Timothy "Desert Storm" Bradley defeats Manny "Pacman" Pacquiao via controversial split decision

Sarangani Province Congressman Manny "Pacman" Pacquiao (left) is now the former World Boxing Organization (WBO) Welterweight Champion, as Timothy "Desert Storm" Bradley wins in a split decision in their match today, June 10 (June 9 in the U.S.) at the MGM Grand Garden Arena.


Sa kauna-unahang pagkakataon mula nung 2005, nakatikim ng pagkatalo ang Pambansang Kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao sa kamay ng Amerikanong boxer na si Timothy "Desert Storm" Bradley.

Si Bradley na ngayon ang may hawak ng World Boxing Organization (WBO) Welterweight Championship belt na naagaw ni Pacquiao mula sa Puerto Rican boxer na si Miguel Cotto nung 2009.

Split decision ang panalo ni Bradley na nakakuha ng dalawang mataas na score mula sa dalawa sa tatlong judges ng boxing match.

Binigyan nina Duane Ford at C.J. Ross ng scores na 115-113 si Bradley, habang parehong score din ang ibinigay ng judge na si Jerry Roth, pabor naman kay Pacquiao.

Si Bradley ay umakyat ng timbang sa welterweight (147 lbs) mula sa pagiging light welterweight (140 lbs).

Pareho na ngayong hawak ni Bradley ang WBO Light Welterweight at Welterweight Championship belts.

Matapos ang unang laban niya bilang welterweight kay Argentinian boxer Luis Abregu nung Hunyo ng nakaraang taon, agad na hinamon ni Bradley si Pacquiao para sa isang title match.

Ginawa niya uli ang paghamon kay Pacquiao nung Nobyembre ng nakaraang taon, matapos niyang talunin via Technical Knock-Out (TKO) ang Cuban boxer na si Joel Casamayor sa round 8.

Si Manny naman ay huling nakatikim ng pagkatalo mula sa unang laban niya sa Mexicanong si Erik "El Terrible" Morales nung 2005 sa timbang na super featherweight (130 lbs) sa pamamagitan ng unanimous decision.

Dalawang beses pang nagkalaban sina Pacquiao at Morales kunsaan dalawang beses ding tinalo ng Pilipinong boxer ang Mexican boxer.

DELAY BECAUSE OF BASKETBALL GAME. Nagpahayag ng pagkairita ang American commentators na nagko-cover ng laban nina Pacquiao at Bradley nang hindi agad nagsimula ang laban ng dalawang boksingero.

Tinapos daw muna kasi ng Pambansang Kamao ang panonood ng basketball game ng Boston Celtics laban sa Miami Heat sa dugout nito.

Kilalang Celtics fan si Pacquiao na nakatikim pa ng bisita ng buong team pagkatapos ng laban niya kay Oscar dela Hoya nung 2008.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natalo ang Celtics laban sa Miami sa score na 88-101.

Kabilang naman sa celebrities na namataan na nanonood sa MGM Grand Garden Arena ay ang Pacquiao fan at Hollywood actor na si Mark Wahlberg, ang Bourne Legacy actor na si Jeremy Rener, former boxing champions Mike Tyson, Julio Cesar Chavez, Chad Dawson, Roy Jones Jr., at ang buong U.S. boxing team sa 2012 London Olympics.

Nasa dugout naman ni Manny ang aktor at senador na si Jinggoy Estrada. Sumama rin ito sa paglabas sa dugout at paglakad ni Manny patungo sa boxing ring.

IDOLS SING NATIONAL ANTHEMS. Ang 14-year-old Filipino-American na si Kirby Asunto ang kumanta ng pambansang awit ng Pilipinas na “Lupang Hinirang,” habang ang 16-year-old na American Idol Season 11 runner-up na si Jessica Sanchez ang umawit naman ng U.S. national anthem na “Star-Spangled Banner.”

Si Asunto ay ang tinanghal na Philippine Fiesta Idol grand champion sa New Jersey nung 2010 at personal na pinili ni Pacquiao para umawit sa kanyang laban kay Bradley.

Naunang lumabas si Bradley sa dug-out sa saliw ng “All I Do Is Win” ng rapper na si T-Pain.

Nang si Pacquiao na ang lalabas, ipinakita muna ang mga video ng kanyang mga nakaraang laban sa saliw ng AC-DC song na “Thunderstruck.”

Nang lumabas na siya sa kanyang dug-out, ang walkout song niyang “Eye of the Tiger” ng American band na Survivor ang tumugtog.

THE FIGHT. Agad na nagpalitan ng mga suntok sina Manny at Timothy sa round 1 pa lang. Ipinakita agad ni Manny ang kanyang bilis sa pagpapakawala ng combination punches habang maingat naman si Timothy na bumibitaw ng jabs at paminsan-minsang combinations.

Naging pareho rin ng round 1 ang itinakbo ng palitan ng suntok ng dalawang boksingero ang round 2.

Sa round 3 ay naging maingat din sa mga suntok ni Bradley si Pacquiao, pero bumibitaw rin ng mga kumbinasyon. Tinamaan ng matinding kaliwa si Bradley na nagpaatras nito sa lubid ng ring.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa round 4 ay kapansin-pansin na ang paglambot ng mga tuhod ni Bradley. Nag-iingat naman si Pacquiao sa mga pagyakap ng Amerikanong boxer na laging nauuna ang ulo sa pagsugod. Kilala kasi sa taktikang paghe-headbutt si Bradley.

Sa umpisa ng round 5, parehong light-jabs lang ang pinapakawalan ng dalawang boksingero. Parehong maingat. Napilitang mag-back pedal o umiwas si Bradley dahil sa mga suntok ni Manny.

Panay ang atake ni Manny na patuloy na nagpapaatras kay Bradley. Napilitan tuloy na yumakap si Bradley kay Manny na una na naman ang ulo sa pagyakap.

Maingat na iniikutan na ni Manny si Bradley sa round 6. Nakataas din ang depensa ng fighting congressman ng Sarangani Province.

Panay lang ang palitan nila ng jabs. Nakakatama si Bradley ngunit patuloy ang maingat na pag-iwas sa mga suntok ni Manny. Napaatras pa ni Manny sa corner ng ring si Timothy. Kapansin-pansin na ang pagbagal ni Timothy.

Panay naman ang pagtukod ni Bradley sa round 7. Paminsan-minsang tumutulak at yapos kay Manny ang ginagawa nito para makaiwas sa mga suntok ng Filipino champion.

Panay rin ang bobbing and weaving o pag-iwas ng ulo sa mga suntok ni Manny. Pinilit din ni Bradley na maging agresibo na nagpaatras kay Manny sa lubid ng ring.

Sukatan sa pamamagitan ng jabs ang ginawa ng dalawang boxers sa umpisa ng round 8. Napapayuko si Bradley kapag bumibitaw ng combination punches si Manny.

Nagkauntugan din sila sa round na ito. Panay ang tukod muli ni Bradley, habang panay naman ang suntok ni Pacquiao sa katawan nito.

Sa round 9 ay agad na gumitna dalawa. Bumitaw ng mga suntok si Bradley ngunit nakadepensa lang si Pacquiao. Nagpakawala rin agad ng mga suntok si Manny ngunit hindi ininda ni Bradley.

Nadulas si Bradley dahil sa patuloy na pag-iwas nito. Panay ang palitan nila ng suntok sa dikitan na laban nila. Panay ang yakap ni Bradley dahil sa mga suntok ni Manny. Kahit na sumusuntok si Manny ay nagpakita naman ng tibay ng katawan ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy sa kanyang pag-atake sa round 10 si Manny. Panay ang paulan ng combination punches na nagpasigaw tuloy sa mga nanonood sa MGM Grand Garden Arena ng pangalan ng Filipino boxer.

Sumuntok man si Bradley ay sa mga braso lang ni Pacquiao tumatama ito.

Pinilit namang humabol ni Bradley sa round 11 sa pamamagitan ng pagiging agresibo nito. Napaatras si Manny sa istratehiyang ito ngayon ni Bradley na nag-switch pa sa southpaw (left-handed) mula sa orthodox (right handed) stance nito.

May mga pagkakataon pang hindi makalapit si Manny sa pagdya-jab ni Bradley.

Sa round 12, left stance na ang gamit ni Bradley. Dahil huling round na ay talagang palitan na ng combination punches ang ginawa ng dalawang boksingero.

Napapayuko si Bradley sa mga suntok ni Pacquiao sa katawan niya. Sa kabila nito, pinanatili ni Bradley ang pagiging agresibo niya.

THE DECISION. Walang kasugat-sugat o pasa sa mukha si Manny nung matapos ang round 12, habang si Timothy naman ay may maliit na pasa sa kanang mata at inaalisan ng dugo sa ilong.

Nang ibigay na ang desisyon ng judges na sina Duane Ford, Jerry Roth, at C.J. Ross, marami ang nagulat sa split decision win ni Bradley.

Maging si Bradley ay kapansin-pansin ang pagkagulat sa ginawang announcement ni ring announcer Michael Buffer.

REMATCH POSSIBLE. Nagbigay naman ng posibilidad ng isang rematch si Bradley nang ma-interview na matapos ang laban.

Aniya, gusto raw niyang bigyan ng tsansang mabawi ni Pacquiao ang championship belt nito.

Nung pre-fight press conference, ipinakita ni Desert Storm ang isang higanteng tiket na may nakalagay na "Bradley vs. Pacquiao 2," na may date pang November 10, 2012.

Sa interview naman kay Manny, naniniwala siyang siya ang nanalo sa laban nila ni Bradley. Panay raw kasi ang atake niya at puro naman sa braso niya tumatama ang mga suntok ni Bradley.

Kitang-kita ang pagkagulat ng asawa ni Manny na si Jinkee nang i-announce ang pagkapanalo ni Bradley, habang hinimatay naman ang nanay ng Pambansang Kamao na si Mommy Dionisia Pacquiao sa bahay nito sa General Santos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nanalo naman ang Filipino boxer na si Ernie Sanchez sa kanyang 8-round fight laban sa Dominican Republic boxer na si Wilton Hilario via unanimous decision.

To know more about the Pacquiao-Bradley fight, go to spin.ph


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN