Former President Joseph “Erap” Estrada sad Dolphy was not given the National Artist award before his death

Former President Joseph “Erap” Estrada (in photo with Epy Quizon) said the only time Dolphy asked him a favor when he was president, it was for his son, Dolphy Jr., who was charged with, and imprisoned for 18 years for arson. "Dun lang siya nakiusap sa akin, para i-pardon yung kanyang anak. ’Oo nga ’no,’ sabi ko. Kaya pinagawa ko ng pardon agad."


Kagabi, July 13, ay dumalaw ang dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa lamay ng Comedy King na si Dolphy, na ginaganap sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.

Agad na dinumog ng entertainment press si Erap pagbaba pa lang nito sa kanyang sasakyan. Nagpaunlak naman ito ng panayam, kung saan isinaad niya ang pagmamahal niya sa namayapang kaibigan.

“Kahit na papaano, matagal kaming nagsama at kailan man ay hindi kami nagkasamaan ng loob, hindi kami nagkakatampuhan. Buti pa kami ni FPJ, nagkakatampuhan pa, e,” ang sabi ni Erap sa media, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Si FPJ ay si Fernando Poe Jr., ang Hari ng Pelikulang Pilipino na malapit na kaibigan ni Erap. Namayapa si FPJ noong 2004.

Pagpapatuloy ni Erap, “Marami nang nagsabing kabutihan para kay Pareng Dolphy. Lahat yun ay totoo, at wala na kong masasabi kundi ipagdasal natin ang kaniyang kaluluwa.”

Pinuri din ng dating Pangulo ang ginawang pagpapaligaya ni Dolphy sa sambayanang Pilipino.

“Siyempre ma-miss natin yung ilang taong ginawa niya sa ating puting-tabing. Napaligaya niya ang ating mga kapus-palad na kababayan.

"Ang ating mga kapus-palad na kababayan naiiyak na sa hirap sa kanilang mga bahay, sa kanilang tahanan, na pagpasok sa sinehan, nari-relieve sila, nkakalimutan nila ang paghihirap,” sabi niya.

Nang tanungin naman si Erap kung ano ang hindi niya malilimutan kay Dolphy, sinabi nitong lagi niyang maaalala ang pagmamahal nito sa kanyang mga anak.

Ikinuwento ni Erap ang tanging hiningi lamang ni Dolphy sa kanya noong siya raw ay Pangulo pa.

“Hindi ko malilimutan yung kanyang pagmamahal sa kaniyang mga anak. Dahil nung ako’y naging Pangulo, alam mo hindi nakikiusap yun si Dolphy, walang hinihingi, puro trabaho.

"Dun lang siya nakiusap sa akin, para i-pardon yung kanyang anak. ’Oo nga ’no,’ sabi ko. Kaya pinagawa ko ng pardon agad,” pahayag niya.

Ang tinutukoy ni Erap ay ang pagbibigay niya ng pardon sa anak ni Dolphy na si Rodolfo Dominguez Quizon Jr., o Dolphy Jr., noong 1998.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Dolphy Jr. ay na-convict at nakulong ng 18 years sa kasong arson, dahil sa pagsunog umano nito sa isang bahay na ikinasawi ng anim na katao.

NATIONAL ARTIST. Itinanong din kay Erap ang opinyon niya sa mailap na National Artist award para kay Dolphy.

Ayon kay Erap, matagal na raw dapat itong ibinigay sa Hari ng Komedya.

“It’s long overdue, kaya malungkot nga ako na hindi naibigay yung award na yun habang buhay pa siya. Yun na ang isang nakakalungkot,” saad niya.

Kaya naman daw ay naisipan niyang bigyan si Dolphy ng People’s Artist Award, mula sa Dakilang Lahi Foundation, isang NGO.

Kasama ni Erap sa pagdating ay ang singer at dating councilor ng Quezon City na si Anthony Castelo, na presidente ng Dakilang Lahi Foundation. Sa isang panayam, sinabi ni Castelo na ang award na ibibigay kay Dolphy ay pansagot nila sa National Artist’s award.

Ipinakita ni Erap sa press ang simbolo ng parangal, na isang trophy na may hugis agila.

Ibibigay raw sana nila kay Dolphy ang award bago pa ito mamayapa. Dahil dito ay dumalaw si Erap sa lamay kagabi para lamang iabot ang award sa mga kamag-anak ni Dolphy.

“Meron naman siyang People’s Award na ibibigay ngayon, pero nung July 11… e, hindi umabot,” aniya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN