Kaye Abad on posing for FHM: “Hindi ko nga maintindihan kung bakit ganun palagi and isip ng tao—‘pag nag-FHM na, magpapa-sexy na, career move na daw… ganyan!”

Kaye Abad says, after doing the sexy cover for FHM, she is not ready for more daring poses or scenes. For movies, she will alow director’s option and judgment call: “‘Pag maayos yung treatment, kung paano gagawin ng director na hindi naman magiging bastos.”


Kilala si Kaye Abad na wholesome actress mula pa noong Tabing Ilog days, pero sa pagkakataong ito, makikita siya sa FHM magazine cover na nagpa-sexy at nagpakita ng balat.

Sa autograph signing ng FHM magazine para sa June 2012 issue sa Robinsons Movie World Galleria noong June 9, Sabado, nagkaroon ng exclusive interview ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Kaye.

NON-ISSUE. Ano ba ang nagtulak kay Kaye para mag-pose nang sexy sa FHM?

Aniya, “Hindi ko nga maintindihan kung bakit ganun palagi and isip ng tao, ‘pag nag-FHM na, magpapa-sexy na, career move na daw… ganyan!

“Actually, kung makikita n’yo naman, sexy siya, pero hindi siya yung ipinakikita ng FHM talaga.

“Hindi naman yung kung todo-paseksi talaga.

"Pangalawa, matanda na ako! Yung Tabing Ilog kasi, ilang taon lang ako noon—16 or 17… ganyan. Hindi pa talaga pwede.

"Pero alam ko nung Tabing Ilog, may episode na nag-two piece ako, pero ano yun, bikini tops at short lang.

“Then, nag-cover na rin ako sa isang magazine na medyo sexy na rin ng kaunti—2006 yun.

“‘Tapos, nag-Alyna ako, nag-two piece din ako dun.

“’Tapos, bago ko gawin ‘tong FHM, nag-Angelito ako, nag-two piece din ako at may love scene pa."

Dagdag ni Kaye, “So, parang ako, ‘Bakit hindi?’

"Bakit sasabihin na nagpapa-sexy ako, kung nakita naman nila sa Angelito na naka-bathing suit at nakikipaghalikan?

"Wala naman silang sinabi na magbo-bold star na ako.

“Yun lang siguro, bilang FHM nga, na magpapakita ako ng skin.

“Ginawa ko siya na parang trabaho lang rin, parang gumawa ako ng isang pelikula na kailangang magpa-sexy.

“Na-feel ko naman na, ‘Bakit hindi, hangga’t kaya ko, gawin ko na.’

"Kailan ko ba gagawin ‘to? ’Pag may anak na ako? Kung kailan may buburahin nang stretchmark sa tiyan ko dahil nanganak na ako?

“At least ‘pag tanda ko, masasabi ko sa sarili ko na at least nag-cover ako ng FHM. At hindi naman na ako bata. Bakit hindi?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya nagdalawang-isip na tanggapin ang offer na mag-cover sa FHM?

“Hindi!" mabilis niyang sagot.

"Sinabi ko agad na, ‘Okay ako, pero gusto kong makita yung concept, kung ano yung peg for the pictorial.’

"May limitasyon pa rin naman.”

ACTUAL PREPARATIONS. Anong preparations ang ginawa niya for this FHM cover?

“Before this FHM kasi, nagda-diet na ako for Angelito para sa beach scene namin, so nag-diet na ako.

“Nang dumating ito, medyo nandun na yun, e, na payat na ako.

"Nag-workout na lang ako ng araw-araw para lang mag-firm lahat ng muscles ko.

“Yun lang! ‘Tapos, madalang akong mag-rice, lunch lang ako nagra-rice; sa dinner, hindi na.

“Tumigil din ako sa iced tea, water lang talaga ako.”

Pero before ba nitong FHM, nagwo-workout na siya talaga?

“Hindi! Isa akong tamad na tao.

"Yun ang problema sa akin, ‘pag kinakailangan lang, saka lang ako mag-workout.”

Anong klaseng workout ang ginawa niya during that time?

“Ang ginawa ko lang, nag-treadmill ako, workout para sa abs and for the arms.

"Kasi yun ang problema ko—ang braso at tiyan.”

BABY FACE. Ano ang beauty regimen niya para ma-maintain ang babyface look?

“Honestly, wala! Siguro, unang-una dahil maliit ako.

"Hindi ko nga alam kung ma-offend ako na sinasabi ng iba na hindi daw nagbago hitsura ko.

“E, ang pangit ko noon, nung time ng Tabing Ilog. Wala talaga, e.

“Alam mo nga, feeling ko, disadvantage sa part ko yung pagiging baby-faced ko.

“Kasi hindi ako mai-pair sa mga ka-age ni Piolo Pascual, kasi mukha daw akong bata sa gano’ng age.

“Like Bea Alonzo, mas matanda ako kay Bea nang hindi hamak, pero mas na-pair siya sa mga ka-age ni Piolo or John Lloyd [Cruz].

“Si Direk Lauren Dyogi lang ang nagpa-realize sa akin na advantage ko daw ang pagiging baby-faced ko.

“At least daw, kung mas bata hitsura ko, puwede akong i-pair sa mas bata at mas mahaba tatahakin ng career ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BEAUTY REGIMEN. May beauty regimen ba siya?

“Beauty regimen, wala talaga, e.

"Ewan ko nga kung totoo na yung make-up nga raw ay nakakasira ng skin.

“Kaya nga ako, minsan lang mag-make-up, ‘pag kailangan lang.

“Sa taping di ako nagme-make up… powder, lipstick at kilay lang; no make-up at all.

“Saka, hindi ako yung tamad magtanggal ng make-up, kahit anong puyat ko.

“Kahit 3 a.m. pa ‘yan, I’ll make sure nagtatanggal ako ng make-up bago matulog.

"Siguro, ayun lang ang beauty regimen ko.”

SCENE TREATMENT. Ibig sabihin ba nito dahil naging cover na siya sa FHM, tuluy-tuloy na yung pagpapa-sexy at tatanggap na siya ng mas daring roles?

Sabi ni Kaye, “May project naman na nakipag-love scenes na ako, nakapagpakita na rin naman ako ng likod.

“Mas daring pa dun? Depende siguro kung hanggang saan at kung sino yung director ko.

“Kasi kung kilala ko yung director, alam ko kung paanong treatment yung gagawin niya.

“Alam ko na aalagaan niya ako. Siguro kung kailangan talaga sa eksena, saka ayun, number one yun…

“‘Pag maayos yung treatment, kung paano gagawin ng director na hindi naman magiging bastos.

“Parang yung kay Direk Cathy [Garcia-Molina] na yung Unofficially Yours, di ba, grabe yung eksena, pero hindi siya bastos tingnan?”

Paano kung kinakailangan sa proyekto na mag-topless at mag-breast exposure siya?

“Hindi! Likod kaya ko! Nagawa ko na yun, e.

"Pero sa harap, hindi ko yata kaya.

“Baka, matakot sila at lumabas sila lahat! Hahaha!

“Magpa-sexy kaya ako, pero yung aabot sa point na magpapakita ng butt at breast, hindi ko kaya yun.”

ON JOHN LLOYD CRUZ. Kahit hindi ganun ka-macho si John Lloyd Cruz, pero para kay Kaye, hunk pa rin ba ang dating ka-loveteam?

“Si Lloydie [palayaw ni John Lloyd], aminado naman siyang hindi siya hunk. Pero malakas yung appeal niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi siya sexy physically, pero yung personality niya, yun ang sexy—yun yung naglalabas ng appeal niya.

“Yung personalidad niya, yung pagiging misteryoso niya. At the same time, makulit din ‘yan!

“For me, nate-turn-on ako ‘pag ang lalaki, magaling umarte. ‘Pag yung talented talaga.

"Pero hindi siya hunk, magaling lang siya magdala!”

STANDARDS AND QUALIFICATIONS. Ano ang hanap niya sa isang guy?

“Sa akin, hindi ako mahilig sa maskulado, e, hindi nagma-matter sa ‘kin yun.

"Para sa akin, malakas ang dating mo ‘pag may sense of humor ka.

“Hindi kasi lahat ng tao may humor, e, sobrang konti lang yung may humor na yung nakakatawa talaga.

“Yung iba kasi pinipilit lang, minsan ‘kala nila may humor sila, pero ang corny naman!

“Meron namang tao na kahit yung joke niya ang corny, pero kung paano niya dine-deliver, hindi corny yung dating.

“Pangalawa, ‘pag matalino siya, yung may sense kausap.

“Yung ‘pag pinag-isip mo ng sitwasyon, ’tulad ng tinanong mo siya kung ano gagawin niya kung ganito-ganyan ang sitwasyon…

“Yung na-explain niya nang maayos at nakakagawa ng paraan—yung masyadong malawak yung pag-iisip.

“Isa pa yung presentable naman at malinis sa katawan at simple lang pumorma.

“Ayaw ko sa lalaki yung pa-cute, yung feel na feel niya na guwapo siya.”

Sa showbiz personalities in this generation, sino sa tingin niya yung super hunk at sexy?

“Sa akin ngayon? Iba nga kasi pananaw ko ng sexy, e.

"Kung sa katawan, ang gusto kong katawan na tama lang ay si Zanjoe [Marudo] at Echo [Jericho Rosales].

“Mahilig din kasi ako sa moreno, ayaw ko sa tisoy, nakakasawa kasi ang tisoy, e. Saka, lalaking-lalaki kasi ‘pag moreno, e.

“Pero kung sa personality ang basehan natin, alam mo na ‘yan—si Lloydie.

“Kasi nga talented, may humor, malinis sa katawan… perfect kumbaga.”

So, kung ire-rate niya si John Lloyd, perfect 10 ba siya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nope! Eleven. Sobra-sobra, di ba?”

WORKING TOGETHER. Kung sakali bang ligawan siya ni Lloydie, may chance ba na maging sila?

Sagot ni Kaye, “Ang wini-wish ko at magkaroon ng chance ay magkatrabaho kami uli, kasi after Tabing Ilog, wala pa talaga.

“May more than 10 years na, na hindi kami uli nakapagsama sa proyekto.

“E, during Tabing Ilog days, di pa siya ganun kalalim umarte. How much more ngayon, di ba?

“Kahit MMK [Maalaala Mo Kaya] lang, kahit isang episode lang na palabas, gusto ko lang siya uli makatrabaho.

“Gusto ko kahit isang heavy drama na medyo comedy ang dating... kahit ano.”

ANGELITO. Dahil sa success ng Angelito, nagkaroon ito ng Book 2, ano yung aabangan ng mga manunuod sa Book 2?

“Madadagdagan kami, ‘tapos maraming karakters na papasok.

“May mga istorya na kahit ako, na-shock ako nung nag-storycon [conference] kami, na talaga namang dapat abangan.

“Hindi pa yun, hindi pa yun sa part namin, ha?

“Sa part namin nina Angelito [JM de Guzman] at Rosalie [Charee Pineda], abangan nila kung sa Book 2 ay magkakatuluyan kami ni Angelito.

“At kailangan nilang malaman kung sino si Raffy [John Prats] sa buhay ko [Jenny].

“’Tapos, grabe ang hirap ng tatahakin sa buhay ni Jenny sa Book 2… sobrang bigat! Abangan nila!” sabi ng aktres.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN