Vandolph on dad Dolphy: “I miss him so much. But I need to be strong for my kids."

Vandolph, according to many, was Comedy King Dolphy’s favorite son. To this, the former child star says, “Hindi ako favorite, malambing lang talaga ako.”


Isa pang anak ni Dolphy ang nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa burol ng Comedy King noong July 12 sa Heritage Park sa Taguig City.

Ito ay si Vandolph, ang nag-iisang anak ni Mang Dolphy sa actress-politician na si Alma Moreno. Si Vandolph ang bunsong lalaki sa magkakapatid.

MOST EMOTIONAL. Sa naging kundisyon ng kanilang ama, na parang “roller coaster,” si Vandolph ang sinasabing pinaka-emotional sa lahat ng mga supling ng Comedy King.

“I believe talaga… actually, all of us talaga believe that Papa will succeed, na malalagpasan niya yung pagsubok na yun,” sabi ng dating child star.

“Ang problema is, huwag na nga raw, kasi marami nang kumplikasyon.

“Pero the doctor said, ‘Malakas ang tatay niyo, fighting! Lumalaban ang tatay niyo, malakas ang puso ng tatay niyo.’

“Kasi lahat, bumababa, pero ang heart rate niya, okay.

“Siyempre, importante lahat ng parts ng body, pero main yung heart. E, yun ang pinakamalakas.

“Nawalan na siya ng blood pressure, nag-iba na ang kulay niya, pero ang puso niya, tumitibok pa rin.

"So, he was alive.”

Saan nanggagaling yung pagiging emotional niya?

“I love my father so much,” sambit ni Vandolph.

“Hindi yung kung saan galing, e. Alam naman ng mga tao kung gaano ako kalapit sa tatay ko.

“Kumbaga, a big part of me is gone. Pero siguro, not gone na rin, new stage lang…

“New stage of life lang na alam kong gagabayan niya ako dito sa trabaho ko, e.

“Kasi, wala naman ako dito kung wala siya. Pangalan ko pa nga, kalahati siya, e.”

Natanggap na ba niya ang pagkawala ng kanyang ama?

“Di pa fully, e," sagot ni Vandolph.

"Pero noong dumating siya the next day, paggising ko, iyak ako nang iyak nang iyak.

“’Tapos, kada pikit ko, nagpa-flash ang last moments with him…

“Yun yung moments na kumpleto kaming lahat sa ICU. ‘Tapos, yung makikita mong unti-unti nang bumababa yung heart rate… unti-unti na siyang nagpapaalam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ibang klaseng experience…

“Pero yung itinuro niya sa aming pamilya, na hanggang sa dulo ay lumaban siya, nagampanan naman namin na mas naging close kami.

“Close naman kami, kaya lang, mas buo na ngayon… with Tita Zsa Zsa rin.”

Si Zsa Zsa Padilla ang naging huling babae sa buhay ni Dolphy.

ALMA MORENO. Ano naman ang reaksiyon ng mama niyang si Alma Moreno sa pagkawala ng Comedy King?

“Gusto niyang pumunta pero habang nagsasalita, umiiyak na, e.

“Kakabalik lang niya galing Mindanao, e, busy kasi, e. Baka tomorrow [July 13], pumunta siya.

“Sabi niya, ‘Gusto kong pumunta.’ E, panay pa ang iyak.

“Sabi ko, ‘Baka doon ka pa mag-breakdown, ha?’

“Sabi niya, ‘Hindi, kaya ko ito.’

“Fighter naman ang nanay ko, e. Sasabihin niya sa akin, huwag daw akong umiyak, pero siya ang umiiyak.”

Nakarating nga si Alma sa lamay nang sumunod na araw.

Ito ang ikalawang pagkakataon na namatayan ng dating karelasyon si Alma kung saan may anak siya: una ay ang action superstar na si Rudy Fernandez, ama ng kanyang panganay na anak na si Mark Anthony Fernandez.


VANDOLPH’S TATTOO. Habang kausap ng PEP si Vandolph ay ipinakita nito ang tattoo sa kaliwang braso—ang larawan ni Mang Dolphy na nagdarasal.

Ilang araw pa lamang daw itong ipinalagay ng dating child star.

Bakit ang picture na iyon ng kanyang ama ang pinili niyang ipa-tattoo sa braso niya?

Sagot ni Vandolph, “Sobrang peaceful, e.

“At the same time, ang tatay ko is a strong believer of God.

“Kaya when he prays, solemn talaga ‘yan.

“Nadidinig siguro ng Panginoon ang dasal niya lagi, e. Meron silang bonding ’ata, e.”

Tila ito ang hindi masyadong alam ng publiko sa personalidad ni Mang Dolphy sa totoong buhay—ang pagiging relihiyoso o madasalin nito.

“Sobra, sobra!” bulalas ni Vandolph.

“Pumasok ka lang sa bahay nila, akala mo ano, e, ang daming santo! Every Wednesday, talagang nagsisimba iyan sa Baclaran.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Noong nakita ko ang picture na ito, wala na akong isip-isip pa, ‘Eto ang gusto kong tattoo!’

“Hindi na ako namili at wala na ring naging choices.”

COMING HOME. Bago iburol ang labi ng yumaong Hari ng Komedya sa Heritage Park ay dumaan muna ang convoy nito sa kanilang bahay sa Parañaque.

Ano ang dahilan?

Sagot ni Vandolph, “Ang alam ko kasi, gusto niya talagang umuwi.

“Nasa ICU pa siya, wala na siyang boses, sinasabi niya na gusto na niyang umuwi.

“So, inuwi muna siya bago pa siya dinala dito.”

Bago ba binawian ng buhay ang ama, meron itong naging premonition o pagpaparamdam sa kanya o kanila?

“Ang huli niyang sinabi sa akin nung wala nang boses yung bibig niya... tanong ko kasi, ‘Pa, okey lang? Andito lang kami.’

“Ang sagot niya sa pagbuka ng bibig niya, ‘Okey ka lang?’ Ako pa ang tinanong niya.

“Sinagot ko, ‘Pa, wag ka nang mag-alala, okey lang ako. Isipin mo ang sarili mo, konti na lang, gagaling ka na.’

“Umoo lang siya, then nag-rest na uli.”

Favorite son daw si Vandolph ng yumaong komedyante?

“Hindi ako favorite, malambing lang talaga ako,” sabi niya.

“Lahat kami, nagkaroon kami ng time with Papa…

“Ako lang siguro nagkaroon ng more time with him ‘coz nakatrabaho ko siya.

“Saka yung tinatampal-tampal niya ako sa sitcom, naging ako yun, e.”

FONDEST MEMORIES. Nagsama silang mag-ama sa sitcom ng ABS-CBN na Home Along Da Riles, na tumagal sa ere ng almost 11 years.

Anu-ano ang fondest memories ni Vandolph kasama ang kanyang ama sa loob ng mahabang panahon na ginagawa nila ang show?

“Naku, lahat! Lahat talaga.

“Kapag ako tinatanong kung anong most memorable thing na naaalala ko sa tatay ko, ang sinasabi ko lang lagi—siya!

“Siya lang! Buong-buong siya!

“Sa lahat ng pagkakataon na nakasama ko siya, nandito siya sa puso ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

VANDOLPH’S ACCIDENT. Nang naaksidente si Vandolph noong November 19, 2001, “devastated” si Dolphy para sa anak.

Malubha ang naging kalagayan ni Vandolph dahil sa car accident na iyon, na kumitil sa buhay ng dating girlfriend na si Desiree Raquiza.

(CLICK HERE to read related story.)

“Marami nga ang nagkuwento sa akin no’n… papaiyakin niyo pa ako, e!” sabi ni Vandolph, nang banggitin namin ang kabanatang ito ng kanyang buhay na muntik na niyang ikamatay.

Halos maiyak na si Vandolph sa puntong ito, pero sabi namin, para malaman din ng mga tao ang kanyang damdamin bilang anak.

“Ganoon magmahal ang isang Dolphy,” aniya.

“Kahit hindi niya anak, kahit na kaibigan lang, mabuting makisama. Ibang makitungo… Dolphy na iyan, ha?

“Yun ang lagi niyang sinasabi, ‘Always keep your feet on the ground. Whatever happens, wala tayo dito kundi dahil sa mga fans.’”

NATIONAL ARTIST AWARD. Tungkol naman sa kontrobersiyal na National Artist award na isinusulong ng ilang kampo para kay Dolphy, nakapagsalita si Vandolph sa isang interview na “Too late the hero!”

Ano ang ibig niyang tukuyin dito?

Napangiti muna si Vandolph bago sinabing, “Too late the hero, kasi ang tagal nang trending iyan, napulitika yata or something?

“’Tapos, ngayong wala na yung tao, ibibigay nila? So, too late the hero!

“Pero kung ibibigay ng Pangulo at ng komite, tatanggapin pa rin ng pamilya. But of course, medyo… mas gusto sana namin na siya ang tumanggap.

“Siyempre, iba yun, e.

“Yung ginawa nga ng Presidente [Noynoy Aquino] nung dumating siya dito, na July 13 is a National Remembrance Day, parang mourning, gano’n…

“Nung in-interview kami ng press people, kami ni Epy, speechless, e. Paglabas ‘ata ni PNoy saka niya sinabi [dineklara].

“Wala pa ako nung dumating si PNoy kanina. Pagdating ko, palabas naman siya.”

Bakit hindi July 10 na kamatayan ni Mang Dolphy?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I don’t know, tanungin niyo si Kaizz [Eric Quizon]. Alam ni Kuya Eric lahat yun, ako ay nasa isang gilid lang.

“Kanina, pinagsasalita ako, ayoko.”

DOLPHY’S LEGACY. Ano sa palagay niya ang mga maiiwan ng kanyang ama sa movie industry?

“Na may isang tao na tumagal ng 60 years or more in show business, na ang dami na nating pinagdadaanan sa buhay na malungkot na napakahirap…

“Sa isang sitcom na 45 minutes to one hour, makakalimutan mo ang problema mo because of seeing him.

“Makakalimutan mo ang problema mo just watching Dad.

“Pero after that, nandoon pa rin yung problema. Pag bumalik ang mukha niya uli, iba na naman.”

Bilin ni Dolphy sa lahat, huwag malungkot kundi ay magsaya.

“Kami, pinipilit naming maging masaya, pero mahirap, e, mahirap,” sabi ni Vandolph.

“I miss him so much. But I need to be strong for my kids.

“I want them to remember their lolo with his favorite song ‘With A Smile.’”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN