingan namin sisters.

"‘Tapos hindi na namin iniisip na may sakit siya. Parati na lang po kaming nagpe-pray.”

WORKING WITH CAMILLE. Gumaganap bilang nanay nina Jillian at Mona sa Luna Blanca si Camille Prats. Paano sila inaalagaan sa set ni Camille?

Sabi ni Jillian, “Parang nanay po talaga namin siya sa set. Kahit may make-up po ako [na itim], kini-kiss niya pa rin po ako.”

Kung sa Luna Blanca daw ay mas mahal ni Camille si Blanca (Mona) kaysa kay Luna (Jillian), sa totoong buhay raw ay pareho silang mahal ng aktres, ayon kay Mona.

Puno ng itim na makeup ang katawan ni Jillian tuwing taping. Hindi ba siya naiinitan sa make-up niya?

“Sobrang init po, pero tinitiis ko po ito para sa inyong lahat,” sagot niya.

HIGH RATINGS. Natutuwa rin sina Jillian at Mona dahil sa mataas na ratings na nakukuha ng Luna Blanca gabi-gabi sa GMA Telebabad.

Sabi ni Jillian, “Hindi ko po alam na marami ang nag-aabang sa amin, na marami po ang nanonood. Kaya masaya po ako. I love you everybody.”

Mga fans nila ang nanalo sa online promo ng Luna Blanca na nakasama nila sa Enchanted Kingdom. Isa nga sa kanila ay naiyak pa sa tuwa nang makita sila at mayakap nang personal. Ano ang masasabi nila rito?

Sagot ni Mona, “Masaya po ako na may sumusuporta po sa amin na ganun. At sa sobrang tuwa po niya naiyak pa po siya. Yun po, mahal na mahal ko po kayong lahat.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya naman nagpapasalamat ang dalawa sa lahat ng sumusubaybay at sumusuporta sa kanila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN