Gardo Versoza defends gay-themed indie films against critics

Nagbigay ng kanyang opinyon si Gardo Versoza tungkol sa batikos ng ilan na karamihan ng indie films ngayon ay kabaklaan ang tema. Aniya, “Foul naman siguro kung sabihin na kabaklaan ang mga indie films. Kasi kumbaga, to each his own, hindi ba? So, wala naman akong nakikitang masama kung kahit gaano pa kabakla ang gagawin nila. And kung ayaw nilang manood, wala namang pumipilit sa kanila, hindi ba?"


Naniniwala si Gardo Versoza na mas nailalabas ng mga taga-indie films ang kanilang kakayahan bilang artists kumpara sa mga nasa mainstream.

Para sa aktor, mas nakikita niya ang kalayaan at nakakapag-eksperimento siya sa ganitong klase ng genre.

Ayon pa sa aktor, masaya siya kapag nakakagawa ng indie project tulad ng Bwakaw—entry sa Directors’ Showcase section ng Cinemalaya 2012.

“Kahit sabihin nating mas maliit ang bayad dito, masaya ako kapag gumagawa ako ng mga project na tulad nito.

“At saka marami rin namang mga bagay na kinu-consider kapag gumagawa ng ganito, like… unang-una na iyong story.

“Then yung director at kung sino ang mga makakasama mong artista, then yung role mo.

“So, kapag happy ka at gusto mo naman ang ginagawa mo, parang kumbaga, secondary na lang iyong pera, e.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa gala premiere ng Bwakaw sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Lunes, July 23.

ART FILMS? Ikalawang indie film na ni Gardo ang Bwakaw; ang una ay ang Astig na naging entry sa Cinemalaya noong 2009.

Masasabi ba niyang mas tunay na art ang indie films dahil hindi nito pinahahalagahan ang kita ng pelikula?

Sagot ng aktor, “Sa tingin ko ay puwede rin namang paghaluin, like kagaya nitong kuwento ng Bwakaw.

“Parang iyong dalawang aspetong nakikita natin, puwede siyang pagsabayin sa iisang pelikula.

“Na, puwede mo siyang i-commercialize and, at the same time, mayroon kang freedom of expression…

“So, naniniwala ako na kapag ipinalabas sa regular theaters itong Bwakaw, kakagatin din ito ng publiko.

“Unang-una dahil kay Direk Eddie [Garcia, lead actor], kasunod niyon ay iyong kabuuan ng pelikula.

“Kasi kahit sa trailer pa lang, mae-enjoy mo na iyong pelikula.

“And feeling ko, kahit dalhin sa ibang bansa, e... kasi kumbaga, mayroon itong universal na mensahe, e.

“Iyong pelikula, malapit sa akin dahil dog lover ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And maganda iyong kuwento tungkol sa bida. Kasi parang maihahalintulad siya sa kahit na sinong tao, makaka-relate sa kanya.

“Nangyayari ito sa totoong buhay at maraming magagandang mensahe itong Bwakaw, pero hindi siya sobrang bigat panoorin. Kaya mae-enjoy mo nang husto,” wika pa ni Gardo.


TYPECAST. Mayroon ba siyang role na gustong magampanan sa mga susunod na indie films na gagawin niya?

“Oo, sana magawa ko ulit iyong role na Rajah Mangubat, na nagawa ko lang sa teleseryeng Amaya.

“Kasi dream ko talaga sa pelikula na makagawa ng parang Braveheart ni Mel Gibson.”

Bading ang papel niya sa Astig, so kung gaganap siya ng role ng isang bading ulit, may challenge pa ba iyon sa kanya?

“Kapag kasi ganoon, parang feeling ko ay ikinakahon na, e. Let’s say screaming faggot o eskandalosong gay ang papel, parang mahirap pa rin siyang gawin.

“Pero kasi, mas madalas nang gawin iyong ganoon. So, okay lang sa akin gawin din iyon.

“Pero mas challenging para sa akin iyong nakatago o closet queen,” nakangiting sabi ni Gardo.

GAME FOR SEXY FILMS. Sinabi rin ni Gardo sa PEP na game pa rin siyang gumawa ng bold o sexy movies tulad ng dati pero may mga limitasyon.

“Siguro iyong penetration!” nakatawang biro ni Gardo.

“Kasi, kung wala namang nao-offend doon sa mga prinsipyo mo, okay lang naman iyon.”

So, kaya ba niyang mag-frontal nudity sakaling may magandang indie project na iaalok sa kanya?

“Well, we’ll cross the bridge when we get there,” pahalakhak na tugon niya.


GAY THEMES. Ano naman ang komento niya na ang ilang indie films ay puro kabaklaan ang tema at nae-exploit lang ang ibang baguhang aktor?

“Iyong kasing ganoong aspeto, inalam ko na iyan dati, e.

“And para sa akin, justified naman iyong rason nila dahil mas madaling maka-penetrate sa mga festivals abroad kapag nasa ganoong vehicle idadaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, for me, klaro na parang mas madali ngang isulong.

“Pero feeling ko ay mayroon pa namang mas iba ding ways na ano…

“Nagkataon lang siguro na parang mas hindi sila mahihirapan kung ganoong klaseng tema ang gagawin nila.

“And sa tingin ko, kung sasabihin nilang kabaklaan lang iyan, wala naman sigurong masama sa pagiging bakla, hindi ba?

“Foul naman siguro kung sabihin na kabaklaan ang mga indie films. Kasi kumbaga, to each his own, hindi ba?

“So, wala naman akong nakikitang masama kung kahit gaano pa kabakla ang gagawin nila.

“And kung ayaw nilang manood, wala namang pumipilit sa kanila, hindi ba?" pahayag ni Gardo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN