Vilma Santos on box-office queen title: "Kahit papaano naman, e, grumadweyt na ako diyan.”

Vilma Santos stars in her seventh film after joining politics in 1998. Her latest offering is The Healing, a suspense-horror movie from Star Cinema.


Tila walang pagod si Batangas Governor Vilma Santos sa pagpu-promote ng pelikula niyang The Healing ng Star Cinema.

Kahapon nga, July 22, mula tanghali ay inabot na ang Star for All Seasons ng gabi na nasa loob lang ng ABS-CBN compound.

Nag-guest siya sa ASAP 2012, kung saan binigyan siya ng tribute kaugnay ng kanyang 50th anniversary sa showbiz.

Pagkatapos ay diretso siya sa live interview niya sa The Buzz.

Kasunod nito ay ang taped interview naman sa kanya ni Boy Abunda para sa Bandila.

Habang naghihintay para sa panayam na iyon sa kanya ni Boy, nagkaroon ng pagkakataon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makausap si Governor Vi.

Inamin niya na may kaba pa rin siyang nararamdaman kapag ganitong may bago siyang pelikulang ipalalabas.

“Oo naman! In every movie na gagawin mo, basta showing, hindi mo talaga maaalis yung kaba. Natural yun.

“And, siyempre, gusto mong kumita yung movie mo, di ba?” pahayag ng actress-politician.

BOX-OFFICE APPEAL. Kahit maraming offers, bihira talagang makagawa ng pelikula si Vilma dahil ang pagiging public servant ang higit daw niyang pinaglalaanan ng panahon.

Pero bawat proyektong kanyang pagbidahan ay maganda naman ang naitatalang record sa takilya. Kumbaga, hindi pa rin kumukupas ang kanyang box-office appeal.

Mula nang pasukin ni Vilma ang pulitika noong 1998 ay pitong pelikula lang ang nagawa niya: Bata, Bata Paano Ka Ginawa? (1998), Anak (2000), Dekada ’70 (2003), Mano Po 3: My Love (2004), In My Life (2009), at ito ngang The Healing ni Direk Chito Roño.

Bukod sa The Healing na ipalalabas pa lang sa July 25, kumita nang malaki sa takilya ang mga pelikulang ito ni Ate Vi.

“Kaya nag-a-appeal ako na panoorin yung pelikula. Sana ay manood kayo,” nakangiting sabi ng Star For All Seasons.

SOBRANG PISIKAL. Sabi ni Direk Chito, sobrang pisikal ng The Healing kung ikukumpara sa naunang tatlong projects na pinagsamahan nila ni Vilma—Ikaw Lang (1994), Bata, Bata Paano Ka Ginawa?, at Dekada ’70.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero ayon kay Ate Vi, “Hindi naman lahat, pero may mga part nga ng pelikula na sobrang... Pero the usual na drama-drama ko, this time merong pisikal.”

Ano ba ang pinakamahirap at sobrang pisikal na eksenang ginawa niya sa pelikula?

“Yung mga fight scenes.

“Pero yun na nga ang mahirap, kasi sa horror movie, hindi mo puwedeng i-reveal, e. Pinagbabawalan kaming i-reveal.

“Kasi kapag ibinigay mo na yung ano… lalabas na yung istorya.

“Kaya usually kapag horror, limitado yung pupuwede mong sabihin. Or else, parang giveaway na kasi.”

VILMA VS NORA? Usap-usapan din lately, posibleng maging mas exciting daw ang awards season next year kung maipalalabas din sa taong ito ang indie film na Thy Womb na ginawa naman ni Nora Aunor.

Matagal-tagal na rin kasing hindi nagkakatapat as best actress nominees sa mga award-giving bodies ang itinuturing na pinakamahigpit na magkaribal sa Philippine showbiz.

Ano ang masasabi ni Governor Vi dito?

“Hindi ko na iniisip yun,” nakangiting sabi niya.

“I mean, as it is, napakarami ko ng blessings na natanggap.

“When it comes to awards, napakarami ko na, and I’m very thankful.

“Pero para isipin ko pang makipag-compete, hindi na.

“Because at the end of the day, definitely awards, e, nagbibigay ng prestige sa isang artista, pero box-office pa rin ang foundation.

“So I’m very thankful with all the awards. Nagbigay rin kahit papa’no ng prestige iyon sa akin bilang artista.

“But again, at the end of the day, importante pa rin yung box-office. Kasi foundation iyon ng isang artista, e.

“So ang ano… kumita muna yung pelikula. Kapag nagka-award ka, bonus! Di ba?”

Umaasa pa rin ba siyang magkaroon ng award bilang Box-Office Queen?

Apat na beses ginawaran ng Box-Office Queen of Philippine Movies si Vilma ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation, Inc. (GMMSFI): noong 1977, 1982, 1984, at 2001. Bukod pa rito ang box-office queen titles na iginawad sa kanya ng iba’t ibang award-giving bodies.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ni Ate Vi, “Hindi na. The mere fact na… I’ve been there, I’m very thankful.

“And the mere fact lang na kumita yung movie mo, panoorin ito ng marami, at mabawi ng producer yung kanyang pinuhunan, that’s good enough. ‘Yon lang!

“But aside from that, hindi na.

“Ibig kong sabihin, kahit papaano naman, e, grumadweyt na ako diyan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN