Willie Revillame announces Dolphy’s death on his show

In the middle of Wil Time Bigtime last night, July 10, Willie Revillame read a text message and called someone on the phone. Willie later revealed that the person on the other line was Zsa Zsa Padilla, who confirmed to him that Comedy King Dolphy has passed away.


Kasalukuyang nagpuprograma si Willie Revillame sa kanyang show sa TV5 na Wil Time Bigtime kagabi, July 10, nang matanggap niya ang balita tungkol sa pagpanaw ni Comedy King Dolphy.

Magkaibigang matalik kasi sina Dolphy at Willie. Magkasama pa silang naging celebrity endorsers ni Senator Manny Villar noong tumakbo ito sa pagkapangulo noong 2010 elections pero hindi pinalad na manalo.

Nagkakatuwaan pa si Willie at ang contestants sa game ng Wil Time Bigtime nang makatanggap siya ng isang text. Pagkatapos nga ay makikita sa TV screen ang ginawa niyang pagtawag.

Ang text at tawag ngang ito ang nagpaalam kay Willie tungkol sa pagkamatay kagabi ng Comedy King.

Pansamantalang nahinto ang game nila sa Wil Time Bigtime para ipagbigay-alam sa mga tao ang pagpanaw ng kanyang kaibigan.

Hindi naiwasang maging emosyunal ni Willie nang siya ay muling magsalita on air.

“Sandali lang po. Sorry. Wala na po si Tito Dolphy,” sabi ni Willie na ikinagulat at ikinahiyaw pa ng mga tao sa studio.

Patuloy pa niya, “Sorry, si Zsa Zsa Padilla po yung kausap ko. Can we all pray for Tito Dolphy for one minute.”

Si Zsa Zsa ang longtime partner ng Comedy King.

Sama-samang nag-alay ng dasal si Willie at ang mga tao sa studio.

“Salamat po. Tito Dolphy, we love you. Palakpakan po natin ang King of Comedy.”

TALENTADONG PIDOL VIDEO. Sa big screen sa likod ni Willie ay ipinakita ang isang video ni Dolphy kasama si Willie.

Sabi nga ni Willie, “’Eto po yung birthday niya, e. Eto po yung number naming dalawa.”

Ang video clip ay mula sa birthday special ni Dolphy, ang Talentadong Pidol, na handog ng TV5 sa kanya noong isang taon. Umere ito noong July 24, 2011, isang araw bago ang aktuwal na kaarawan ni Dolphy na July 25.

Dito ay mapapanood na sinasabi ni Dolphy na dati raw si Willie ay meron lang bangkang papel, pero ngayon ay may yate na ito. Dati raw ay saranggola lang, pero ngayon ay may eroplano na si Willie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkabiruan pa sina Dolphy at Willie na yung mga dating ka-partner daw ni Pidol na sina Panchito, Babalu, Tero de Guzman, Bayani Casimiro, Ading Fernando ay puro patay na.

Hindi raw ba kinakabahan si Willie na siya raw ang makaka-partner ni Dolphy sa naturang birthday special. Pero sabi ni Dolphy, mahaba pa raw ang buhay ni Willie dahil marami raw nagdarasal para rito.

Nag-duet pa sila ng medley ng mga kanta.

Pagkatapos ng kanilang duet ay nagsalita pa si Willie sa video.

Aniya, “Tito Dolphs, alam mo, sa aking pananaw, sabi nila may papalit sa iyo. Pero sa akin walang pwedeng pumalit sa isang katulad mo.

“Ikaw ang naging gamot e, naging gamot sa lahat ng kalungkutan ng mga kababayan nating may nadadamang paghihirap.

“Alam mo noong panahong nagsisimula kayo, alam mo naman yun, magmula sa aking mga ninuno, yun naman talaga ang mga nakaabot sa iyo e, yung mga ninuno ko.”

Sagot naman ni Dolphy, “Doon ako natututo sa mga ninuno ninyo, e.

“Buweno, ang masasabi ko talagang ‘pag ikaw nagkaedad na, papalitan ka na.

“Ikaw yung papalit, si Vic Sotto isa pa yun. Kayo ang mga hari ngayon.

“Ako ang hari na nag-aalis na ng trono, e.

“At saka ayokong masabi na hari ako. Hindi ako hari, e.

“Hari lang ako na makisama. Kamukha mo rin.”

LIKE A FATHER TO WILLIE. Pagkatapos maipalabas ang mahaba-mahabang video clip ay nagbigay pa ng impormasyon si Willie tungkol sa gagawing burol ng Comedy King.

“Sabi po ni Ms. Zsa Zsa Padilla, bukas [July 11] daw po ang viewing sa Heritage [Park].

“So, yung mga gustong… siyempre lahat tayo nagmamahal kay Tito Dolphy, bukas po.

“At siyempre yung buong pamilya ay inaasikaso si Tito Dolphy.

“I think ngayon lang ho nangyari, ngayong gabi., 8:34 daw po Tito Dolphy passed away.”

Nagkuwento pa si Willie nang unang atakehin si Dolphy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Noong unang inatake po si Tito Dolphy hindi n’yo po alam. Hindi ko lang naikuwento.

“Nandun po ako sa ospital at pinapasaya ko siya. Niloloko ko siya. Kaya lang alam ko na nahihirapan siya, e.”

Dito na nagsimulang mag-crack ang boses ni Willie, “Parang tatay ko po si Tito Dolphy, e.

“Noong ako po ay nagdedesisyong lumipat sa TV5, siya ho ang kausap ko. Pinuntahan ko ho siya.

“Ang sabi niya lang sa akin, ‘Kung saan ka magiging masaya, ipagpatuloy mo ‘yang pagbibigay mo ng saya. Kahit saan kang istasyon, ituloy mo lang iyan.’

“Si Tito Dolphy po ay napakabuting tao at alam nating lahat na pinasaya niya ang mga Pilipino. Palakpakan po ulit natin si Tito Dolphy.”

Pagkatapos nito ay ipinagpatuloy na ni Willie ang naantalang game at programa.

Dahil aniya, “Balik tayo sa programa. Alam ni Tito Dolphy, the show must go on.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN