Vilma Santos-Recto and Lani Mercado-Revilla relate their fondest memories of Dolphy

Vilma Santos-Recto (right) recalls dancing with Dolphy: “Grabe, na-miss ko si Tito Dolphy. Ang galing namin sumayaw!" referring to their dance moves in the movie, Buhay Artista Ngayon (1979). Meanwhile, Lani Mercado-Revilla (left) has this message for the loved ones Dolphy left behind: "Take it easy, pray every day and as much as possible, treasure the memories."


Ang huling gabi ng burol ni Dolphy ay pinuntahan ng mga artista mula sa iba’t ibang istasyon.

Bagamat hindi nila lahat nakatrabaho ang Hari ng Komedya, nagtungo sila sa Heritage Park sa Taguig City kahapon, Hulyo 14.

Ilan sa mga pumunta sa burol ay si Batangas Governor Vilma Santos-Recto at Cavite Representative Lani Mercado-Revilla.

Bago pumasok ng politika sina Vilma at Lani ay nanggaling sila sa mundo ng showbiz, kung saan nakatrabaho nila si Dolphy.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment press sina Vilma at Lani, at kanilang ikinuwento sa amin ang mga hindi nila malilimutang sandali kasama ang Comedy King.

VILMA MISSES DOLPHY’S DANCE MOVES. Malungkot si Star for All Seasons Vilma Santos-Recto sa pagpanaw ni Dolphy, at sa opinyon niya’y “napilay” ang industriya ng pelikula at telebisyon sa ating bansa.

Gayunman, hindi niya kailanman malilimutan ang Hari ng Komedya dahil “legacy na siya ng movie industry."

Dagdag pa niya, “So, katawan lang ‘yan, pero ‘yong legacy na iniwan ni Tito Dolphs would, ah, will definitely stay in the movie industry.

“Hindi mabubuo ang movie industry kung wala si Dolphy.”

Nagkasama sina Vilma at Dolphy sa pelikulang Buhay Artista Ngayon (1979), at nang mapanood niya raw ulit ito’y naalala niya ang tawanan nila sa set noong ginagawa ang pelikula.

Kuwento niya, “Grabe, na-miss ko si Tito Dolphy. Ang galing namin sumayaw!

“‘Yong dance sequence namin nakaka-miss talaga.

“Pero wala, kanya-kanyang kontribusyon ‘yon, and at the end of the day, what’s important is the legacy na iiwan mo sa mga taong nagmahal sa ’yo.

“For sixty years nagsilbi si Tito Dolphs, so talagang he’s one of the pillars ng pelikulang Pilipino.”

At kung ang National Artist Award naman ang pag-uusapan, ito lamang ang opinyon ni Ate Vi: “Deserving si Tito Dolphy.

“Deserving sa contribution, sa ginawa niya, lahat, lahat ng ginagawa niya noon—deserving si Tito Dolphs.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LANI’S ADVICE: STAY STRONG. Ang dedikasyon naman ni Dolphy sa trabaho ang hinahangaan ni Lani Mercado-Revilla.

Nakita niya raw kung gaano kamahal ng Hari ng Komedya ang kanyang trabaho nang magkasama sina sa pelikulang Once Upon a Time noong 1987.

Nakangiting pag-alala ni Lani, “This is Regal Films’ Once Upon a Time (1987).

“Iyon ‘yong nagiging kabayo siya sa kalahati ‘tapos magiging tao siya. Bago ’to para sa kanya kasi it was directed by Peque Gallaga. Fantasy movie ito, e.

“So, makikita mo na kahit medyo puyatan, nandyan ‘yong pagsusumikap niya, minsan naka-enclose kami sa warehouse.

“Alam nating may hika si Tito Dolphy, kaya kapag may fog machine talagang alalay ang staff and crew sa kanya, siyempre.

“He’s very professional, ‘yong sense of humility niya laging nado’n kahit hari siya ng komedya.

“Hindi mo mararamdaman ang yabang, hindi, talagang tatay siya. Tatay namin siyang lahat sa workplace namin.”

Hindi iba kay Lani ang pinagdadaanang pagdadalamhati ng pamilyang naiwan ni Dolphy. Kamakailan lamang kasi ay pumanaw ang kanyang ina.

Kaya naman ang mensahe niya sa pamilya Quizon, “Take it one day at a time. Ang grief, talagang pinagdadaanan ‘yan ng bawat pamilya.

“Take it easy, pray every day and as much as possible, treasure the memories.

“Ako, for almost a month, lagi kong tinitignan ang litrato ng nanay ko, e. So, gano’n talaga, you pass through it, namnamin ninyo ang… kahit wala na siya, mararamdaman at mararamdaman ‘nyo pa rin siya.

“Lalo na ngayon na you’re surrounded by the whole nation, lahat ng Pilipino nakikiramay sa pamilya ninyo.

“So, you are so blessed to be loved by all these people. Marami ang nagdadasal para sa mga anak niya, sa mga anak niya sa buhay, kay Zsa Zsa. [Padilla].

“Just hang on, stay strong, Tito Dolphy will always be there.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN