Eugene Domingo on love scene with Ogie Alcasid in I Do Bidoo Bidoo: “Konti na lang papunta na sa gahasa, e!”

Eugene Domingo on preparations for her role in the musical film I Do Bidoo Bidoo: “Nag-voice lessons ako. Maya’t maya nagre-rehearse kami para sa mga dance numbers. And meron talaga akong album ng Apo Hiking Society. You have to know the songs of Apo Hiking Society. It was not difficult for me because I love Apo Hiking Society.”


Hindi pa man naipalalabas ang Star Cinema-Spring Films movie ni Eugene Domingo, ang Kimmy Dora and The Temple of Kiyeme, ay abala na naman ang aktres sa paggawa ng isa na namang malaki at maipagmamalaking pelikula—ang I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila sa ilalim ng Unitel Productions.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Eugene nang bisitahin namin ang shooting ng I Do Bidoo Bidoo kahapon, May 29, sa Sampaguita Pictures compound sa Granada St., Quezon City.

Sa August 15, 2012 pa ang target playdate ng I Do Bidoo Bidoo, written and directed by Chris Martinez. Kaya mauunang ipalabas ang Kimmy Dora sequel sa June 13, gayundin ang pelikula ni Ogie na Boy Pick-up The Movie sa June 6.

Sa tingin ba ni Uge, makatutulong sa I Do Bidoo Bidoo na mapapanood muna sila sa magkahiwalay na pelikula ni Ogie bago sila mapanood na magkasama sa isang movie?

“Oo, tamang-tama kasi comedy yung Boy Pick-up, comedy rin kami.

“’Pag pinagsama kami, ‘pag pinagsama si Ogie at si Uge, naku, naku, tignan ninyo kung kaya n’yo! Ako kinaya ko, e!” natatawang sabi ng aktres.


INTIMIDATED WITH APO. Bilang isang musical-romantic-comedy movie, malaking bahagi ng I Do Bidoo Bidoo ang musika ng Apo Hiking Society.

Kaya naman hindi lang aarte si Uge rito kundi may mga eksena rin siyang kailangan niyang kumanta.

Biro nga ni Uge, dito raw masusubok ang kanyang singing prowess.

“Oo, musical, e. Alangan naman tumulala lang ako!”

Paano niya pinaghandaan ang pagiging singer niya sa movie?

“Nag-voice lessons ako. Maya’t maya nagre-rehearse kami para sa mga dance numbers.

“And meron talaga akong album ng Apo Hiking Society. You have to know the songs of Apo Hiking Society.

“It was not difficult for me because I love Apo Hiking Society.”

Dagdag ni Uge, “At saka lumaki ako sa OPM [Original Pilipino Music].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Panahon na para ipakilala natin sa bagong generation ang tunay na musika ng Pilipino, lalo na yung musical icon group na Apo Hiking Society.

“Kung ikaw ay Pilipino at mahilig ka sa musika, imposibleng hindi mo magugustuhan ang Apo Hiking Society.”

Hindi ba siya na-intimidate dahil pawang mga Pinoy music icons din ‘tulad ng Apo ang kasama niya sa cast ng I Do Bidoo Bidoo; kabilang na sina Ogie Alcasid, Gary Valenciano, at Zsa Zsa Padilla?

“Sa mga kasama ko sa pelikula, hindi masyado, kasi isang mundo lang din naman yung ginagalawan namin. Nagkakasalubong kami sa pelikula, sa TV, ganyan.

“Nai-intimidate ako sa Apo Hiking Society mismo—lalo na kay Sir Danny Javier.

“Ewan ko, hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya kasi ang ganda ng boses, ang ganda ng nilikhang awit, at hindi natin siya madalas nakikita, di ba?

“Pero nabalitaan ko na gusto niya akong kausapin. Wala akong lakas ng loob, e, nahihiya ako.

“Hindi ko alam kung pagagalitan ako kung bakit ganun ang ginawa ko sa kanta nila. Pero natutuwa raw siya kaya natutuwa rin ako.

“Sana magkita kami at magustuhan niya itong aming pelikula para sa Apo Hiking Society.”

LOVE SCENE WITH OGIE. Anong kanta ng Apo ang natapat sa kanya?

“Ang naibigay sa akin ay ang paborito ko, yung ‘Di Na Natuto.’ Maganda yung pagkagamit dun sa kanta,” banggit ni Uge.

Totoo bang ito ang ginamit na kanta sa love scene nila ni Ogie?

“Yes, ginamit namin sa love scene namin.

“Love scene pa ba ang tawag doon sa ginawa namin ni Ogie? Parang lampas-lampas sa love scene yun, e!

“Wild ang love scene namin ni Ogie.

“Gamit yung ‘Di Na Natuto,’ kung paano namin ginawa yun, yun ang aabangan n’yo sa pelikula.”

So, mas wild ang love scene niya kay Ogie kaysa sa love scene niya kina Dingdong Dantes at Zanjoe Marudo sa Kimmy Dora?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, dahil mag-asawa ang papel namin dito ni Ogie, e, ano ba ang ginagawa ng mag-asawa, alam n’yo na!” natatawang sabi ni Uge.

So, mas masarap ang love scene niya kay Ogie?

“Dito medyo pilit na pilit. Napipilitan ako dahil meron kaming problema rito.

“So, konti na lang papunta na sa gahasa, e!” biro ni Uge.

ABOUT THE MOVIE AND THE CAST. Nagkuwento rin si Uge tungkol sa role niya at sa takbo ng istorya ng I Do Bidoo Bidoo.

“Ang aking character ay si Rose Polotan. Isa akong ina na tinataguyod ko ang aking pamilya.

“Ang asawa ko rito ay si Pol, na gagampanan ni Ogie Alcasid, at isa siyang musikero rito.

“Ang anak namin ay si Sam [Concepcion]. Yun na nga, nakadisgrasya [nakabuntis] nang maaga.

“So, yun ang pasan-pasan ng character ko bilang ina.

“Umaasa ka na yung anak mo makatulong sa pamilya mo, e, bakit ba naman nakadisgrasya?

“Si Rose ang talagang hardworking. Araw-araw walang ginawa kundi isipin kung paano sila makakatawid.

“I think it’s very typical nowadays na ang asawang babae, nagtatrabaho na rin at may pangarap para sa mga anak.

“Pero minsan, di ba, nagkakaroon ng disgrasya, e, tatanggapin mo na lang na yung anak mo ay makakapag-asawa ng maaga, gagawin kaming lolo at lola.”

Kumusta naman katrabaho si Ogie?

“Si Ogie Alcasid, napakasipag na artista, bukod sa natural ang kanyang talent bilang musikero.

“He’s very generous, hardworking. He’s so funny and I think he’s cute.

“Imposibleng hindi ka ma-in love kay Ogie Alcasid. Kaya nga kita n’yo naman, nakadalawa!”

Ang tinutukoy ni Uge ay ang pagpapakasal ni Ogie ng dalawang beses—una kay Michelle Van Eimeren at pangalawa kay Regine Velasquez.

How about sina Gary Valenciano at Zsa Zsa Padilla?

“Ngayon, aaminin ko, pagkatapos kong manood ng On Higher Ground [concert] ni Gary V., crush ko na si Gary V.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“’Sir Gary’ ang tawag namin kay Gary dito dahil nirerespeto namin siya—hindi dahil hindi namin nirerespeto si Ogie, ha.

“Si Zsa Zsa naman kasi madalas ko na siyang makasama sa mga party.

“In fact, nag-celebrate ako ng birthday with her and Tito Dolphy a few times already.

“So, may personal connection na kami.

“I mean, itong pagsasama namin sa pelikulang I Do Bidoo Bidoo, repleksyon ito ng pamilyang Pilipino.

“Ito talaga ang regalo ng Unitel para sa lahat ng Pilipinong mahilig sa musika at mahilig magmahal.”

BOX-OFFICE QUEEN TITLE AND ASIAN MOVIE. Sa laki ng mga pelikula niyang ipalalabas sa susunod na mga buwan, sa tingin niya ba makukuha na niya ang pinapangarap niyang Box-Office Queen title?

“Oo nga, e, gusto ko talaga yun. Sana makabingwit ng isang Box-Office Queen title, bakit hindi?

“Ang kailangan lang naman ay pagtrabahuhan mo. At naniniwala ako na ibibigay naman sa iyo, lalo na kung napapanahon na.

“Kaya nga tayo gumagawa ng mga proyekto na mae-excite ang mga manonood na Pilipino kasi para ma-convince sila to go to the cinemas to watch a Pinoy film that is truly, very endearing to the Pinoy taste.”

Pagkatapos niyang manalo ng People’s Choice for Best Actress sa Asian Film Awards, sa tingin niya ba panahon na para makagawa siya ng pelikula kasama ang sikat na Asian actors—‘tulad ng counterpart niya sa People’s Choice award na si Andy Lau?

“Nabanggit ko iyan sa isa sa mga matataas na producers. Parang meron siyang ano… desidido siyang hanapin si Andy Lau.

“’Ika nga, hindi natin masasabi, pero panahon na rin talaga para makipag-collaborate sa mga Asian producer, makipagtrabaho sa mga Asian actor.

“I am very, very open to that. So, sana mabigyan tayo ng chance,” asam ni Uge.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN