Carl Guevara not rushing to get Kris Bernal’s "yes"

Carl Guevara on status of his courtship with Kris Bernal: “Okay naman. Hindi naman niya ako nire-reject. Nararamdaman ko yun. Basta masaya ako. Binibigyan niya ako ng oras kahit papaano.”


Namataan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na magkasabay umalis sina Carl Guevara at Kris Bernal sa grand launch ng YES! 2012 100 Most Beautiful Stars kagabi, July 2, sa Grand Ballroom ng Richmonde Hotel sa Eastwood, Libis, Quezon City.

Parehong kasama sa listahan ng 100 Most Beautiful Stars this year ang dalawang Kapuso stars.

Hindi magka-loveteam sina Carl at Kris sa Kapuso network, pero napag-uusapan silang dalawa ngayon dahil sa pag-amin ng young actor na nanliligaw siya sa young actress.

Nang makausap ng PEP si Carl pagkatapos ng presscon, kinumusta namin sa kanya kung ano na ang lagay ng panliligaw niya kay Kris at kung nag-level up na ba ito.

Sagot ng model turned actor, “Sa akin, ganoon pa rin. Talagang kinikilala pa namin ang isa’t isa.

“Siyempre, mahirap naman kung mamadaliin mo ang mga bagay-bagay. Mas maganda kung seryoso.”

Hirit naman namin kay Carl, ang ibig bang sabihin nito ay ayaw muna niyang sagutin siya ni Kris?

“Puwede rin!” tawa niya.

Pero paliwanag niya, “Siyempre, gusto ko rin naman to take time at mas masarap din naman kapag galing sa hirap.

“Kapag nakuha mo, ayos yun.”

Masaya naman daw si Carl sa nakikita niyang pagtanggap ni Kris sa panunuyo niya.

“Okay naman. Hindi naman niya ako nire-reject. Nararamdaman ko yun.

“Basta masaya ako. Binibigyan niya ako ng oras kahit papaano.”

AKYAT NG LIGAW. Napag-alaman ng PEP na hindi pa pala nakakaakyat ng ligaw si Carl sa bahay mismo nina Kris.

Natatakot ba siyang umakyat ng ligaw sa bahay ng Kapuso actress?

“Hindi ako natatakot kasi seryoso naman ako. Tuma-timing lang ako.

“Siyempre, kailangan namang lahat ng bagay, may timing, di ba?” sagot ng binata.

Hindi pa raw nakikilala ni Carl ang mga magulang ni Kris, pero nakilala na raw niya ang mga kapatid ng dalaga.

Masaya siya ngayon?

“Happy, oo,” mabilis na sagot ni Carl.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Unang-una, okay sa family ko na manligaw sa kanya. Parang okay naman sa lahat.

“Nandoon ang support. Walang kailangang itago. So, masaya.”

PARTNER ON SCREEN. Kung sakali at pagsamahin o pagtambalin sila ni Kris sa isang show ng GMA-7, bilang pareho silang Kapuso, siguradong magiging masaya raw si Carl.

“Kaya lang, noong nagkasama kami sa Last Prince, natatawa siya sa akin kapag may eye contact kami noon.

“Ewan ko kung ano nakakatawa sa mukha ko!” natatawang sabi rin niya.

Yun nga lang, kung si Carl ay kasalukuyang ginagawa ang Hindi Ka Na Mag-iisa, si Kris naman ay malapit nang magsimula ng pagtatambalan nilang teleserye muli ni Aljur Abrenica—ang Sana Dalawa Ang Puso Ko.

Hindi ba siya nakakaramdam ng kaba na sa pagkakataong ito ay magka-debelopan na sina Kris at Aljur na matagal nang magkatambal?

“Hindi naman,” sagot ni Carl.

“Unang-una, bakit ako maaapektuhan, trabaho lang naman ’yan.

“Saka, wala naman akong karapatang magalit kasi magkaibigan lang kami.

“Ikaw ha, nanghuhuli ka pa!” hirit niya sa amin.

BEAUTIFUL. Samantala, labis ang pasasalamat ni Carl na nakasama siya sa 100 Most Beautiful Stars ng YES! sa kauna-unahang pagkakataon.

“Sobrang honored ako. Isipin n’yo, kasama ako sa 100 YES! Most Beautiful Stars. Nagulat ako.

“Ang dami-daming artista sa show business, ako pa ang napasama dito, so masaya talaga,” sabi ni Carl.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN