Jodi Sta. Maria on being a “maindie” actress: “Nag-e-enjoy ako, hindi lang sa indie films. Pati yung trabaho na ginagawa ko ngayon, nag-e-enjoy po ako talaga!”

Jodi Sta. Maria crosses over in two film genres—mainstream and independent—and doing good in both. She is even considered a major factor in making local indie films to the level where it is now. She says: “At nagpapasalamat ako na naka-create ako… na makatulong ako na magkaroon ng awareness ang mga tao.”


Hindi si Jodi Sta. Maria ang klase ng artista na magtataray o kaya’y magwu-walkout sa kausap kapag natanong hinggil sa mga isyung personal na iniiwasan niyang mapag-usapan. O depende rin siguro sa approach ng nagtatanong.

Kaya nang madako ang pakikipag-usap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jodi sa maselang bagay o isyu ng marital troubles—bilang isang sangkap ng kuwento ng Migrante (The Filipino Diaspora), ang indie film na pinagbibidahan niya—ay simple at kaswal ang naging "pag-iwas" ng premyadong aktres.

"Ah... smile na lang po tayo," ani Jodi na ngumiti nang ubod-tamis pagkabanggit nito sa lobby ng Robinsons Galleria Cinema 5, kunsaan ginanap ang premiere ng kanyang pelikula.

Dagdag ng Kapamilya actress, "I have so many things positive going on for me at ayoko namang masayang ’yon. Positive thinking na lang…”

Nabanggit din ni Jodi sa PEP ang pagiging isa niyang “Catholic Christian” bagamat hindi siya nag-elaborate tungkol dito.

Pero isang punto ang pagkapit din ni Jodi sa kanyang mahahalagang paniniwala para sa mabuting pakikipagkapwa-tao at pagdadala ng sarili.

"Smile na lang tayo," sabi rin niya.

Nang kumustahin ng PEP ang tungkol sa kanya si Thirdy—ang anak niya sa estranged husband na si Pampi Lacson—lalo namang nangiti ang actress-mom.

"He’s now six years old! Thank you. Abangan ninyo..." sabi niya, hinting at a possible TV commercial advertisement o anumang project na gagawin uli nila.

"MAINDIE" ACTRESS. Sa kasalukuyang estado niya, masasabing isang "maindie" actress si Jodi Sta. Maria, na malayang nakaka-crossover between mainstream films and television and indie cinema.

"Nag-e-enjoy ako, hindi lang sa indie films, pati yung trabaho na ginagawa ko ngayon. Nag-e-enjoy po ako talaga.

"This is something na alam ko na hindi ko matatalikuran, yung ganitong klaseng trabaho. Nandito yung puso ko."

Kasalukuyang isinasahimpapawid sa ABS-CBN ang pang-umagang teleseryeng Be Careful With My Heart, na pinagbibidahan ni Jodi at ni Richard “Papa Chen” Yap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masaya raw ang lahat ng involved sa bagong TV soap, including Jodi, dahil mataas ang rating ng programa. Hindi raw totoong balak itong ilipat on a later slot o dalhin sa evening primetime.

"We’re happy the show is getting very good feedback," sabi ni Jodi.

"Sabi nga, nabuhay raw yung pang-umagang timeslot nung mag-start ang airing namin. Nakakatuwa!"

At that same time, bidang aktres si Jodi sa bagong indie film ni Direk Joel Lamangan, ang Migrante.

May kalahok ding pelikula si Jodi sa Cinemalaya Philippine Independent Filmfest ngayong taon. Ito ang Aparisyon ng debuting filmmaker na si Vincent Sandoval.

Gumaganap dito si Jodi sa papel ng isang madre, kasama ang iba pang acclaimed actresses—Mylene Dizon, Fides Cuyugan-Asensio, Racquel Villavicencio, at Rustica Carpio.

Ang kuwento ng Cinemalaya entry na ito ay naka-sentro sa mga madreng kabilang sa isang kongregasyon, sa isang liblib na kumbento, ilang buwan bago maideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law noong September 21, 1972.

FIRST OFW ROLE. Sa Migrante ay ginagampanan naman ni Jodi ang papel ni Frida, isang karaniwang maybahay na kinailangang mag-abroad para maisalba ang pamilya’t mga anak sa kahirapan, bunga ng pagiging iresponsableng asawa ng pinakasalan (Allen Dizon as Andy).

Nagpapasalamat si Jodi sa magagandang feedback din sa kanyang pagganap mula sa mga nakapanood na ng pelikula.

Hindi siya nagsisisi na tinanggap niya ang alok na gawin ito, bilang unang pagsasama o kolaborasyon nila ni Direk Joel.

Sabi ng aktres, "After 100 Days To Heaven, I did this stint for Mundo Man Ay Magunaw. Pagkatapos nun, dumating ang offer to do Migrante.

"Sobrang luwag ng schedule ko noon, wala akong ginagawa, so I accepted the offer. Mga nine days lang.

"I think we shot four days in Israel, tapos another five days in Metro Manila and Candaba, Pampanga—yung bird sanctuary doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Mabilis lang. Normally, kapag independent films, mabilis sila; unlike pag mainstream films, na inaabot talaga ng months."

WORKING WITH JOEL LAMANGAN. "Okey kami," paniniyak ni Jodi hinggil sa naging pakikipagtrabaho niya, sa unang pagkakataon, sa premyadong direktor na si Joel Lamangan.

Ang usap-usapan, high-tempered si Direk Joel at hindi maiwasang "manigaw" ng katrabaho kapag matindi ang pressure sa set.

"Hindi naman niya ako nasigawan," banggit ni Jodi.

"Pero nandun yung... kasi I’ve heard na, ’O, pag late ka, galit yun sa ’yo. Naninigaw ‘yan!’

"So I made sure na lahat ng ayaw niya, hindi ko gagawin.

"Yun lang naman. Iiwasan mo yung mga hindi niya gusto at makikinig na mabuti sa instructions niya."

ACCLAIMED. Marami na siyang nagawang indie movies at patuloy na tumutulong sa ibayo pang pagpapasulong ng indie cinema.

"Ang dami… hindi ko na yata mabilang," wika ni Jodi.

Sa mga indie films na ito, nagkamit ng parangal at papuri si Jodi sa Maling Akala by director Pablo Biglang-Awa and Veronica Velasco; Chassis by Adolf Alix, Jr.; and Sisa by CJ Andaluz.

Sa Sisa ay nanalo ng Best Actress award si Jodi sa Digital Lokal category ng 9th Cinemanila International Filmfest, in 2007.

Sa Migrante, sinasabing "worthy of a best actress nomination" din ang kanyang naipakitang pagganap.

"Para sa akin, ang makagawa ng ganitong klaseng pelikula, natutuwa na ako," tugon naman ni Jodi.

"At nagpapasalamat ako na naka-create ako… na makatulong ako na magkaroon ng awareness ang mga tao.

"Kung ma-nominate man o mabigyan ng parangal, bonus na lang ito para sa akin."

"DOUBLE-X" ACTRESS. Speaking of Jodi’s other film-starrer, ang Chassis (2010), kuwela ang nasabi ng aktres.

"Hindi pa rin ito naipapalabas, kasi na-double-X po tayo!"

Biro ng PEP, artista si Jodi ng isang "X-rated film"?

"Ay, hindi naman!" tawa niya.

"Naniniwala ako na maganda yung ginawa naming pelikula ni Direk Adolf.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yun nga lang, yung mga eksena na yun na gusto nilang ipatanggal, pareho kami ng stand [ni Direk Adolf] na hindi dapat tanggalin. Nagkakaisa naman kami doon.”

Mga eksena ng graphic depiction at violence (exposure/mutilation ng male private part) ang hindi sinang-ayunan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na mapanood ng general public.

Sabi pa ni Jodi, "I don’t mind. Naniniwala ako na maganda yung pelikula namin.

"Siguro hindi pa lang ganun ka-ready ang kultura o ang audience natin sa ganung tema o pelikula.

"I think darating din yung time na maipapalabas siya," pagtukoy ni Jodi sa Chassis.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN