Susan Roces says goodbye to Dolphy: "Happy trip! Mami-miss ka namin."

Susan Roces (in photo) says Dolphy deserves the National Artist award, the same honor bestowed on her late husband, Fernando Poe Jr. She says, "Pagkatapos ng mga proseso, naniniwala akong maigagawad pa rin ’yon sa kanya—ang pagiging National Artist, because he truly deserves it."


Maghahatinggabi ng Biyernes, July 13, nang bumisita sa lamay ng yumaong Comedy King na si Dolphy ang 1960s movie queen na si Ms. Susan Roces.
Mag-isang dumating si Susan at una sa mga dumalaw among her contemporaries sa Heritage Memorial Park, bago ginanap ang tribute ng mga dating artista ng Sampaguita Pictures.
Malugod ding nagpaunlak ng panayam sa mga taga-media, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ang veteran actress na kabilang ngayon sa top-rating teleseryeng Walang Hanggan.
Para kay Susan, ang pagpanaw ni Dolphy ay isang malungkot, ngunit "masaya" ring pagkakataon.
"Siyempre, lahat kami, nalulungkot," simula ng mahabang interview ni Ms. Susan. "Pero, para sa kanya, masaya kami, dahil nagpahinga na siya, at makakasama na niya yung mga nauna niyang mahal sa buhay.
"Si ’Mamang’, si ’Papang’," banggit muna ni Susan sa mga yumao na ring magulang ni Dolphy; ang kanyang amang si Melencio Espinosa Quizon, at inang si Salud de la Rosa Vera.
"Yung anak niyang si Freddie [Quizon, younger brother nina Dolphy, Jr.; at kuya ni Rolly Quizon, sumikat na aktor noong dekada ’70 at ’80]; at saka yung mga ibang nakasama niya.
"Kasama na rin niya ang asawa kong si FPJ [Fernando Poe Jr.]," pag-aalaala rin ni Susan.
"Para naman sa amin, na mga kaibigan niyang narito, malungkot kami.
"Malungkot kami, kasi kapag meron kang mahal sa buhay na pumapanaw, siyempre, wala na siya dito, wala ka nang maaakap, wala ka nang makakausap, wala ka nang mahahalikan...
"Ngayon pa lang, miss na miss na namin siya," malungkot ding wika ni Susan Roces.
GOOD OL’ DAYS. Marami ding magagandang alaala si Susan Roces tungkol sa naging pagta-trabaho at pagiging magkaibigan nila ni Dolphy.
"Nu’ng nagsimula akong mag-artista, katorse anyos pa lang ako noon, ang kauna-unahang pelikula ko na ginawa sa Sampaguita Pictures. ay ’yung Boksingera... Daw! [1956].
"Kasama ko doon si Dolphy at Panchito; si Luis Gonzales. Lahat sila, wala na," malungkot na banggit pa ni Susan.
"Si Dolphy at Panchito, sila ang nagturo sa akin kung paano kumilos sa harap ng kamera. Wala naman kasing mga workshops noon.
"Ah... natatandaan ko, si Dolphy, in particular, was very kind. Very helpful. Supportive siya sa lahat ng mga baguhan.
"Siguro dahil... nu’ng nabasa ko ang kasaysayan niya, nu’ng nagsisimula rin siya, may umalalay din sa kanya."
Pero hindi sila magka-kontemporaryo sa showbiz.
"Malaki ang agwat ng edad namin ni Dolphy. Ang kabarkada ko talaga [noon], yung kapatid niya, si Georgie [Quizon]," banggit din ni Susan sa younger brother ni Dolphy na namatay sa isang aksidente [hit-and-run], ilang taon na ang nakakaraan.
"Pero very supportive si Dolphy sa amin ni Georgie.
"Pagka merong extra’ng trabaho, binibigyan niya kami, sa mga radio shows niya. Du’n naman ako na-train sa voice acting.
"Marami din kaming pinagsamahan na radio programs, nung panahon na ’yon, sa dzRH," wika rin ni Susan na naging tampok sa Mga Reyna ng Vicks (1958), pelikulang base sa radio program na ang sponsor ay Vicks Vaporub. Ito rin ang pinagbasehan ng kuwento ng Sapagka’t Kami’y Mga Misis Lamang [1977], tampok pa rin si Susan, Nora Aunor, Celia Rodriguez at Chichay.
"Nu’ng nag-produce na siya [Dolphy], pagkatapos ng kontrata niya sa Sampaguita Pictures, at nung ako naman ay freelancer na rin, muli kaming nagkasama sa marami ring proyekto ng RVQ Productions.
"Kaming Mga Taga-Ilog [1968], Pepe En Pilar [1966]... hindi ko na halos mabilang," ang sabi ni Susan.
Sa Pepe En Pilar, dun daw unang nadiskubre si Ronaldo Valdez, award-winning actor ng kanyang henerasyon.
"Ikinukuwento niya na [si Ronaldo Valdez] ang leading man na binihisan niya at ipinakita sa akin.
"’O, ayan, leading man mo, okey ba sa ’yo?’" pag-introduce daw ni Dolphy noon sa aktor, na ama ni Janno Gibbs.
DOLPHY, THE PERSON. Patuloy ni Susan Roces: "Mabait si Dolphy. Although malayo ang agwat namin sa edad, hindi namin siya tinatawag na ’Kuya’ o ’Tito,’ dahil alam namin na hindi siya magiging masaya na tawagin namin siya nang gano’n.
"Pero alam niya na iginagalang namin siya. Kagalang-galang na, katulad nga ng maraming sinabi, yung mga na-interview, sabi nila, ’Pag nakikita mo si Dolphy, kakaiba siya.
"Iilan lang sa mga public personalities natin na pagpasok nila [sa isang pagtitipon] parang mapapatigil ka sa kanya, [dahil sa] respeto.
"Sa personal, hindi naman siya pala-kuwento. Ah, mas madalas tahimik siya at nakikinig siya sa mga kuwento.
"Gusto niya, meron siyang nakaka-kuwentuhan, pero i-e-encourage ka niyang ikaw ang magkuwento.
"Ang bonding moments namin [noon], siyempre... pagkain!" nangiti si Susan pagkabanggit nito.
Then, she recalled, "Paborito niya yung huling pinaluto ko para sa kanya.
"That was a few months ago, na nasa bahay lang siya at ang sabi ng doktor, kailangan kumain siya nang kumain... kare-kare, adobo. Yun ang mga gusto niya.
"Tapos, nami-miss din niya yung mga sinaunang mga isda, yung kanduli," banggit din ni Susan, bilang halimbawa.
Tulad din ng yumao niyang asawang si FPJ ang katangian ni Dolphy na mahilig kumain, lalo na ng mga sariwang isda.
Bilang tao, sina Dolphy at FPJ ay totoong disiplinado, ayon din sa pagpapatotoo ni Susan.
"Dahil kami ay lumaki sa supervision ng aming mga magulang, isang tingin lang sa amin [ng nakakatanda], alam na namin, tatahimik na kami," wika rin ni Ms. Susan.
GENTLE ON SUSAN’S MIND. Sa mga huling taon ni Dolphy ay naging maganda pa rin ang alaala ni Susan; kung paano siya nagsimula sa showbiz na si Dolphy ang nakasama, hanggang sa mga huling taon ng dinakilang Comedy King.
"Sometime around this time of the year," ito raw ang natatandaan niyang huling bonding moments with Dolphy.
"Malapit na kasi ang birthday niya, at ako rin. Birthday niya, July 25; ako naman, July 28.
"Marami kami sa showbiz na magkakasunod sa buwan ng Hulyo.
"Masaya kami siyempre pag nagkikita-kita kami; pinag-uusapan namin yung mga matagal na naming nami-miss na mga kaibigan namin [na yumaon na rin]. Sina Panchito, si Teroy [de Guzman], si Ading [Fernando]...
"Last year, basta taun-taon yun, for the past how many years, nagge-guest ako sa show niya. Last year was the last time, na nag-guest ako sa show niya."
Sa Pidol’s Wonderland ng TV5 naging guest ni Dolphy si Susan Roces. Tampok din kasi noon si Susan sa unang teleserye ng Kapatid network, ang Babaeng Hampaslupa.
Nuong 2006, nagsama naman sina Dolphy at Susan Roces, bilang mag-biyenan, sa John En Shirley (with Maricel Soriano) ng ABS-CBN 2; ang pagpapatuloy ng hit sitcom na John En Marsha, ng RPN-9.
NATIONAL ARTIST. Like majority of the Filipino people, Susan Roces also wants Dolphy to become a National Artist.
Ito rin ang mataas na pagkilala at parangal na naigawad sa kanyang yumaong kabiyak na si Fernando Poe Jr.
"Pagkatapos ng mga proseso, naniniwala akong maigagawad pa rin ’yon sa kanya—ang pagiging National Artist, because he truly deserves it.
"Dolphy deserves to be declared a National Artist."
HAPPY TRIP. "Dolphy, happy trip!" Ito naman ang kuwelang mensahe ni Susan Roces, bilang pamamaalam kay Dolphy.
"Mami-miss ka namin," aniya, habang nagsimulang mangilid ang luha sa mga mata.
Pero agad na-compose ni Susan ang sarili, bilang totoong "epitome of poise ang grace under pressure."
"Promise, walang iyakan. Alam ko, ayaw mo ’yan. ’Hello’ na lang kay Ronnie [Poe, Susan’s husband’s real name is Ronald Allan Kelly Poe].
"Alam ko naman, kahit na wala na kayo dito, hindi namin kayo nakikita, pero ramdam namin, hindi n’yo kami iniiwan.
"Malaking kawalan ka sa industriya. Maraming salamat sa iyong kabutihan... sa mga pagtulong mo nang hindi ipinangangalandakan...
"Dolphy, lahat ng mga itinuro mo sa akin, nagpapasalamat ako sa iyo, at...
"Yes, promise, mamahalin namin ang isa’t isa. Kapit-kapit, hindi kami maghihiwalay.
"Kahit nawala ka na dito, [sana] gabayan mo kami, tulad din ng ginagawa ni Ronnie," huling sambit ni Ms. Susan.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN