JM de Guzman experienced depression after shooting Intoy Syokoy: "First time kong mahubaran dito emotionally, hubo’t hubad...As in, sobrang punit."

JM de Guzman on winning Cinemalaya Best Actor for his performance in Intoy Syokoy: “Hindi po ako umaasa. Ayokong umasa. Never. Pangit umasa. Parang masasaktan ka lang kung hindi mangyari. Ang alam ko lang, ibinigay ko ang best ko. Tapos, bahala na si Lord.”


Kung hindi inaantok ay sadyang mapungay lang ang mga mata ni JM de Guzman nang makaharap at makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press conference ng Intoy Syokoy kahapon, July 19.

Ginanap ang presscon ng Cinemalaya 2012 entry na ito sa Sir Boy’s Food Republic Restaurant sa may Panay Avenue, Quezon City.

Paliwanag ni JM, araw-araw raw kasi siyang nagte-training.

“Gusto ko kasing magka-abs,” nakangiti niyang sabi.

Ito ba ay bilang paghahanda sa Cosmo Bachelor Bash, kunsaan rumarampa ang mga showbiz hunks?

“Target ko po ‘yan,” pag-amin ng Kapamilya young actor.

“Yung kasama ko kasi sa bahay at sa taping, tito ko, boxer siya. Tapos yung nagda-drive sa akin, kasama ko rin sa bahay mismo.

“E, may trainor siya, yung condo ko, parang gym. Paggising ko ng umaga, ‘Halika na, halika na...’

“Tapos, kumpleto ng supplement. Hindi na ako lalayo.

“Minsan naman, kapag napaaga ang tapos ng taping, diretso kami [sa gym].”

Boxing at kickboxing daw ang ginagawa niya at minsan ay inaabot siya ng tatlong oras.


LIFE-CHANGING. Hindi maikakaila na maganda ang itinatakbo ng career ngayon ni JM sa bakuran ng ABS-CBN.

Sabi niya tungkol dito, “Grateful po ako na nandito pa rin. Tapos, sobrang suwerte.

“Kaya hindi po ako tumitigil na i-improve pa ang sarili ko. And makapag-contribute pa sa ABS-CBN po at maibalik ko rin sa kanila ang malaking utang na loob na ito.

“They changed my life.”

ANGELITO. Itinama naman ni JM nang sabihin namin sa kanya na ang pang-hapong teleserye “niya” na Angelito ay nagkaroon na ng Part 2.

“Hindi ko po Angelito yun, Angelito namin... totoo po.

“Nakilala po ako doon pero hindi as JM—as Angelito, dahil po sa show.

“Pero dahil po yun sa director namin, sa creative... collaborative works.

“So, yung part lang na ito, siguro ito yung more on thank you.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Thank you dito sa project na ito, and mas iba na po yung kung paano ako magtrabaho ngayon. Mas organized na rin.”


INTOY SYOKOY. Si JM ang bida sa Intoy Syokoy, entry sa New Breed category ng Cinemalaya 2010, na magsisimula na mamayang gabi, July 20.

Sa Linggo, July 22, naman ang gala night ng pelikula sa Main Theater ng Cultural Center of the Philippines.

Kung ang co-stars niyang si Lj Reyes ay nag-topless at si Joross Gamboa ay unang beses na nagkaroon ng pumping scene, ano naman ang kakaibang ginawa rito ni JM?

“Ako po, skinless,” sagot niya.

Paanong skinless?

“As in, sobra po talaga. First time kong mahubaran dito emotionally... hubo’t hubad, hindi ako nagbibiro. As in, sobrang punit.

“Ang tagal ko pong naka-get over. Siguro mga two weeks, three weeks after ng shooting, depressed ako.

“Basta, ang dami pong nangyari sa akin dito—physically, emotionally, and mentally.”

Kung papakinggan ang mga pahayag niya, ibig bang sabihin ay na-trauma siya?

“Hindi naman,” sabi ni JM.

“Basta ang istorya niya po kasi, pokpok ang nanay niya. Ang tatay niya nagpakamatay dahil nahuling nakapag-sex ang nanay niya.

“Si LJ, na only hope niya, nalaman niyang pokpok. Itinuloy niya pa rin.

“Nag-invest into something, nawala, itinuloy niya pa rin.

“Kaya sobrang taas ng tingin ko kay Intoy.

“Kahit anong mangyari sa kanya, kahit anong problema niya, problemang ibinigay ng sitwasyon o problemang ibinigay ng lugar kunsaan siya nakatira, he just keeps moving forward, forward, forward.

“Kasi lalamunin ka, magiging syokoy ka lang.”

UNDERSTANDING INTOY. Naging honest si JM nang tanungin namin kung noong una bang inialok sa kanya ang pelikula—na isinulat ni Jerry Gracio at idinirek ni Lem Lorca—ay tinanggap na niya agad.

Umiling si JM saka sinabing, “Hindi ko po maintindihan. Sinabi ko talaga, ‘Hindi ko po maintindihan. Sorry po. Bakit ko gagawin ang isang bagay na hindi ko maintindihan?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos yun, pinaintindi sa akin.

“Ayun, sobrang minahal ko na ang karakter niya.”

Bakit naging Intoy Syokoy ang pangalan niya sa pelikula?

“Tingin ko po, wala siyang identity, lost.

“Meron siyang mumunting pangarap.

“Although binibigyan siya ng palayaw na Syokoy, dahil palagi niyang nilulunod ang pangarap niya sa problema, pinatunayan niyang hindi. Na it’s just a palayaw.”

Posible kayang masungkit niya ang Best Actor award sa Cinemalaya this year dahil sa pagganap niya sa pelikulang ito?

“Hindi po ako umaasa,” sambit ni JM.

“Ayokong umasa. Never. Pangit umasa. Parang masasaktan ka lang kung hindi mangyari.

“Ang alam ko lang, ibinigay ko ang best ko. Tapos, bahala na si Lord.”

ALL PRAISE FOR LJ. Ayon kay JM, ang leading lady niya sa pelikula, si LJ, ang deserving manalo ng award sa pelikula nila.

Sabi ng Kapamilya actor tungkol sa Kapuso actress, “Siya, deserving siyang manalo ng award.

“Kasi po, sa lahat ng ipinakita niya, kung paano siya katrabaho, hindi po ako nahirapan. As in, naging sobrang dali ng trabaho ko.

“Kahit wala siya do’n sa eksena, by observing her dedication sa trabaho niya, parang ang dali lang sa akin.

“Buong-buo ang character niya, so na-imagine ko po siya na madali lang siya.”

Ayon naman kay LJ, gentleman si JM.

Pagkatapos kasi ng eksenang naka-topless siya ay nakalimutan niyang wala siyang suot nang tumayo, si JM daw ang naghagis ng unan sa kanya.

Ano ang masasabi ni JM dito?

“May respeto po ako kay LJ. Hindi po siya kabastos-bastos.

“Sexy po siya, at hindi hamak na maraming lalaki ang mapapanganga sa katawan niya at sa hitsura niya.”

May nagbiro naman kay JM na dahil sa sinabi niya, baka raw mag-react si Paulo Avelino, na ama ng anak ni LJ.

Napatigil si JM saka natatawang sabi na, “Sige na nga, respeto na rin kay Paulo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagkausap naman kami ni Paulo, kinumusta niya shooting namin.

“Sabi ko, okay naman. Malinis naman ang konsensiya ko.

“Alam naman namin na trabaho ’to at professional ang ginawa naming approach.”

Puring-puri rin ni Boy Abunda, isa sa mga producer ng pelikula, ang ipinakita nilang pag-arte sa Intoy Syokoy.

Sabi ni JM tungkol dito, “Ang sarap sa pakiramdam. Sobrang thankful talaga ako kay Kuya Boy na ako ang kinuha niyang lead.

“At first, akala ko, simpleng movie lang siya. Pero sobrang laki ng itinulong. Grateful talaga ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN