President Noynoy Aquino confirms declaration of Fernando Poe Jr. as National Artist

Sa proklamasyong inilabas ng Malacañang kanina, July 27, muling iginawad ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang posthumous award na National Artist for Film sa yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino Fernando Poe, Jr. (nasa larawan).


Ipinagkaloob na ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang posthumous National Artist award sa yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr.

Inilabas ng Malacañang kanina, July 27, ang Proclamation No. 435, na nagkukumpirma ng pagkakahirang kay FPJ bilang National Artist for Films noong 2006.

Narito ang bahagi ng statement:

“Pursuant to the authority vested in me by law, I Benigno S. Aquino III, President of the Philippines, do hereby confirm the declaration of Ronald Allan K. Poe a.k.a. Fernando Poe Jr. (Posthumous) as National Artist as conferred in Proclamation No. 1069, dated May 23, 2006.”

Naideklarang National Artist si FPJ noong 2006, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo.

Subalit tumanggi ang asawa ni FPJ na si Susan Roces na tanggapin ang parangal ng Malacañang dahil sa kawalan nito ng respeto sa dating pangulo.

Matatandaang naging mahigpit na magkalaban noong 2004 presidential election sina FPJ at Arroyo, na ngayo’y congresswoman ng Pampanga at nililitis sa corruption charges batay sa mga taon niya bilang presidente.

Isa si Susan sa maraming nanawagang mag-resign noon sa posisyon si Arroyo bilang presidente dahil sa akusasyong pandaraya sa eleksyon.

Nang maupo bilang pangulo si PNoy noong 2010, nagpahayag ang pamilya ni FPJ na handa na silang tanggapin ang National Artist award sa ilalim ng pamamahala nito.

Namatay si FPJ, 64, pitong buwan matapos ang halalan noong 2004 dahil sa “thrombosis with multiple organ failure.”

Milyon-milyong Pilipino ang naniniwalang siya ang tunay na nahalal na Presidente ng Pilipinas noong halalan ng 2004.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN