Nora Aunor mourns death of Mario O’Hara; the director’s last wish was to be cremated

Superstar Nora Aunor has the privilege of working numerous times with writer-director-actor Mario O’Hara, who passed away earlier today, June 26. The late director’s last major work was Nora’s mini-serye on TV5, Sa Ngalan ng Ina.


Unang naiparating sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang pagyao ng veteran director, writer, and aktor na si Mario O’Hara kaninang dakong 12:30 ng tanghali, June 26, sa pamamagitan ng text message, mula sa personal manager ni Nora Aunor na si Boy Palma.

"Iniwan na tayo ni Direk Mario... wala na siya," malungkot na mensahe niya.

Kaugnay ng mensahe ni Boy ay ang sumunod na pag-uusisa namin hinggil kay Ate Guy (palayaw ng Superstar).

Kumusta si Ate Guy? How is she taking her good friend’s death?

Higit sa pagiging long-time director—na siyang dahilan ng naging marked improvement ng Superstar sa larangan ng pag-arte mula nang mag-collaborate sila sa klasikong war drama na Tatlong Taong Walang Diyos (1976)—si Direk Mario at ang buong angkan nito ay pamilya rin ang pagtuturing kay Ate Guy.

Kaya sa panahon ng pagkaka-confine ni Direk Mario—mula June 15 hanggang sa pagyao niya kanina, June 26—hindi pinagbawalang bumisita sa kanyang direktor si Nora.

Sa San Juan De Dios Hospital sa Pasay City na-confine si Direk Mario sanhi ng leukemia.

Nasa kanyang condo unit sa Eastwood City si Ate Guy nang makarating sa kanya ang balita. Agad na pumunta doon si Boy para bigyan ito ng moral support.

"Hindi ko pa makausap. Sobrang apektado," sabi naman ni Boy nang kumustahin ng PEP si Ate Guy.

"She’s really down. Iyak lang nang iyak, wala nang boses.”

Ang huling major work ni Direk Mario ay ang mini-serye ni Nora sa TV5 na ipinalabas noong isang taon—ang Sa Ngalan Ng Ina.

Bukod dito at sa Tatlong Taong Walang Diyos, ang iba pang kolaborasyon nina Direk Mario at Nora ay ang mga sumusunod: Kastilyong Buhangin (1980), Bakit Bughaw ang Langit? (1981), Gaano Kita Kamahal (1981), Condemned (1984), at Bulaklak Sa City Jail (1984).

THE VISIT. Ayon kay Boy, dalawang araw silang dumalaw ni Nora kay Direk Mario—noong June 19 at 20.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nung second day [June 20], nagpasalamat sa akin si Direk sa lahat ng pinagsamahan namin..." banggit niya.

Noong Huwebes, June 21, tinawagan ng PEP si Boy para alamin ang iba pang kaganapan hinggil sa pagkakaospital ni Direk.

Ayon sa kanyang ina, na siyang nakausap ng PEP, nagmamadali si Boy dahil may healing mass na gaganapin para kay Direk Mario sa TV5 office in Broadway Centrum, Quezon City.

Ang ina ni Boy ay ang dating aktres sa LVN Pictures na si Lilia Palma. Pinaka-memorable movie raw niyang pelikula noon ang Ina Ng Awa, kasama ang mga beteranong sina Rosa Aguirre at Jose Padilla.

Sabi ni Mommy Lilia, "Ayun nga, dumalaw sina Boy at Guy kahapon, e, nag-iiyakan daw sila doon.

“Sabi ni direktor Mario, ’Pag namatay ako, wag na kayong iiyak...’"

Ito rin nga ang muling binanggit ni Boy sa kanyang mensahe na nai-share sa PEP.

"Siyempre, bumigay ako, parang bata, iyak ako," wika ni Boy.

"Sabi niya, ’wag daw akong umiyak at ‘wag kong iiwan at pabayaan si Guy.

“’Yon na pala last na pagkikita namin."

AT TONY ESPEJO’S WAKE. Maging kagabi, June 25, sa memorial services para sa yumaong stage director at Gantimpala Theater Foundation head na si Tony Espejo, ang tungkol din sa kalagayan ni Direk Mario ang isa sa mga pinag-uusapan.

Ito ang huling lamay para sa namayapang haligi ng teatro.

Dumalo sina Frank Rivera, longtime screenwriter-director-friend ni O’Hara, at Dante Balois, isa ring kaibigang character actor ng director.

Ang dalawa’y may pahintulot din mula sa pamilya O’Hara na dumalaw at magbantay sa direktor habang naka-confine sa ospital.

Sa kabila ng napaulat na magandang balitang pag-respond ng katawan ni Mario sa chemotherapy, ayon sa kapatid nitong si Jerry O’Hara, malungkot pa rin ang balitang inihatid ni Frank sa mga naroong kaibigan ni Direk Mario.

‘Tulad ni Joel Lamangan, ang kapwa direktor ni O’Hara sa pelikula at maging sa teatro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

As relayed to Lamangan, sabi ni Frank: "Mahirap [sa sitwasyon ni Mario], kasi hindi siya puwedeng salinan ng dugo. Bawal sa religion niya. Now he’s undergoing dialysis..."

Katulad ng kanilang ina, na nasa 80 mahigit na ang edad, aktibong miyembro ng relihiyong Jehovah’s Witness si Direk Mario.

Bilang elder member, isa rin sa mga spiritual leaders ng nasabing sekta si Mario. Nagtuturo rin siya ng mga aral na panrelihiyon sa iba pang miyembro.

At ang isa sa mga aral ng kanilang relihiyon ay ang hindi pagpapahintulot na sumailalim sa blood transfusion ang maysakit.

Bagay na ikinalungkot naman ni Direk Joel.

Sabi ng direktor, "E, paano yun? May leukemia siya, so kailangang-kailangan ng blood transfusion."

Sa puntong ’yon ay nai-suggest ni Direk Joel kay Frank, "Itago n’yo na lang kaya? Salinan siya ng dugo ’pag tulog siya..."

Na imposible namang mangyari nang hindi malalaman ng maysakit, kaya napailing na lang si Frank, na naghandog ng madamdaming pagtula para sa namayapang si Espejo.

Nakakalungkot na ilang oras mula noon, o matapos lamang maihatid sa kanyang huling hantungan si Tony kaninang umaga sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque, ay ang pagyao naman ni Direk Mario sa ganap na ika-12:30 ng tanghali.

FINAL WISHES. "Hindi siya maaaring makita. Yun ang wish ni Tito Mario," sabi ni Paolo O’Hara sa PEP.

Pamangkin ng namayapang direktor si Paolo; panganay na anak ni Jerry O’Hara.

Malungkot ang buong pamilya O’Hara sa pagyao ni Mario, kasunod ng isa pa niyang kapatid na lalake—ang manunulat na si Edwin O’Hara na namatay sa Amerika ilang taon na ang nakararaan.

Ibig sabihin ni Paolo, walang wake na magaganap o walang public viewing ng mga labi ni Direk Mario.

Nais daw ma-cremate ni Direk Mario at gaganapin ang cremation sa isang undisclosed crematorium.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngayong araw din ba gaganapin ang cremation?

"Malamang," pagkumpirma ni Paolo.

"’Tapos yung viewing [of ashes], i-schedule na lang. Doon mag-iimbita na kami ng mga kaibigan."

Nais ng namayapang direktor na magkatipun-tipon ang kanilang pamilya sa sandali ng kanyang cremation.

May isa pang kapatid na babae sina Mario at Jerry na nagbalik-bayan mula sa Amerika.

Malaking pamilya ang mga O’Hara kaya na-anticipate ni Direk Mario ang discomfort ’pag sabay-sabay na magsasama sa okasyon ang mga direktang kapamilya at mga kasamahan at kaibigan niya mula sa iba’t ibang larangang naging bahagi siya.

Ito rin ang ipinanghihingi ng paumanhin ng pamilya O’Hara, sa pamamagitan ni Paolo.

"Pasensiya na, last wish ’yon ni Tito Mario, e," sabi niya.

Samantala, ang kasabihang "the show must go on" ay posibleng maging applicable sa mga artistang kaanak ni Direk Mario.

Pawang mga artista sa teatro, telebisyon, at pelikula sina Paolo at mga magulang na sina Jerry at Peewee O’Hara.

Katunayan, bahagi sila ng magbubukas na 8th Virgin Labfest bukas, June 27, sa Tanghalang Huseng Batute sa Cultural Center of the Philippines.

Si Paolo ang direktor ng dulang Kawala (Revisited entry) na isinulat ni Rae Red; at dalawa sa major characters dito ang ginagampanan ng mag-asawang Peewee at Jerry.

Sa Linggo, July 1, naitakda ang showing ng dula sa Tanghalang Huseng Batute ng CCP.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN