Indie prince Coco Martin returns to Cinemalaya: "Masarap, sobrang sarap sa pakiramdam!"

Pagkatapos ng apat na taon ay nagbalik sa Cinemalaya ang tinaguriang Indie Prince na si Coco Martin. Tampok ang matinee idol sa New Breed entry na Sta. Niña.


Maagang dumating si Coco Martin sa Cultural Center of the Philippines (CCP) kagabi, July 24, para sa gala premiere ng kanyang Cinemalaya 2012-starrer na Sta. Niña.

Ang New Breed entry na ito ay idinirek ni Manny Palo.

Bandang alas-otso ng gabi, marami ng manonood at iba pang bystanders sa main lobby ng CCP ang nag-aantabay sa pagdating ni Coco.

Nang dumating ang aktor, malakas na sigawan ang sumalubong sa kanya, and he was nearly mobbed bago nakaakyat patungong second-floor verandah, para sa cocktails at media interviews.

Kasama ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mga taga-media na nag-interview kay Coco bago magsimula ang gala screening.

Sa magandang response ng mga narooon, na maagang nag-antabay sa pagdating ni Coco, ay naging masayang-masaya ang premyadong aktor.

"Nakakatuwa kasi nga maraming excited para sa pelikula," bungad ni Coco.

"And sabi ko nga, nung napanood ko yung pelikula namin, talagang sulit yung pinaghirapan namin.

"Sobrang bilib ako sa mga nakatrabaho kong artista at saka sa direktor ko."

Pero hindi pa rin daw maalis kay Coco ang naramdamang matinding kaba ng mga sandaling iyon.

Aniya, "Nanginginig ako... nung pagbaba ko pa lang sa sasakyan.”

Kumaway si Coco sa fans na nakatingala sa kanya, at sapat na iyon para matuwa at muling magsigawan ang mga ito.

Sabi pa ni Coco, "Masarap, sobrang sarap sa pakiramdam... yung pagbabalik ko dito [sa CCP] na ganitong kainit ang pagtanggap sa akin ng mga tao."

INDIE COMEBACK. Ang muling pagtuntong ni Coco sa CCP grounds ay hudyat nang muling pagbabalik sa larangang pinagmulan niya at kung saan siya nagtagumpay, bago pumalaot sa mainstream, kung saan isa siya sa pinaka-popular na aktor ngayon.

Ang pelikulang Sta. Niña ang naging daan ni Coco upang balikan ang kanyang pinagmulan.

Si Coco ang tinaguriang "Indie Prince of Philippine Movies" at ang ilan sa naging matatagumpay niyang pagbibida, na nagkaroon ng international acclaim, ay ang mga sumusunod: Masahista (2005), Tirador (2007), Serbis (2008), at Kinatay (2009)—na pawang idinirek ni Brillante "Dante" Mendoza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil din sa body of work ni Coco, sa mga independently produced films, kaya siya nahirang na Aktor ng Dekada at naparangalan sa 34th Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

Hindi inisip ni Coco na iwan ang paggawa ng indie films gaano man siya naging abala sa paggawa ng mga teleserye at mainstream movies.

Aniya, "Dati ko pa sinabi, naghahanap talaga ako ng konsepto... Actually, may time nga na nalungkot ako, parang hindi na ako masyadong kinukuha para sa indie.

"’Ba’t gano’n? Parang hindi na nila ako pinapansin?" naitanong daw ni Coco sa sarili.

"Until nakahanap ako ng magandang materyal, hindi ko na siya pinakawalan."

Hindi kaya ang pagiging sikat at kamahalan ng talent fee ni Coco ang dahilan kaya hindi na siya maikunsidera for low-budget indie movies?

"Hindi," pagsalungat ni Coco.

"Dati pa, sabi ko nga, never naman ako nag-ask ng talent fee.

"Basta’t gusto ko yung konsepto at naniniwala ako, gagawin ko ito, all-out!" masiglang pagtukoy pa ng matinee idol.

ON STA. NIÑA. "Tungkol ito sa isang milagro, isang himala, na nagkaroon ng epekto sa isang bayan," banggit ni Coco sa kuwento ng pinagbibidahan niyang indie film.

Ginagampanan ni Coco sa Sta. Niña ang isang mahirap na ama na nagtatrabaho sa isang pook na natabunan ng lahar sa pagputok ng bulkang Pinatubo.

Ang ama ay namatayan ng dalawang-taong-gulang na anak na babae. Matapos ang sampung taon, natagpuan ang bangkay ng bata na hindi pa naaagnas mula nang maanod sa binahang lahar area.

Dito nagsimula ang ilang mahimalang kaganapan na nagpabago sa takbo ng buhay ng mga tauhang nasasangkot.

"Bago ito,” patuloy ni Coco, “sa dami na ng mga indie na nagawa ko. Nung nabasa ko yung script, sabi ko, nakikita ko na malaki ang potensiyal nito bilang indie film, na mailalaban sa abroad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumbaga, sa sobrang sanay ko na sa paggawa ng indie, alam ko na ito’ng pelikulang ito ang hinahanap ko.

"Matagal-tagal na din, almost three years."

Bago ito, ang huling indie film ni Coco ay ang ’Noy (2010) ni Dondon Santos.

"Nakakatuwa! Sabi ko nga, nakabalik uli ako dito, at napakasarap ng pakiramdam every time na gumagawa ako ng indie."

SACRIFICES. Hindi biro ang naging mga sakripisyo ni Coco sa paggawa ng Sta. Niña.

Kabilang dito ang pagdanas sa mga karanasan ng isang penitensiyador sa mga tagpong ukol sa Semana Santa.

Ipinakitang nagbuhat ng mabigat na krus na kahoy at nagpapako sa krus si Coco.

"Pinagdaanan talaga namin yung proseso ng character ko dito," ani Coco.

"Physically, sobrang naghirap talaga ako dito. May mga sakripisyo, ang dami!"

Sa totoong buhay ay deboto ng Poong Nazareno si Coco.

Ayon din sa kanya, may wangis ang ginampanan niyang tauhan sa totoo niyang pagkatao.

"Medyo," sang-ayon niya.

"Actually, bago nga ako pumunta dito, bumaba muna ako sandali... dumaan ako sa Quiapo [church].

"Nakakatuwa kasi ang character ko sa Sta Niña, malapit sa puso ko. Ang pelikula, malapit sa puso ko."

Naniniwala ba si Coco sa mga milagro?

"Oo naman. Hindi naman milagro, kundi naniniwala ako sa Diyos… na walang imposible kapag humiling ka sa Kanya."

CINEMALAYA BEST ACTOR AWARD. Pangalawang Cinemalaya-starrer na ni Coco ang Sta Niña.

Ang una niyang pagganap sa isang New Breed entry ay sa Jay (2008).

That time, natalo si Coco kay Yul Servo (Brutus) sa best supporting actor award.

Sa taong ito, lalaban naman si Coco para sa Best Actor ng New Breed category.

"Hindi ako nag-e-expect," paunang sambit ni Coco.

"Sanay naman akong lumaban nang... sanay akong matalo. Pero kahit paano, pinapala.

"Pero kung manalo, bonus na po yun."

WELL-SUPPORTED. Bukod sa cast ng Sta Nina, dumalo sa gala night ang mga bida ng teleseryeng Kung Ako’y Iiwan Mo, na sina Jake Cuenca at Shaina Magdayao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dumating din sina Aiko Melendez, Pops Fernandez, G Tongi, at Tonton Gutierrez; ilang executives ng ABS-CBN tulad nina Deo Endrinal at Ms. Cory Vidanes; at si Biboy Arboleda, manager ni Coco.

Sa main cast ng Walang Hanggan, na pinagbibidahan ni Coco, dumalo ang movie queen na si Ms. Susan Roces.

Tuwang-tuwa si Coco sa suportang ibinigay ng mga kasamahang aktor at aktres ng naturang ABS-CBN drama series.

"Actually, may taping kami ngayon, e," sabi niya.

"Pero yung iba, like si Susan Roces, makakapunta po. Kahapon pa lang, excited na excited na si Tita Susan para sa akin, e."

Nagpapatuloy ang tagumpay ng Walang Hanggan, ratings-wise at sa viewers’ feedback.

"Sobrang sarap sa pakiramdam, na talagang nagbubunga yung pinaghirapan namin.

"Kahit almost every day, nagtatrabaho kami dito para talagang mabigyan namin ng magandang kuwento, ng magandang soap opera ang manonood," pagwawakas ni Coco.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN