Toni Gonzaga on TV host Vice Ganda as her love interest in new movie: “E… ito, mas babae pa sa akin ang leading man ko!”

Toni Gonzaga describes how she deals with having Vice Ganda as a love interest: “Kapag si Vice lalaki, lalaking kumilos. Para siyang matangkad na lalake kaya… tapos masarap pang kausap. Alam mo yun… masarap kasama? Minsan iisipin mo lang talaga, ’Ay, babae rin nga pala si Vice!’ Para hindi ako malito!”


Marami ang nakakapansin sa very slim na pangangatawan ni Toni Gonzaga ngayon.

Pero hindi naman daw siya todo-diet.

“Nagyo-yoga lang ako,” aniya nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa The Buzz kahapon, July 22.

“Basta may chance, nagyo-yoga ako. Tapos nagda-dance class din ako… ballroom.

“Nagpapayat talaga ako para sa movie’ng ginagawa ko with Vice [Ganda] ngayon. E, kasi… leading lady niya ako.

“Baka maging mas maganda pa sa akin si Vice. Kaya nagpapaganda ako!” sabay tawa ng actress-TV host.

Napupuna ba ng boyfriend niyang si Direk Paul Soriano ang effort niyang magpapayat at mas magpaganda pa?

“Of course!” tawa ulit ni Toni.

“Pero ayaw naman ni Paul ng masyadong payat. Gusto niya, medyo may laman din naman nang konti.

“Kaya lang minsan, dahil nga kapag sunod-sunod ang trabaho tapos nakakalimutang kumain… yun!”


MACHO LOVE INTEREST. Exciting para kay Toni na hindi isang hunk actor o guwapong leading man ang kapareha niya sa latest project ng Star Cinema, kundi si Vice Ganda nga.

“Hindi pa-girl si Vice sa pelikulang ito. Lalaki siya rito.

"May working title na ito pero babaguhin yata kaya hindi ko pa masabi.

“So… talagang exciting kung paano siya magpapakalalaki.

“Nakaka-four shooting days na kami. At walang sayang na oras dahil masaya kami sa set.”


KISSING SCENE! Ano yung nakunang eksena nila ni Vice na sa palagay niya’y siguradong ikaaaliw ng moviegoers?

“Kissing scene!” patili at natawa ulit na sabi ni Toni.

“Basta may kissing scene kami na parang nangyari na parang hindi. Na… nakakatawa talaga no’ng kinunan namin.

“Yung may romantic scene kami ni Vice na hindi namin makunan. Kasi tawa kami nang tawa.

“Last week kinunan yung kissing scene namin. Kaya siguro binagyo tayo dahil hindi matanggap ng tadhana ang mga nangyayari!” napabungisngis na sabi pa ni Toni.

May kaibahan ba ang feeling na si Vice ang kahalikan niya sa eksena kumpara sa mga kissing scene niya noon sa mga guwapong aktor na nakapareha niya before?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually, kakaiba talaga yung eksena namin ni Vice kaya hindi ko mai-describe.

“Basta may intimate scene kami ni Vice na… na pa-kissing scene nga, kaya abangan na lang ninyo.”

Ano ang nakikita niyang guarantee na magugustuhan ng moviegoers ang tambalan nila ni Vice?

“Iba kasi, e… Bago.

“Di ba, usually sanay tayo sa romantic-comedy na guwapong lalaki at isang babae na talagang kinikilig sa lovescene?

“E… ito, mas babae pa sa akin ang leading man ko!” tawa na naman niya.

“So… exciting sa akin ito!”

Hindi kaya sa pagtatambal nila sa pelikula, lumabas na ang pagiging lalaki ni Vice?

“Minsan nga, nararamdaman ko lalaki siya, e. Ha-ha-ha! Nagugustuhan ko siya... Oo.

“E, kasi… kapag si Vice lalaki, lalaking kumilos. Para siyang matangkad na lalake kaya… tapos masarap pang kausap. Alam mo yun… masarap kasama?

“Minsan iisipin mo lang talaga, ’Ay, babae rin nga pala si Vice!’ Para hindi ako malito!” tawa ulit ni Toni.


STILL ON. May tsismis na nagkakalabuan na raw sila ni Direk Paul?

Hindi raw alam ni Toni kung bakit may ganoong isyu dahil nananatiling okey naman daw at maganda ang takbo ng relasyon nila.

“Ang dami ngang nagtatanong sa akin. E… siguro kaya ganoon, naka-limang taon na kami, tapos uso ang hiwalayan ngayon.

“Kaya ang akala nila siguro, e, papunta rin kami roon.

“Pero so far naman, so good. Kapag walang trabaho, we really find time for each other. And happy naman kami.”


COMPETING SHOW. Sa July 29 ang last episode ng Showbiz Central, ang showbiz talk show ng GMA-7. At inihahanda na ang bagong showbiz-oriented show ng Kapuso enetwork, ang Hot TV, na itatapat sa The Buzz simula August 5.

Ang Hot TV will be hosted by Regine Velasquez kasama sina Roderick Paulate, Richard Gutierrez, at Jennylyn Mercado.

“Wow! Idol ko si Regine. Gusto ko siya!” nangiting reaksiyon ni Toni.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bilang isa sa hosts ng The Buzz, ano ang feeling niya kapag ganoong may bagong show na itatapat sa kanila?

“Ako naman, e, nakakadalawang taon pa lang sa The Buzz. Thirteen years na ang the Buzz. So pakiramdam ko, bago pa lang ako rito.

“Kaya wala pa ako sa posisyon na mag-react doon sa itatapat sa amin.

“Basta masaya lang ako na nabigyan ako ng opportunity na maging part ng The Buzz na isang showbiz authority sa industriya.

“And working alongside with Tito Boy [Abunda], na ang dami kong natututunan every Sunday.”

Matapos ng Pinoy Big Brother (PBB) Teen Edition, may panibagong show na gagawin si Toni sa ABS-CBN.

Pero hindi pa siya makapagkuwento ng detalye tungkol dito.

“Basta meron kaming bagong programa na sa ngayon ay pinaplanong mabuti na mapaganda nang husto.

“Hindi siya teleserye. It’s a variety show…

“Basta… isang masayang bagong programa ang binubuo namin,” panghuling naging pahayag ni Toni.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN