Joey de Leon hopes Eat Bulaga’s appeal to the masses rubs off on Game ’N Go

Joey de Leon on record set by Eat Bulaga!: "Ang Eat Bulaga! puwede kong sabihin na pinagpala, e. Dahil ilan ang dinaanan namin. Yung pinakamabigat pa naming katapat, si Willie [Revillame]… puwede kong sabihin iyon—siya yung pinakamabigat na nakatapat namin. Kasi, pareho ng hilatsa iyan, e. Iginuhit pa na hindi na kami magtapat at nagsama pa kami sa isang [network]. Kaya sana lang, nagpaparaanan… Mahirap na sigurong pantayan iyon


Umaasa ang TV5 na makakagawa sila ng bagong kumbinasyon ng TV hosts at kakaibang noontime game show tuwing Linggo sa pamamagitan ng latest program nilang Game ‘N Go, na magsisimula na sa June 17.

Ang bagong show na ito ng Kapatid Network ay pangungunahan nina Joey de Leon, Edu Manzano, Gelli de Belen, Arnell Ignacio, at Shalani Soledad-Romulo.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joey sa presscon ng naturang game show noong May 24 sa Delta studio ng TV5.

Umaasa ang beteranong TV host at comedian na ang hatak ng Eat Bulaga! sa masa ay madala rin sa Game ‘N Go.

“Well, sana, sana… para may mapagpilian sila.

“Kasi nga, sabi ko, for so many years ay puro musical tayo.

“Pero kapag binalikan mo ang history, game show ang Sundays noong araw—yung mga Showbiz With The Salvadors, Spin A Win

“Nabago lang dahil noong nagkaroon ng People Power, ang news napunta ng 6 p.m., dati ay 9 o’clock iyan.

“Dahil ang mga tao ay nag-aabang ng mga mangyayari, kung may gulo pa ba, kaya inagahan.

“At noong araw, ang mga variety show ay alas-sais ng gabi. Sina Sylvia La Torre… doon sa Oras ng Ligaya, di ba?” saad ni Joey.

Pero kakaibang show raw ang Game ‘N Go.

“Masaya ito, magulo, wild.

“Ibang offering ito for a Sunday show, kasi lahat musical, e.

“Ito, purely games na wacky and wild and crazy.

“Maganda siya, masaya, masaya… kumbaga ay hindi mahirap panoorin.”

Idinagdag pa niyang okay ang magiging kumbinasyon nila ni Edu.

“Walang problema. Ano naman kami, e, para iba naman.

“Magaang naman kasi kasama si Edu, e.

“Iyong si Shalani ang first time, kaya nga punung-puno kami ng energy, e,” pabirong saad ni Joey.

PIONEER. Bukod sa pagsasabing isa siya sa pioneers sa Channel 5, ipinagmalaki rin ni Joey ang kanyang malawak na karanasan sa TV.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ako ang unang talent ng Singko, bago pa Wow Mali

“Ang Wow Mali, mga thirteen years na iyan, mayroon kaming show noon doon.

“Wala pa si German Moreno, mayroon na akong Walang Tulugan, e. Ang title ay English lang, Stay Awake.

“Ang may-ari pa ng Singko, si Edward Tan pa. Kaya matagal ako sa Singko.

“Tapos mayroon ako doong Mr. DJ. Doon nagsimula sina Uge [Eugene Domingo], Candy Pangilinan, sina Giselle Sanchez… mahaba na, e.

“Ako ang pinakamaraming TV shows sa history, e.”

So, puwede bang sabihin na isa sa mga haligi sa TV5 ay nakapangalan kay Joey de Leon?

“Hindi, hindi… ako ay hanggang ngayon, worker ako, e. Hanggang ngayon ay empleyado ako.

“Hindi ko iniisip na ano ako, e, sikat, artista… hindi, e.

“Kas mahihirapan ka doon, e. Maganda iyong nagtatrabaho ka lang.”

NETWORK HOPPING. Sa tagal niya sa showbiz, mayroon pa ba siyang gustong gawin na hindi pa niya nagagawa?

“Iyon nga, iyong ikutin ko lahat ng channel… actually, naikot ko, ako, nagawa ko iyan.

“Lahat ng networks, lahat ng number, nagkaroon ako ng show.

“As of last count, ano na, e, 60 na yata iyong TV shows ko, e,” saad niya.

Nagsimula si Joey noong 1968 sa radyo sa ABS-CBN.

Sa almost 45 years niya sa showbiz, hindi ba siya nauumay sa ginagawa niya sa araw-araw?

“Hindi, hindi,” mabilis na sagot niya.

“Nag-e-enjoy kami sa ginagawa namin. Hindi ito trabaho sa amin, e.

“Kita mo naman sa Eat Bulaga!, e.

“Noong araw, ang mga hosts, nakatayo, may microphone stand, di ba?

“Ngayon, nakaupo na lang ang mga hosts, e, naka-shorts.

“Saan ka makakakita na iyong mga babaeng hosts, maiigsi ang shorts? Noong araw ba puwede iyon?

“Wala, e, nagbabago na, relaxed na ang TV. Wala nang cordon, wala ka nang makikitang wires, puro mga naka-lapel na.

“Nag-uusap, parang nakatambay lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang wala lang ay iyong nagyoyosi. Pero iyong mga kumakain sa harapan ng camera, puwede na, e, relaxed na talaga yung atmosphere, e.”

PINAGPALA. Sinasabi ng marami na ang nagawa ng Eat Bulaga! ay mahirap nang mapantayan. Ano ang komento niya rito?

“A, oo! Ang Eat Bulaga!, puwede kong sabihin na pinagpala, e. Dahil ilan ang dinaanan namin.

“Yung pinakamabigat pa naming katapat, si Willie [Revillame]… puwede kong sabihin iyon—siya yung pinakamabigat na nakatapat namin.

“Kasi, pareho ng hilatsa iyan, e. Iginuhit pa na hindi na kami magtapat at nagsama pa kami sa isang [network]. Kaya sana lang, nagpaparaanan…

“Mahirap na sigurong pantayan iyong 33 years [ng Eat Bulaga!], hindi rin natin alam, baka yung pagtagal.

“Pero mahirap na iyon at saka hindi lang iyon...

"Ang record ng Eat Bulaga! ay tumalon sa tatlong networks nang walang tigil dahil tuluy-tuloy ‘yon, e.

“Linggo lang ang tigil at pagdating ng Lunes, ibang network na siya.”

Ang tinutukoy ni Joey ay ang paglipat ng Eat Bulaga! mula sa ABS-CBN papuntang GMA-7 noong 1995.

“Tinatanong nga ako kapag may bagong katapat, ‘O, hindi ba kayo naaano, may bago?’

“Sabi ko, ‘Parang ano lang iyan, sisilipin iyong bagong lipat, e, ‘tapos ay babalik din sa bahay iyan.’

“Kasi hindi ka basta iiwanan, e, marami nang followers ng Eat Bulaga! ang nagkaanak at nagkaapo, e. So, mahirap na.

“Kami naman, hindi naman namin ikinalalaki ng ulo iyon, dahil yun na nga ang pasalamat namin, so tuloy lang.”

COMPETITION. May mga pagkakataon na nababanggit ang Tito, Vic & Joey sa It’s Showtime—katapat nilang programa sa ABS-CBNsa mga kantiyawan o biruan nila.

Ano ang masasabi ni Joey rito?

“Okay naman kami nila… wala, wala, wala… wala kaming mga ganoon nina Vice [Ganda].

“Magkakasama naman… magkakakilala, nagkakausap kami sa telepono niyan, e.

“Kaya lang ganoon talaga, e—two can survive with the advent of the remote control... kahit tatlo nga, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya lang, mayroon talagang isang gaganoon, e,” sabay muwestra ni Joey na nagpapahiwatig na tataas o aangat.

“E, ang gusto yata ng lahat ay mauna sila, e, mahirap ‘yun.

“Pero it takes time siguro... Kasi kami, pang-34th year na kami, imagine.

“Nagtitinginan nga kami, ‘Tayo ba ay ano ba, hanggang kailan?’

“Wala, e, hindi namin masabi kung hanggang kailan kami.

“Kapag tinatanong kami ay hindi namin masabi, e. Pero sige lang, hanggang kaya namin.”

Nagbiro pa si Joey na baka dumating ang panahon na kahit uugod-ugod na sila ay hosts at bahagi pa rin sila ng Eat Bulaga!.

Pero sinabi rin niya na, “Ang maganda kasi sa Bulaga, pati kalye ngayon ay nagkaroon ng bagong ano, e…

“Na dati ay nagbo-broadcast ka lang sa studio. Ngayon ay puwede ka nang mag-broadcast sa kalye, na nasakop mo na.

“At lahat ng hosts namin, puwede kahit saan.”

INDIE OFFER. Nabanggit din ni Joey sa PEP na dapat ay gagawa siya ng indie film, subalit dahil sa conflict sa kanyang schedules ay baka hindi muna ito matuloy.

“Marami akong layas, e, sa July, October.

“Kaya nga ano, e… hindi naman ako nanghihinayang, nagsu-sorry lang ako.

“May ano kasi ako na hindi maka-hindi agad, e.

“Nang in-offer sa akin, sabi ko, ‘Oo, sige, pag-iisipan ko.’

“E, hanggang ngayon ay hindi ko pa nababalikan.”

Maganda ba ang indie project na ito?

“Oo, okay naman.

“Actually, marami akong mga script sa bahay, e. Mixed-mixed, e—comedy na seryoso, black comedy, e.”

Sino ba dapat ang kasama niya dito?

“Hindi ko alam kung puwede kong sabihin sa iyo,” wika niya habang nag-iisip.

“Si Uge [Eugene Domingo] yata iyong isa, at saka may isa pa.

“Sabi nila hihintayin daw ako, in-adjust na nga iyong submission by July, pero mamaya tatawagan ko.

“Actually, maski iyong ibang shows, e, iyong ibang mga TV show, hindi ko maoohan, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dahil sabi ko, baka masabit lang ako dahil aalis ako nang aalis.

“Iyong mga lakad ko, Europe at U.S., e… ang dami, e.”

Trabaho ba ito o bakasyon?

“Bakasyon ito, hindi ako nagtatrabaho sa abroad.

“Ang Bulaga! kapag pumupunta sa abroad, hindi nagtatrabaho, nagbabakasyon.

“Puro bakasyon, e, walang business, break talaga.

“Mag-work ka ba naman ng 40-plus years sa TV, e, nakakapagod din.”

VIC & PAULEEN. Tungkol naman kina Vic Sotto at Pauleen Luna, darating kaya ang time na hihimatayin ulit si Pauleen sa ere dahil kay Bossing na talaga?

“Kung ang iniisip mo ay iyong iniisip ko, e… baka,” pabiro niyang sagot habang tumatawa.

Pero sabay buwelta niya na nagpapahiwatig na hindi niya ilalaglag ang kaibigan lalo na pagdating sa mga intriga at sa kontrobersiyal na lovelife nito.

“Bakit uso pa ba ngayon iyong hinihimatay? Siyempre may check-up na iyon!” tawa niya ulit.

Ano ang maise-share niya sa press ukol sa latest sa lovelife ni Bossing?

“Hindi, hindi ko alam, hindi ko alam… Kasi hindi pa kami nagkikita ni Vic ngayon mula nang umalis ako, e.

“Kapag andiyan ako ay wala siya, absent siya pagdating ko, nag-golf yata.

“Wala, e, kung ano iyong alam ninyo, iyon lang din.

“Sa amin, hindi na namin pinag-uusapan iyan, e, iyong mga lovelife.

“Alam mo ‘pag tagal, the least na iyan na napapag-usapan na, e.

“Kasi pagdating n’yo, ‘Ano na ang latest? Ano ang ulam?’

“Iyon lang iyon, e, pero very close talaga ang mga ano diyan…

“Napapagkamalan mo nga na may malisya, e. Pero wala…

“Lalo na ako, e, ako, basta makalayas [makapagbiyahe sa abroad] ako… pamilya… uwi.

“Ako, e, trabaho sa TV, ‘tapos bahay, TV-bahay, ganoon lang ako, e.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN