Part 1. Carmina Villarroel on interviewing BB Gandanghari: “Kung mangyayari, mangyayari yun, di ba?"

Carmina Villarroel (left) on BB Gandanghari (right): “Sa akin, kung ano talaga ang makakapagpaligaya sa kanya, maligaya na rin ako. Ako naman, nagpapasalamat ako na wala siyang sinasabing masama against me, puro nice words naman. Nararamdaman ko naman talaga na masaya talaga siya for me.”


Magkasama sa cast ng bagong primetime series ng ABS-CBN na Lorenzo’s Time sina Carmina Villarroel at Rommel Padilla.

Si Rommel ay kapatid ng dating asawa ni Carmina na si Rustom Padilla, na kilala na ngayon bilang si BB Gandanghari.

Sa presscon ng Lorenzo’s Time kagabi, June 21, sa 14th floor ng ELJ Building, ABS CBN compound, isa sa naging sentro ng usapan ay kung hindi ba nagkaroon ng ilangan sa pagitan nina Carmina at Rommel ngayong magkasama sila sa isang proyekto.

Sabi ni Carmina sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nang tanungin tungkol dito, “Wala lang. Nung nalaman ko na kasama si Rommel, ang sabi ko lang, ‘A, talaga?’

“Wala lang siya sa akin kasi wala naman kaming problema.

“Kahit sino sa kapatid niya [BB] ang makita ko, hindi ako maiilang or para akong magiging uncomfortable.

"Kasi, kumbaga, wala, e. Parang I’m happy to see him.”

Napag-usapan ba nila ni Rommel ang kapatid na si Rustom/BB?

“Hindi, e, kasi parang walang pagkakataon.

“Kasi every time na nagte-tape kami, laging kami nang kami, sabak nang sabak.

“’Tapos bago pa, nakatuon sa script, nagme-memorize.’’

NOT READY YET? May balitang dapat sana ay magge-guest sa showbiz talk show na Showbiz Inside Report si BB, pero hindi ito natuloy dahil hindi pa raw handa si Carmina—isa sa mga host ng programa—na harapin ang dating asawa at may sama pa raw siya ng loob dito.

“Oh, my gosh!” nagulat na reaksiyon ni Carmina.

“Very vocal nga ako na nanawagan pa ako na gusto ko siyang ma-interview.

“Kung may sama ako ng loob, hindi na ako mananawagan dati, di ba, at magiging vocal na it’s okay. Puwede rin akong magpalusot na busy ako.

“Hindi ako magiging ganito ka-happy, hindi ako makakapag-move on nang sobra kung mayroon pang hurt feelings.

“Pero wala na talaga.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Diin pa ni Carmina, lagi siyang bukas upang interbyuhin si BB.

“Okay lang naman na mai-interview ko si BB, kasi parang iniisip ko, ibang tao ang makakausap ko, ang makakaharap ko.

“Hindi ko talaga siya pinaghahandaan, ayoko kasi talaga siyang planuhin.

“Kung mangyayari, mangyayari yun, di ba?

“Kung ayaw ko o pigilan ko man, kung mangyayari, mangyayari siya.

“Ang gusto ko lang, maging spontaneous.”

BB AND ZOREN. Na-interview na ng partner ni Carmina na si Zoren Legaspi si BB sa TV5 showbiz talk show na Paparazzi ilang linggo na ang nakalilipas.

Tinanong ng PEP si Carmina kung nagpaalam ba si Zoren sa kanya at ano ang reaksiyon niya na mas nauna pang ma-interview ng present partner niya ang kanyang ex-husband.

“Hindi naman nagpaalam… nagsabi lang sa akin si Zoren na iinterbyuhin nga raw niya.

“Ako naman, ang sabi ko lang, ‘Okay, go!’

“Siguro sa iba, big deal siya. Pero para sa amin, wala, e.

“Siguro kaya rin ginawa ni Zoren yun para matapos na rin.

“Parang pagkatapos ng interview, ‘Ano bang nangyari? Finished na, tapos na.’

“Ako, sa akin, wala namang issue yun kasi si Zoren naman yun, hindi naman ibang tao.

“Nagkataon lang siguro na yun ang sabi ng Diyos, ayaw naman nating ipilit.

“Kung talagang hindi pa, baka talagang hindi pa.”

Sa interview ni BB kay Zoren ay inamin nito na si Carmina ang unang pinagsabihan niya tungkol sa tunay niyang pagkatao.

Ayon din kay BB, nawala man siya ay nakita naman ni Carmina ang totoong magmamahal sa kanya at kasamang bubuo ng pamilya—si Zoren.

Ano ang reaksiyon dito ni Carmina?

“Before naman siyang sumali ng PBB, umamin na siya sa akin.

“Sa akin, kung ano talaga ang makakapagpaligaya sa kanya, maligaya na rin ako.

“Ako naman, nagpapasalamat ako na wala siyang sinasabing masama against me, puro nice words naman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nararamdaman ko naman talaga na masaya talaga siya for me.”

Magsasama rin sa isang fantaserye ng TV5 sina Zoren at BB, bagay na hindi naman tinututulan ni Carmina.

Aniya, “Fantasy daw, e, pero hindi naman daw nalalayo sa reality.

“Walang problema sa akin kasi kung okay kay Zoren. Okay sa kanya, e, di okay din sa akin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN