Angeline Quinto on the latest "mother" introduced to her: “Nagulat nga po ako bakit ganoon ang naramdaman ko… parang kinabahan nga po ako.”

Angeline Quinto hopes to meet her biological mother soon. She also hopes that her search is over with the appearance of Mrs. Veronica Tolentino who introduced herself as Angeline’s real mother.


Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na hinahanap ni Angeline Quinto hanggang ngayon ang kanyang tunay na ina.

Sa huling guest appearance ni Angeline sa The Buzz, sinabi niya na wala pa siyang nami-meet sa mga nagpapakilala na ina niya.

Hindi pa raw niya nakikita nang personal yung huling nagpakilala kung hindi sa larawan lamang.

Sa The Buzz kahapon, June 17, ipinakita at nakausap si Gng. Veronica Tolentino na nagsasabing siya ang tunay na ina ni Angeline.

THE “TRUTH.” Sa pagharap niya sa The Buzz, ipinahayag ni Gng. Tolentino ang diumano’y tunay na pagkatao ni Angeline.

Ayon kay Aling Veronica, “Si Angeline po kasi, may kaya, maganda rin ang buhay ng daddy niya noong buhay pa.

“Nasa Medical Center sa Mandaluyong ko ‘yan ipinanganak. Ang doktora ko, si Doktora Ponciano, kahit i-verify n’yo.

“’Tapos bininyagan po siya... noong one month siya, birthday ni Daddy niya, bininyagan siya sa Marikina.”

Bakit sa Marikina?

“Kasi, doon kami nakatira, sa may Sta. Lucia.”

Sinabi rin ng nagpapakilalang nanay ni Angeline na ang birthday daw talaga ni Angeline ay August 14, 1991.

At ayon pa rito, Angeli lang ang tunay na pangalan nito at hindi Angeline.

“Ang alam ko na namana sa akin ng anak ko—ilong ko, mata ko, pisngi ko.

“Kasi nga, matanda na ako at may sakit pa ako. Noong bata-bata pa ako, ganyan-ganyan ang ano [ilong] ko noong kabataan ko pa.

“Kahit dito sinasabi, kaso lang, maputi na siya.

“At saka ako, matanda na. Wala nang ngipin. Takot magpabunot. At saka, ang paa ni Angeline, flat-footed. Malambing sa akin.”

ANGELIE’S FATHER. Tatlong taon daw si Angeline noong mamatay ang ama nila at mag-isa nitong binubuhay si Angeline at ang bunso niyang anak na ang pangalan ay RonRon.

Sabi ni Gng. Tolentino, “Nagtrabaho ho ako sa printing press, sa Red Cross, kasama ko ang dalawa kong anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi nga, walang titirhan kami. Hanggang sa naawa sa akin yung Arse—si Jun, dinala ako sa Dau [Pampanga], sa Pamintuan Village.

“Doon ko iniwan ang mga anak ko. Gabi-gabi ho ako umuuwi roon.”

Dumating daw sa puntong nagkasakit siya at halos malumpo kaya hindi na nakauwi sa mga anak.

Nang puntahan na niya ang mga anak na nasa pangangalaga naman ng ina ni Jun sa Dau, nagulat na lang daw siya na wala ang mga anak na dinala raw sa Pangasinan.

“Sabi nila, binenta raw ang mga anak ko kasi wala silang mapakain— matatanda, e.

“Hindi ako nakakauwi, hindi ako nakakapagpadala ng pera.”

ABANDONED CHILDREN. Ang kapitbahay na lang daw niya ang nagsabi na puwede niyang mabawi ang mga anak sa Pangasinan kung matutubos niya ito sa halagang sampung libong piso.

Bukod sa kulang ang nakalap niyang pera, wala ring makapagturo sa kanya ng address na pinagdalhan kina Angeline.

Hanggang sa magkatagpo raw silang muli ni Jun.

“Noong time na magtrabaho na ako, dumating si Jun sa akin. Sabi ko, ‘Jun, nasaan na ang mga anak ko?’

“Ang sigaw niya sa akin, ‘Si Angeline, huwag mo nang hanapin, maganda ang buhay. Sa St. Jude daw nag-aral.

“’Kung nanood ka ng Little Big Star, yung kay Sarah Geronimo daw, nandoon ang anak mo, si Angeline daw.’

“Sabi ko, ‘Paano ko hahanapin, e, tapos na yung kantahan. Hindi ko rin naman nasubaybayan. Nakita ko pero huli na.’”

CONTINUING SEARCH. Nagkasakit daw muli si Gng. Tolentino at umuwi ng probinsiya.

Doon niya nakita si Angeline na kumakanta sa show ni Sharon Cuneta sa Star Power.

“Nakita ko kumakanta sa Sharon, nag-iiyak naman ako. Sabi ko, ‘Panginoon ko, saan ko ba pupuntahan ang anak ko?’

“Sabi, sa Sampaloc daw. Sabi ko, ‘Hindi rin naman siguro ako basta-basta... at saka naaawa rin ako sa nanay-nanayan niya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MESSAGE TO ANGELINE. Sabi ni Aling Veronica, hangad niya na maiparating kay Angeline ang kanyang mensahe.

“Ipinangako ko nga sa kanila na hindi ako magpapa-interview. Baka masira ang career ng anak ko. Gusto kong magtagumpay [siya].

“Kaso lang, wala naman akong magawa. Matanda na ako at may sakit.

“Baka mamatay ako, hindi ko man lang maipaliwanag sa mga anak ko ang nangyari.

“Sa totoo lang, hindi ko sila pinabayaan at hindi ko sila ibinenta. Hindi ako after ang pera niya.

“Gusto ko lang po talagang ipaliwanag na hindi ko siya binenta. Hindi ko sila pinabayaan.”

DNA TEST. Nakahanda rin si Aling Veronica na magpa-DNA test.

“Magpa-DNA test ako kung kailangan. Basta ako ang magbigay ng buhok naming mag-ina kung kailangan.

“Basta ako ang magbigay ng buhok naming mag-ina. One hundred percent anak ko si Angeline.”

Ayon pa rito, “Anak, Angeline, mahal kita anak. Hinihiling ko na makita ko man lang kayo ng kapatid mo.

“Huwag mo namang ipagkait sa akin, matanda na ’ko. Na kahit ipa-DNA test mo ko, anak ko kayo’”

DIFFERENT VERSIONS. Tinanong ng The Buzz si Angeline kung may naramdaman siyang kaikaiba o nakita niya ang pagkakahawig nila ng nagpapakilalang ina niya.

“Opo. Nagulat nga po ako noong sinabi sa akin nila Ma’am Kate.

“Nagulat nga po ako bakit ganoon ang naramdaman ko… parang kinabahan nga po ako.

“’Tapos, kung papansinin po, parang magkahawig po ang mata namin saka ilong," sabi ng singer.

Ayon kay Angeline, kakaiba ang bersiyon ni Aling Veronica na alam niya mula sa kinilalang nanay na nagpalaki sa kanya.

“Medyo po kasi, taga-Pangasinan po kasi ang umampon sa akin at yung ibang kamag-anak ko po, nasa Pangasinan din.

“Kumbaga, yun po kasi ang probinsiya namin.”

May kilala ba si Angeline na “Jun” sa buhay nito?

“Parang may naririnig po ako noong bata ako, pero hindi ko na maalala talaga, e. Hindi ko na matandaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero familiar sa akin ang pangalang Jun po.”

Ayon sa nagpapakilalang ina niya, flat-footed daw siya?

“Ako po? Kapatid ko po ang flat-footed. Ako po? Parang hindi naman po, ano [flat-footed].

Ikinatuwa naman ni Angeline na payag magpa-DNA test ang nagpapakilalang ina niya.

“E, di mabuti po. Kung magpapa-DNA test siya, e, siyempre, gusto ko rin naman yun.

“Kumbaga, ayoko na pong palampasin ang pagkakataon na ito na, kumbaga, ang tagal ko na pong hinahanap ang tunay kong nanay.”

“REAL” MOTHER. Tinanong din si Angeline, na naluluha na, kung paano na ang kinikilala niyang nanay?

“Wala naman pong mababago sa amin. Naiiyak ako, ha.

“Kung sakali man po na siya ang tunay kong nanay, sa pamilyang nagpalaki sa akin, wala naman pong mababago do’n.

“At saka, hindi ko naman po hahayaan na masaktan si Mama. Hindi naman niya alam lahat ng ito.

“Yun nga po ang ikinakatakot ko, may pacemaker kasi ang nanay ko sa puso. Baka kung ano mangyari ‘pag nalaman niya ‘to.

“Pero alam ko naman po na maiintindihan yun ng tatay ko, ng lola ko, at saka ni Mama ko.

“Alam naman po nila na bata pa lang ako, yun na ang gusto ko—malaman kung nasaan ang tunay kong nanay.

“Basta makilala ko lang ang tunay kong nanay. Yun lang naman po ang kailangan ko at palagi kong dinadasal.

“Bukod pa sa mabuo yung pamilya ko, makilala ko na ang tunay kong nanay.”

HOPING AND PRAYING. Sa kabila ng usap-usapan na patay na ang tunay niyang ina, nagbigay pa rin ng mensahe si Angeline sa nagpapakilalang ina niya.

“Kay Ms. Veronica Tolentino po, nagpapasalamat po ako kasi nandiyan kayo. Kahit po hindi pa tayo nagkakakilala.

“Kung alam n’yo lang po kung gaano ako ka-excited na makilala kayo sa personal.

“Ipagdadasal ko po yun na sana nga po, kayo yung tunay kong nanay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung sakaling kayo nga po ‘yan, e, huwag po kayong mag-alala. Hindi ko naman kayo pababayaan po.”

At sa ina naman na nagpalaki sa kanya: “Kay Mama ko, huwag kang mag-alala.

“Kung anuman ang mangyari rito, hinding-hindi naman po magbabago ang pagmamahal ko sa inyo… ang pakikitungo ko sa inyo.

“Kasi, sobrang laki ng utang na loob ko sa nanay ko ngayon, kay mama nga.

“Kung hindi dahil sa kanya, wala naman po ako dito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN