Nova Villa will remember Dolphy as someone who “will make you feel at home”

Nova Villa said that she never felt intimidated with Dolphy: “Wala tayong mararamdaman na pader sa kanya na, ‘Hanggang diyan ka lang.’ Hindi, papapasukin ka niya sa kanyang sistema. Papapasukin ka niya and he will make you feel at home, a family, ‘yong ganoon.”


Isa sa labis na nagdadalamhati sa pagpanaw ng Comedy King na si Dolphy ang beteranang aktres na si Nova Villa.

Si Nova ang naging "leading lady" ni Dolphy sa dating sitcom ng ABS-CBN na Home Along Da Riles, na tumagal sa ere ng labing-apat na taon.

Pumanaw si Dolphy kagabi, Hulyo 10, sa Makati Medical Center dahil sa “multiple organ failure secondary to complications brought about by severe pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, and acute renal failure.”

Siya ay 83 years old.

(CLICK HERE for related article.)

Ayon kay Nova, si Dolphy mismo ang pumili sa kanya bilang kapareha sa Home Along Da Riles; si Dolphy bilang Kevin Cosme at si Nova bilang Azon.

Ang pangyayaring ito’y ikinuwento niya nang makapanayam siya ni Arnold Clavio sa telepono kaninang umaga, Hulyo 11, sa morning news program ng GMA-7 na Unang Hirit.

Kuwento niya, “Kaya the first three months when we started our sitcom, talagang ako’y ilang na ilang dahil... sino ba ako, you know, e, Dolphy ito.

"Kaya tanong ako nang tanong, ‘Bakit ninyo ako ipinareha kay Dolphy? Bakit ako, bakit hindi ‘yong big stars?’

“Kaya ako naiiyak, Igan, kasi siya mismo ang pumili, siya ang nakipaglaban na, ‘Ang gusto ko si Nova Villa ang ka-partner ko,’ sabi niyang ganoon. E, marami naman big stars, kaya ako nagulat.

“Kaya hirap na hirap ako no’ng una, mga three months ‘yan, ‘Paano ba ako aarte nito?’

"Ilang na ilang ako kasi superstar ito, e, ‘tapos ka-love team mo pa, magiging asawa mo pa. ‘Inay ko po, paano ko ba i-aarte ito?’ ‘Yong gano’n.

“Pero siya ‘yong ano, ipinakita niya, pinaramdam niya na, ‘Don’t worry,’ ‘yong ganoon, at home ka agad.

"Kaya ako naman, na-relax ako, nawala ‘yong nerbiyos ko.

“Noon hirap na hirap ako kung paano ako magko-comedy sa harap niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, ang comedy, okay may script nga kayo, pero sa comedy kasi, may adlib.

“Kasi as a comedian, sayang, e, kung hindi mo iano ‘yong punchline mo. You cannot make comedy by memorizing the script.

"Ang comedy kasi spontaneous lang ‘yan, e, lumalabas lang ‘yan, e.

“E, ako, e, takot na takot magbitaw [ng punchline].

"Sabi ko nga, ‘Matatawa kaya ito? Magustuhan kaya ‘yong ano ko?’

"Mayro’n sa loob ko na, tawag do’n, ‘yong naghihimagsik na lumabas ‘yong punchline ko.

“‘Tapos talagang lumalabas, talagang binibitawan ko ‘yong punchline ko, natatawa, natatawa siya [Dolphy].

“‘Wow! What a relief!’ talaga ‘yong ganon, ‘I am free!’ ‘yong gano’n? ‘yong I am free to do what I want, mailabas ko ‘yong comedy ko, ‘yong punchline ko.

"Kasi mahirap pigilin ang comedian, e, ‘pag nagko-comedy na.

“‘Tapos siya, gustung-gusto niya, tawang-tawa siya, ang ginagawa pa niya, sinusundan pa niya ang aking punchline... [pagkatapos] tumatawa.”

DOLPHY’S HUMILITY. Ang mga panahong magkasama sina Nova at Dolphy ang naging tulay upang lubos na maapektuhan ang beteranang aktres sa pagkawala ng Hari ng Komedya.

Katunayan, humingi pa nga siya ng tawad sa mga media people na sinusubukan siyang tawagan ngunit hindi niya masagot.

“Kagabi, pasensiya na sa mga media na tumatawag kagabi.

"Umusok talaga ang telepono ko at cell phone, wala akong makausap kasi wala talaga akong boses. Buti ngayon lumabas na ‘yong boses ko.

“So, hindi ko mapigilan talaga ang hindi maiyak.

“Kasi, lalo na ‘yan, nakikita ko nakayakap sa akin si Tito Dolphy," pagtukoy ni Nova sa ipinakitang litrato na magkasama sila.

Dagdag niya, "Labing-apat na taon ang pinagsamahan namin at hindi ko talaga siya makakalimutan.”

Pero kung mayroon man daw isang ugali ni Dolphy na hinding-hindi niya makakalimutan—at bihira na niyang makita sa ibang tao—iyon daw ay “‘yong kababaang loob ng tao.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam mo naman tayong mga tao, kapag mayro’n taong mabait, di ba, ‘yong malapit ‘yong loob natin...

“‘Yong kapag gano’n na mataas na tao pero nagpapakababa, na nakiki-level sa mabababa...

"Parang sabi ko, ganito ’ata talaga ‘yong feeling ng mga nababasa ko na lives of saints, ‘yong humility nila, e, ito ‘yong nakikita ko kay Tito Dolphy.”

WORKAHOLIC. Matagal din ang labing-apat na taong pagtatrabaho ng magkasama sa isang palabas.

Kaya naman nakita ni Nova nang magsimula nang atakihin at madalas nang magkasakit si Dolphy.

Pero kahit pa raw ganoon ang kalagayan ng komedyante, hindi ito huminto sa pagtatrabaho.

Pag-alala ni Nova, “Bandang huli, sa tagal na rin namin, siyempre noon may mga attacks na rin si Tito Dolphy, ‘yong humihina, ‘yong lagi siyang may ubo, lagi siyang may konting lagnat.

“Kahit may sakit ‘yan, nagte-taping ‘yan, hindi ‘yan mapakali sa bahay.

"Talaga ’atang workaholic, talaga ’atang ‘yong dugong artista niya nandoon, gusto niya talaga magpatawa, gusto talaga niyang magtrabaho.

“Ewan ko kung nabo-bored sa bahay, gusto niya nasa studio, ang kakuwentuhan naman mga sunog-baga.

"Kapag dumating na ‘yan, ag kasama ‘yong maliliit na tao, ‘yon ang kakuwentuhan niya, ganoon.

“Bandang huli, kapag alam kong mahina siya, may sakit siya, ’ayan nandiyan ako lagi sa tabi niya.

"Minsan he forgets his line, dahil gano’n nga, siyempre may sakit ka, nakalimutan niya…

"Ano nga, e, natuto nga akong maging ventriloquist, e, binabato ko sa kanya ‘yong linya without him noticing it—ako nagdidikta ng line niya.

“Mabigyan ko lang siya ng [key word] then babalik ‘yong memory niya, ‘A, ‘yon pala ‘yon!’ sasabihin niya ngayon ‘yong line.”

Ang pagiging dedikado sa trabaho at ang magandang pakikisama sa lahat ng tao sa set ang ilan lamang sa mga ugali ni Dolphy na talagang hinangaan ni Nova.

Ngunit, ang isang bagay na hinding hindi malilimutan ni Nova noong mga panahong magkasama sila ng Comedy King: “Wala tayong mararamdaman na pader sa kanya na, ‘Hanggang diyan ka lang.’ Hindi, papapasukin ka niya sa kanyang sistema.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Papapasukin ka niya, and he will make you feel at home, a family, ‘yong ganoon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN