Mario O’Hara’s family members recall last moments with the late actor-writer-director

Mario O’Hara, a prolific writer, director, and actor, passed away Tuesday, June 26, from cardiac arrest due to complications of leukemia.


Kahapon, June 26, nai-cremate ang mga labi ng yumaong manunulat, director, at aktor na si Mario O’Hara, matapos siyang pumanaw sa ganap na ika-12:30 ng tanghali, sanhi ng cardiac arrest dahil sa malubhang sakit na leukemia.

Sa San Juan de Dios Hospital sa Pasay City binawian ng buhay si Direk Mario. Siya ay 68 years old.

Sa Loyola Memorial Chapels and Crematorium, dakong ika-7 ng gabi, isinagawa ang cremation na dinaluhan ng mga kaanak ng direktor.

Last wish ni Direk Mario ang mai-cremate ang kanyang mga labi; hindi para sa public viewing. At sinunod ’yon ng kanyang itinuturing na immediate family.

Dakong ika-10 ng gabi, ang urn na nasa ceramics vase ay dinala sa St. Alphonsus Maria De Ligouri Parish (Chapel B) o Magallanes Church sa Magallanes Village, Makati City.

Ito ay para sa wake na nagsimula kagabi at magtatapos sa pamamagitan ng isang tribute among Mario’s family, friends, and industry colleagues sa Friday, June 29.

As he breathed his last, nasa tabi ni Direk Mario ang buong pamilya ng kanyang nakababatang kapatid na si Jerry O’Hara, isa ring aktor at direktor— ang maybahay nitong si Peewee O’Hara, isang aktres at propesora; at mga pamangking sina Paolo, ang kambal na sina Denise and Janice O’Hara; at Heber O’Hara, ang youngest teenage nephew na anak-anakan ni Direk Mario.

Lagi ring nagbabantay sa direktor ang kanyang personal assistant na si Alan Magbojos; siya ring umaalalay kay Direk Mario sa taping set, ‘tulad sa Sa Ngalan Ng Ina para sa TV5.

Sa naiwang tahanan, nanatili ang 90-year-old mother ni Direk Mario na si Basilisa O’Hara, sa pag-aalaga ng isang matapat na kasambahay.

Tubong Zamboanga na lumaki sa Pasay City ang namayapang direktor.

Mayroon pang dalawang kapatid na babae sina Mario at Jerry, named Lorna and Ellen O’Hara; ang una’y galing ng Amerika at nagbalikbayan, sanhi ng pagkakasakit ng kanilang Kuya Mario; si Ellen ay katuwang sa pagtanggap sa mga bumisita sa unang gabi ng pag-aalaala sa yumao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NORA’S OFFER OF SUPPORT. Sa pakikipag-usap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jerry kagabi, nanatili itong matatag sa gitna ng hindi inaasahang mabilis na pagpanaw ng kapatid.

Earlier, na-interview ng PEP si Jerry at sinabi nitong nagre-respond nang mabuti si Mario sa isinasagawang chemotherapy, as of June 21, limang araw bago pumanaw si Mario.

Aniya, "Totoo naman yun, maganda ang pag-respond niya sa chemotheraphy.

“Nakakakain na nga siya, yung apetite niya, magana.

“Kahapon [June 25] lang kumain na siya ng solid, nagpaluto siya ng morcon. Noong una, soft diet lang siya.

"E, bumaba ang hemoglobin niya, kaya ang tendency, nahirapan na siyang huminga kaya na-cardiac arrest na siya."

Hindi rin inilihim ni Jerry ang pagmamagandang-loob ni Nora Aunor, a longtime friend of the O’Haras; partikular si Direk Mario na nakatrabaho ni Ate Guy sa siyam na pelikula, isang mini-serye, at di-iilang drama anthology episodes.

Pero ayon din kay Jerry, "Umalis na raw kasi si Ate Guy kanina papuntang Boston. Inaantay ko nga siya sa ospital, nagpasabi na lang kay Boy."

May scheduled flight si Ate Guy kahapon papuntang Boston, Massachusetts para sa kanyang throat operation.

SILENT MOURNERS. Pareho ang pahayag nina Jerry at ng anak na si Janice tungkol sa maayos na pagyao ni Direk Mario.

Matindi man ang karamdaman, hindi gaanong namroblema ang pamilya sa mga gugugulin sa pagpapagamot.

"Kaya naman niya at hindi rin namin siya pababayaan [kung sakali]," wika ni Janice.

Si Janice, ‘tulad ng kakambal niyang si Denise, ay regular writer ng mga ABS-CBN teleplays, ‘tulad ng upcoming teleseryeng Little Champ na bida sina Senator Lito Lapid at bagong child actor.

Si Denise naman ay headwriter ng afternoon series na Be Careful With My Heart; at nagsulat para sa mga teleseryeng idinirek ni Jeffrey Jeturian, ‘tulad ng Rosalka, Juanita Banana, at Mundo Man Ay Magunaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bilang manunulat, na ‘tulad ng kanilang Tito Mario, sabi ni Janice, "He’s such a big factor in our lives, especially since we’re from the same field.

"Definitely, nando’n yung influence. I’ve been watching his films, reading his scripts, and learn so much from them."

Wika naman ni Denise, "He didn’t force us [to become a writer], pinabayaan lang niya kami with our decision.

"Ako nga, mula nang mapasok ako sa ABS-CBN, nawalan na ako ng buhay, but it’s okay..."

Sambit ni Janice, "Hindi niya kami tinuruang magsulat, na inupuan niya kami, ’O ganito...’ But he encouraged us na magbasa.

"I think it will be a long time bago kami makaka-move on."

Hindi naman malilimutan ni Peewee ang mga huling sinambit sa kanya ni Direk Mario.

"Pinatawag niya ako nang malaman niyang may sakit siya.

"’Peewee, halika dito... ang tagal-tagal na ng pinagsamahan natin, pero gusto kong malaman mo na masaya ako, na kayo ang pamilya ko.’

"Sabi ko sa kanya, ’Kung ano ang mga anak ko ngayon, you’re a big part of it.

“Kung ano kami ni Jerry ngayon, yung relationship namin, you’re a big part of it.’

"He’s not only a brother-in-law to me, he’s like a father to my children. As an older brother, mahal na mahal niya si Jerry..."

Sa mga naiwang pamangkin, ang bunsong si Heber ang naging anak-anakan ni Direk Mario.

"Si Heber ang pinaka-devastated," sabi ng kanyang Daddy Jerry.

Pero sa ospital, na palaging nagbabantay ang teenaged nephew, lagi raw sinisita nang pabiro ni Direk Mario si Heber.

"’O, bakit hindi ka na naman pumasok... pumasok ka na bukas,’" pag-command daw ni Direk Mario sa pamangking nasa unang taon sa kolehiyo sa UST.

Ang panganay na pamangkin ni Direk Mario, si Paolo, ay graduate ng kursong BS Mathematics, pero pinili ang career bilang stage actor (at pagtuturo on the side).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Direk Mario ang nagrekomenda kay Paolo nang magsabi ito ng hangaring maging stage actor din, through Tanghalang Pilipino (TP); pero sa kundisyong magtatapos muna siya ng college.

"Si Tito Mario, pinag-workshop niya ako sa Tanghalan... kay Nonon Padilla [head ng TP]," pagtukoy ni Paolo.

Ano ang mga huling salita at habilin ni Direk Mario kay Paolo, habang nasa ospital?

"Ah... ’umuwi ka na’...’" biro niya.

As eldest nephew, si Paolo ang masasabing naging "tagapagmana" ni Direk Mario ng nakahiligang pag-arte sa entablado, telebisyon, at pelikula.

TRIBUTE. Sa Biyernes, June 29, ay nakatakdang magtipun-tipon ang mga kaibigan ni Direk Mario mula sa industriya (ng radyo, telebisyon, pelikula at tanghalan) para sa isang pag-aalaala sa yumao.

Mauuna ang gathering ng mga miyembro ng relihiyong Jehovah’s Witness na dito kabilang si Direk Mario, hanggang sa huling sandali, tulad ng kanyang inang si Mommy Bessie.

"’Tapos, iuuwi muna namin sa bahay yung ashes," sabi ni Jerry.

Nasa iisang compound ang mga O’Hara sa Brgy. Bangkal, Makati City.

Bilang alagad ng sining, naging bantog si Mario bilang manunulat.

Una, sa mga dulang panradyo simula noong 1960s, at mga stage plays at pelikula simula noong ’70s.

Naging aktor din siya sa entablado at pelikula, na ang karamiha’y idinirek ng National Artist na si Lino Brocka; ‘tulad ng Santiago (1971), Tubog Sa Ginto(1971), Stardoom (1972), Tatlo, Dalawa, Isa ("Bukas, Madilim, Bukas" episode) (1974), Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974), at Gumising Ka, Maruja (1978).

Kabilang sa mga stage plays na naging markado ang pagganap ni Mario ay ang Kabesang Tales (1975) at Flores Para Los Muertos (1978) ng PETA; at nitong nakaraang dalawang taon, ang Tatlong Mariya at American Hwangap ng Tanghalang Pilipino (TP), noong 2010.

Nagkamit ng parangal si O’Hara bilang Best Actor in a Featured Role para sa Tatlong Mariya, idinirek ni Loy Arcenas; at Best Lead Actor para sa American Hwangap, directed by Chris Millado, sa 3rd Philstage Gawad Buhay Awards.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa Oktubre, magiging makabuluhang tribute kay Direk Mario ang itatanghal na musical ng Tanghalang Pilipino, ang Stage Show, na pinakahuling dulang sinulat ni Mario para sa entablado.

Sa pelikula, naging ganap na direktor at filmmaker si Mario sa pamamagitan ng Mortal (1976), his debut film; at Tatlong Taong Walang Diyos (1976), ang klasikong pelikulang nagbigay ng major acting awards kay Nora Aunor.

Bukod sa Tinimbang Ka Ngunit Kulang, na siya ang screenwriter, ang iba pang mga obra na napagkilanlan sa pagiging henyong manunulat at direktor ni Mario ay ang mga sumusunod:

Insiang ni Brocka (as co-writer); Bakit Bughaw Ang Langit (1981), Bulaklak Sa City Jail (1984), (1984), Bagong Hari (1984), The Fatima Buen Story (1994), Sisa (1999), Babae Sa Breakwater (2003), a Cannes Filmfest Directors’ Fortnight entry and one of Urian’s Best Films of the Decade; at Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio (2010), sa Cinemalaya Independent Filmfest (Directors’ Showcase) entry, ang huling pelikula ni Mario O’Hara.

Sa mga parangal na naigawad kay Mario, ang pinakahuli ay ang Lifetime Achievement Award na kaloob ng Cinema One Originals noong November 2011.

Kasabay na pinarangalan ni O’Hara si Nora, para sa kanilang mga natatanging kontribusyon, bilang mga pioneer at tagapagsulong ng sining ng independent o "indie" filmmaking sa industriya ng pelikulang Pilipino.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN