Jolina Magdangal remembers Dolphy with deep gratitude

Jolina Magdangal-Escueta considers the late Comedy King, Dolphy as a mentor: “Marami kang matututunan sa kanya, kahit gestures niya lang mayro’n ka talagang matututunan sa kanya.”


Inis ang unang naramdaman ni Jolina Magdangal-Escueta nang mabasa niya ang mga posts sa Twitter tungkol sa pagkamatay ni Comedy King Dolphy.

Ito ang kanyang ikinuwento nang makapanayam siya ni Connie Sison kaninang umaga, Hulyo 11, sa morning program ng GMA-7 na Unang Hirit.

Hindi niya raw ito pinaniwalaan agad hanggang sa kinumpirma ito ng anak ni Dolphy na si Eric Quizon.

Pumanaw ang Hari ng Komedya kagabi, Hulyo 10, sa Makati Medical Hospital dahil sa “multiple organ failure secondary to complications brought about by severe pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, and acute renal failure.”

(CLICK HERE for related article)

Kuwento ni Jolina, “Kagabi no’ng kumalat nga... no’ng nababasa-basa na namin sa Twitter, hindi ko agad pinaniwalaan.

“Naiinis pa nga ako noong una kong nabasahan ng tweet, na hula man ‘yon o nakikiano lang, parang sure na ba?

“Nag-text ako agad kay Direk Eric, sabi ko, ‘Kung mayro’n man ako pagkakatiwalaang tao, ikaw ‘yon.’ Kasi baka marami lang nagti-trip diyan.

“‘Tapos, hindi pa siya sumagot agad.

"Tinawagan ko rin si Karylle, hindi niya rin sure kasi kalalabas lang niya, so ang daming tumatawag sa kanya.

“So, finally no’ng nag-text na si Direk Eric, parang doon na ’ko talagang… no’ng nababasa ko pa lang, gusto nang sumabog ng loob ko.

"Pero no’ng nabasa ko na ‘yong text ni Direk Eric na, ‘He passed away, Jolens,’ sabi niyang ganyan.

“Lalo pa akong naiyak nang sinabi niya, ‘Heaven is a happier place.’

“So, masakit sa loob ko, pero kapag nababasa ko ‘yong ‘Heaven is a happier place,’ alam ko doon mas makakahinga siya [Dolphy] nang mas maluwag, mas makakadilat na siya, mas makakagalaw na siya.

“Pero kahit alam ko na minsan, baka ‘yong kamag-anak ni Tatay Dolphy, minsan hinihintay na lang ‘yong day na ganito.

“Pero masakit pa rin, sa totoo lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko alam kung anong nararamdaman ko kagabi na sobrang... hindi ko na nga maramdaman na may tapilok pala ako, ‘tsaka masakit ang likod ko, ang masakit lang ‘yong loob ko.”

DOLPHY AS MENTOR. Nakatrabaho ni Jolina si Dolphy sa pelikulang Home Alone Da Riber, na naging entry sa Metro Manila Film Festival noong 2002.

Una’y kinakabahan daw siya dahil isang “The King” ang makakatrabaho niya. Ngunit kalaunan, lalo pa raw tumaas ang pagtingin niya sa komedyante.

Saad ni Jolina, “Ako, lagi kong ipinagmamalaki na… nagpapasalamat ako na nabigyan ako ng chance na makatrabaho si Tito Dolphy. Kasi hindi lahat puwedeng makatrabaho ang isang ano, e, isang The King.

“So, masaya ako kasi isa siyang napaka-professional na artista, na sana lahat maging gano’n dahil iba…

“Kapag kailangan sa set ng ganitong time, nandoon siya, sometimes mas maaga pa.

"‘Tas tahimik pa na tao, pero kapag naman nakakuwentuhan mo, marami kang matututunan kahit sa mga simpleng kuwentuhan lang.

“Kahit isang beses ko lang siya nakatrabaho sa isang pelikula, ‘tas ‘yong iba sa mga guestings na lang, parang lagi kong binabalikan ‘yon, ’tapos lagi kong pinagmamalaki.

“Naaalala ko ‘yong mga memories na napagsamahan namin ni Tatay Dolphy.”

Kung tutuusin, isa raw ang Hari ng Komedya sa maituturing niyang “mentor” sa kanyang showbiz career.

Paliwanag ni Jolina, “Kasi gusto ko may makatrabaho ako na naggo-grow din ako, e, pero alam ko mayro’n isang tao na marami akong matututunan.

“Si Tatay Dolphy, kahit tawagin mong mentor, e, kasi marami kang matututunan sa kanya.

"Kahit gestures niya lang, mayro’n ka talagang matututunan sa kanya.”

HAPPY MEMORIES. Ang magagandang alaala na ito ang nais ni Jolina na manatili sa kanyang puso at isipan.

Kaya naman nang maospital ang Comedy King ay hindi niya ito dinalaw.

Malungkot na sinabi ng aktres, “Alam mo na doon na papunta, pero no’ng time na ito na, masakit, e, masakit kahit isang movie ko pa lang siya nakasama, nasasaktan ako talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“And hindi ko talaga siya pinuntahan sa hospital dahil ayaw ko siyang makitang gano’n.

"Ayaw ko humarap sa salamin, makikita ko ‘yong window na ‘yon, na nakahiga siya, maraming nakakakabit sa kanya, ayoko.

“So ngayon, parati ko pa rin siyang nakikita kung paano ko siya nakasama sa pelikula.”

Kaya naman ang mensahe ni Jolina sa naiwang pamilya ni Dolphy:

“‘Yon talaga, hindi talaga ako matigil ng kakaiyak.

“Sobra akong nakikiramay sa kanila, pero alam ko na mas alam nila kung ano ang pakiramdam ni Tatay Dolphy ngayon.

"And kung magiging masaya sila, in a way, magiging masaya rin ako for Tatay Dolphy, dahil alam ko mas masigla siya ngayon.

“Pero masakit, kasi physically hindi na natin siya makikita, hindi ko na siya makakausap or hindi ko na siya malalapitan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN