Part 1. Rommel Padilla on "brother" BB Gandanghari: "Pag tinawag mo siyang Rustom, hindi ka niya papansinin."

“Oo, kasi yun na siya, e. Ang inaalala ko, kung ano yung magiging ano niya sa Itaas. Pero ako, bilang tao, hindi ko naman siya puwedeng husgahan, e. Kung saan siya maligaya, susuportahan namin siya,” says Rommel Padilla when asked if he has accepted brother Rustom as BB Gandanghari.


Unang pagkakataong magsasama sa isang teleserye sina Rommel Padilla at ang dati niyang hipag na si Carmina Villarroel via Lorenzo’s Time, na mapapanood sa ABS-CBN Primetime Bida simula sa Hulyo 2.

Kuya kasi si Rommel ng dating asawa ni Carmina na si Rustom Padilla, na ngayon ay mas kilala bilang si BB Gandanghari.

Sa presscon ng Lorenzo’s Time kagabi, June 21, sa 14th floor ng ABS-CBN ELJ Building, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rommel kung ano ang pakiramdam na katrabaho niya ngayon si Carmina.

Aniya, “Siyempre, masayang-masaya ako. Kinabahan ako nung first day namin.

“Hindi naman yung kinabahang ano… kumbaga, yun bang siyempre nagkita-kita ulit after ‘mamatay’ si Rustom.

"Sasabihin ko sana, ’Bakit hindi ka nakipaglibing?’” pabirong sabi ni Rommel habang nakatingin kay Carmina.

Ang ibig niyang tukuyin ay ang sinabi ni BB Gandanghari noon na hindi na siya si Rustom dahil "patay" na si Rustom.

Singit naman ni Carmina, “Yun nga sasabihin ko sana, ’Bakit hindi n’yo ako inimbita?’ Hindi rin pala kayo nakapunta. Wala ring presence.”

Dagdag pa ng TV host-actress, matagal na silang magkaibigan ni Rommel at hindi ito nawala magpahanggang ngayon.

"Kuya" pa rin nga ang tawag niya kay Rommel at okay raw si Carmina sa buong Padilla family.

Pagkatapos ng presscon ay nakausap pa ng PEP si Rommel at tinanong kung ano ang hinahangaan niya kay Carmina.

Ayon kay Rommel, “Si Carmina, mabait ’yan, e, maalalahanin at sweet. Pag nagkikita kami niyan, di ‘yan nakakalimot bumati at mangumusta.

“Kaya masaya ako na magkasama kami rito sa Lorenzo’s Time.”

BB GANDANGHARI. Dahil nabanggit na rin naman niya si BB Gandanghari, natanong na rin ng PEP si Rommel tungkol sa kapatid.

Lumabas kasi ang balita na hindi pa okay ang kapatid nilang si Robin at BB. Hindi pa raw kasi tanggap ni Robin ang pagpapalit-anyo at pangalan ni Rustom na naging BB.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero paglilinaw ni Rommel, “Actually, hindi naman sila magkaaway.

"Nagkaroon kami ng party, e, dumating si BB. Nag-party kami doon kina Robin. Alam ko okay sila.

“Siguro nagkaroon lang sila ng konting problema doon sa dapat naming gagawing trabaho.

"Meron sana kaming gagawing project pero hindi nag-work out. Yun lang.

"Pero sa personal, bilang magkapatid, wala naman.”

Ano ba ang naging reaksyon niya noong una niyang malaman na “namatay” na si Rustom at ang “nabuhay” ay si BB?

“Naku, nahulog ako sa silya noon!” biro ni Rommel.

Napanood ba niya ang ang pag-a-out o paglaladlad noon ni BB sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition?

“Oo, napanood ko yun, yung nadapuan siya ng paruparo. Ang sinisi ko roon, yung paruparo!” biro ulit niya.

Noon ba ay may duda na sila kay Rustom tungkol sa kanyang sexual preference?

“Alam mo, noong childhood days namin, kasama ko iyan all the way sa San Sebastian, sa Angelicum—puro school for boys ang pinuntahan namin.

“Nakita ko kay Rustom noon, wala, e. Pero nandun yung medyo feminine siya gumalaw, studious, puro aral.

“Pero hindi namin inisip na ganun siya. Kasi pinagboboksing namin. Isinasama namin sa kakulitan.”

Tanggap niya ba ngayon si BB?

“Oo, kasi yun na siya, e. Ang inaalala ko, kung ano yung magiging ano niya sa Itaas.

“Pero ako, bilang tao, hindi ko naman siya puwedeng husgahan, e. Kung saan siya maligaya, susuportahan namin siya.”

BB na rin ba ang tawag niya sa kapatid?

“BB na, kasi pag tinawag mo siyang Rustom, hindi ka niya papansinin. ’Patay na si Rustom,’ sasabihin niya kaagad.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN