Barbie Forteza on breakup of loveteam with Joshua Dionisio: "Siguro nga, time na rin na mag-move on kami."

Barbie Forteza will play the role of the teenage Blanca in the GMA-7 primetime series Luna Blanca. The role was first portrayed by Mona Louise Rey as a child.


Deglamorized ang Kapuso tween queen na si Barbie Forteza sa kanyang pagganap bilang Blanca sa second generation ng Luna Blanca sa GMA-7.

Sa first taping day ni Barbie para sa primetime series na ito noong July 5, Huwebes, sa Payatas, ay makikita ang gusgusin na character niyang si Blanca. Naging mangangalakal na kasi sila ng basura ng kanyang inang si Rowena (still played by Camille Prats).

Sabi ni Barbie sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), mas natsa-challenge siya ngayon sa bago niyang role sa Luna Blanca dahil malaking shift daw ito mula sa mga roles na nakasanayan na niyang gawin sa TV.

“Malaking change po sa akin kasi malayo ito sa mga ginagampanan ko before.

“Kung sa Tween Hearts ay pa-cute ako at pa-girl masyado, dito sa Luna Blanca, wala nang pagpapa-cute kasi parati akong marumi dahil sa pagkalkal ng basura.

“’Tapos matapang ang character ko dito. Marami akong inaaway dahil pinagtatanggol ko parati ang nanay ko dito.

“Nakikipagtalo ako sa mga kapwa ko mangangalakal ng basura. Hindi nila puwedeng lamangan si Blanca dito.

“Kaya malaking change at gusto ko kasi unti-unti pong papunta na tayo sa mga mature roles,” saad niya.

NEW LEADING MAN. Kasama sa first taping day ni Barbie ang bagong katambal niyang si Derrick Monasterio.

Gaganap si Derrick bilang si Kiko, ang kaibigan at kakampi ni Blanca sa pakikipagsapalaran sa Payatas.

Kuwento ni Barbie, “Isa si Derrick sa mga pampagising namin kapag may taping kami ng Tween Hearts noon. Wala ’yang kapaguran sa pagbibiro at minsan bigla na lang ’yan kakanta.

“Siya ang gumigising sa amin kapag napansin niyang inaantok kami sa set.

“Full of energy ‘yan parati kaya kapag bored na kami sa set, siya ang pinagsu-show namin para magising kami.”

Sa taping lang daw ng Tween Hearts nakakasama ni Barbie si Derrick. Nagkasama rin sila sa pelikulang The Road last year.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aminado si Barbie na hindi naman siya ganung ka-close kay Derrick noon. Pero ngayon, since sila na ang magkapareha, mas nakikilala na raw niya ang binata ngayon.

Sabi niya, “May kanya-kanya kasi kaming mga kagrupo noon. Si Derrick, ang madalas na kasama niya sina Joyce [Ching], Kristoffer [Martin], at si Kylie [Padilla]. Partner-partner nga sila.

“Ako naman, madalas na kami ni Joshua [Dionisio] ang magkasama.

“Ngayon at si Derrick ang kasama ko dito sa Luna Blanca, mas nakilala ko na siya ngayon.

“Kung before, ang tingin ko sa kanya ay hindi seryoso, playboy, at puro katatawanan lang ang ginagawa niya, ngayon, nakita ko na ang serious side niya.

“Nakita ko na sobrang pinag-aaralan niya ang role niya as Kiko. ‘Tapos humihingi siya ng tips sa director namin kung paano niya gagawin ang eksena ng tama.

“’Tapos noong mag-usap kami, nasabi niya na pagbubutihan daw niya ang pagganap sa role niya kasi gusto niyang makita ng marami na marunong siyang umarte.

“Kaya nakakagulat na may gano’ng side pala si Derrick.

“Hindi lang siya yung parang happy-go-lucky na tao. Nagiging seryoso na siya sa pagpasok niya sa pag-aartista.”

BYE-BYE, JOSHBIE? Hindi ba hiniling ni Barbie na sana ay si Joshua pa rin ang katambal niya sa Luna Blanca?

Sumikat ang tambalang JoshBie dahil sa mga pinagsamahan nilang mga series sa GMA-7 ’tulad ng Stairway To Heaven, First Time, Pilyang Kerubin, Nita Negrita, Ikaw Lang Ang Mamahalin, at Reel Love Presents Tween Hearts.

Nagtambal din sila sa mga pelikulang Si Agimat at Si Enteng Kabisote, Tween Academy Class of 2012, at Panday 2.

Ani Barbie, “Siyempre naman po. Yun naman ang unang gusto ko talaga.

“Maraming fans ng JoshBie ang nag-aabang kung kelan kami ulit magsasama sa isang show.

“After kasi ng Tween Hearts, hindi na kami nakitang magkasama.

“Ngayon nga, si Derrick ang kasama ko sa Luna Blanca. Sa Tweets For My Sweet naman, si Elmo Magalona ang kasama ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya naghihintay ang mga JoshBie fans.

“Sa ngayon, wala akong alam kung kelan kami magkakasama ulit. Ang management po ang makakasagot niyan.

“Pero wala naman po akong pagtanggi kay Derrick. Para sa akin, para lang maiba ulit ang makakasama ko, open ako diyan.

“’Tsaka hinanda ko naman ang sarili ko na darating ang araw na magkakahiwalay din kami ni Joshua.

“Matagal na rin kaming nagkasama since una kaming mag-pair sa Stairway To Heaven noong 2009. Siguro nga, time na rin na mag-move on kami.

“Pero wish ko pa rin po na sana magkasama ulit kami ni Josh sa isang project—either sa TV or sa pelikula. Para lang makita nila na nandiyan pa rin ang JoshBie.”

BIRTHDAY WISH. Sa July 31 ay 15 years old na si Barbie. Maaga nga siyang nagdalaga dahil sa kanyang successful na career sa showbiz.

May mahihiling pa ba siya sa kanyang nalalapit na kaarawan?

“Marami pa naman akong gustong hilingin. Hindi naman po mawawala iyong mag-wish ka nang kung anu-ano.

“Pero yung ibang mga wishes ko, natupad naman na.

“May ilan pa na nasa listahan ko, pero alam ko na hahaba pa iyon!” natatawang sabi ni Barbie.

Isa sa wishes noon pa ni Barbie ay ang makabili ng malaking bahay para sa kanyang pamilya.

“Isa nga iyon sa mga wishes ko. Kaya lahat ng kitain ko ngayon, diretso ang iba sa savings.

“Gusto kong makaipon talaga para sa dream house na gusto ko for my family.

“Kaya nagpapasalamat ako sa GMA-7 for all the projects na ibinibigay nila sa akin.

“Malaking tulong ito para matupad ang ilan sa mga pangarap ko sa buhay,” sabi ni Barbie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN