Marvin Agustin on the mother of his twins: "She will just remain as a friend. We’re very, very good friends."

Marvin Agustin reveals secret of his success in showbiz: "Yun nga ang sinasabi ko, na ‘yang mga favorites na ‘yan, hindi ka naman magiging favorite nang walang dahilan. Nagiging paborito ka dahil ginagawa mo ang trabaho mo, masarap ka katrabaho, magaan kang katrabaho. So, I guess I’m a worker. Kahit saang istasyon siguro ako mapunta, alam ko ang responsibilidad ko, alam ko ang dapat kong gawin. I deliver.”


Kuntento na si Marvin Agustin sa kanyang role bilang host-adviser-mentor sa Artista Academy, ang bagong reality artista search ng TV5, na magsisimula ngayong gabi, July 30.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Marvin, sa pocket presscon na inihanda ng TV5 para sa kanya noong Biyernes, June 27, sinabi nitong hindi niya inasam na mapunta sa kanya ang papel na isang judge ng nasabing talent search.

“Alam ko, mas mahirap ang trabaho ng judge. Kunwari, kung papipiliin ako between hosting and judging, I’d rather host. Mas settled na ako sa ganung trabaho,” saad niya.

Hindi na bago kay Marvin ang paglusong sa hosting dahil dumaan siya sa mga pagsasanay.

“I’ve done mga hosting workshops na rin before with Tito Boy [Abunda], with Freddie Santos… Nag-training na kami dati.

“At saka actually, ‘yang hosting, it’s more on… Ako, ha, for so many years na nasa telebisyon ako, it’s actually not being talkative, e."

Ito ang insight ni Marvin: “It’s not talking, e—it’s listening.

“Yun bang you connect more sa taong kinakausap mo, sa audience, yung mas nakikinig ka.

“Minsan mas masarap pa nga yung hindi mo iniisip kung ano ang mangyayari, just keep the conversation going. Mas lumalabas na maganda yung interview,” saad niya.


WORKING AS A HOBBY. Hindi lang showbiz ang pinagkakaabalahan ni Marvin. Ilang taon na rin siyang merong inaasikasong chain of restaurants.

Isa na rito ang Sumosam, sa Gateway Mall, kung saan ginanap ang pocket presscon niya.

Paano niya dini-de-stress ang sarili sa buong linggong subsob siya sa trabaho?

“Alam naman ninyo na hobby ko ang pagtatrabaho. So, this is something…” naputol si Marvin sa sasabihin nang marinig ang komento ng isang writer na ang pang-de-stress ng aktor ay ang pagbibilang ng pera.

“Wala nga. So, wala akong rest, kaya wala akong binibilang…” sabi ni Marvin, saka ipinagpatuloy ang kanyang sasabihin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hobby ko ang trabaho, e. It doesn’t make me feel I’m working.

“Saka ang sarap kasi na, parang hosting, then the next day I manage the restaurant, then the next day gagawin ko yung production.

“So, hindi siya nakaka-burnout.

“So, yung weekends, I make it a point na… kunwari, like Sunday, I spend time with the family.”

DISNEY CRUISE. Isa nga sa ginawang pahinga ni Marvin ay ang Disney cruise nito kasama ang kanyang kambal na sina Santiago at Sebastian.

Limang araw silang nag-cruise at napunta pa ng Bahamas.

Kuwento ni Marvin, hindi niya alam na dadaan pala sila ng Bahamas kaya ganun na lang ang tuwa niya.

“Tapos, nagpunta kami ng private island ng Disney… so very, very happy.”

Maliban kay Marvin at sa kambal niya, kasama rin sa trip ang dating kasintahan at ina ng kanyang mga anak.

Dahil dito, inulan ng tukso si Marvin na baka raw magkaroon ng “kapatid” ang kanyang kambal.

“Magastos po ang kambal! Kakabayad ko lang ng school nila. Times two nang times two ang bayad, grabe!” sagot niya.

MARVIN’S HEART. Maganda ang takbo ng career ni Marvin at ganun din ang kanyang mga negosyo. Kumusta naman ang kanyang puso?

“Okey naman siya,” mabilis niyang sagot.

Nananahimik ba ang puso niya ngayon?

“Hindi mananahimik ang puso… Ay, hindi raw mananahimik ang puso!” natatawang bulalas ni Marvin.

Itinanggi ng actor-TV host na nagkabalikan sila ng ina ng kanyang mga anak.

“Hindi po. She will just remain as a friend. We’re very, very good friends.

“Minsan lumalabas rin naman kami dahil maganda naman talaga yung relationship namin,” saad niya.

Single pa rin ba ang nanay ng kanyang kambal?

“Hindi ko alam ngayon. Hindi namin pinag-uusapan ngayon dahil ayoko rin naman na tinatanong ko siya,” tugon ni Marvin.

Wala bang balak si Marvin na “magpa-audition” para sa puso niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“’Yan ang gusto ko! Next year yata, ‘yan ang reality show!” nakangiting biro ni Marvin.

Wala raw namagitang “romantic moments” sa pagitan ni Marvin at ng dating kasintahan sa buong panahon ng kanilang vacation cruise.

“Hindi. Parang ano naman ’yan… ano yun, sweet-sweetan? Loveteam? Sasagutin ko ba ’yan?" nag-aalangang sagot ni Marvin.

Magkahiwalay ba sila ng kuwarto?

“No, we stayed in one room. Pero wala namang ano…”

Hindi ba humihingi ang kambal ng bagong kapatid?

“Minsan, nasasabi nila.”

Paano niya sinasagot ang tanong ng mga anak?

“Hindi ko na lang naririnig. Saka na lang yun. Next meeting yun. Next agenda, anak. Magbasa kayo ng libro!”

Halatang panay iwas si Marvin sa anumang usapan tungkol sa kanila ng kanyang ex, kaya panay ang pagbibiro niya sa mga press na kaharap.

Mabuti naman at naging magkaibigan sila ng ex niya, hindi gaya ng ibang couples na nagkahiwalay?

“Oo naman. That’s what we promised with each other for the kids.

“Hindi na nga natin nabigyan ng perpektong… or yung set na the usual, huwag na nating pahirapan pa ang buhay nila.

“That’s what we promised with each other, we will remain friends.”

Pero hindi niya isinasara ang kanyang puso?

“Hindi mo puwedeng isara ang puso.”

Yung magkabalikan sila ng ex-girlfriend nuya?

“In general na lang… in general na lang,” sabi niya.

PRODUCER. Ang Artista Academy ang unang project na naka-line up kay Marvin sa TV5.

Nakalatag na rin ang Kanta Pilipinas bago matapos ang taon. Isa itong singing talent search na siya mismo ang producer.

Sa pagkakataong ito, sa likod lang ng kamera magtatrabaho si Marvin at hindi siya maghu-host.

Noong May 15 pa napili ang contestants at kasalukuyan silang sumasailalim sa training bilang paghahanda sa pagsalang nila sa kontest.

“Galing kasi sa isa pang reality ang TV5, which is Artista Academy, kaya we want to be different and more exciting,” sabi ni Marvin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Malaking bagay raw na naurong ang dapat sana’y launching sa ere ng Kanta Pilipinas para mas mapaganda pa nila ang production values nito.

Hindi nga lang makapagbigay ng ibang detalye si Marvin tungkol sa programa dahil patuloy pa raw ang ginagawa nilang adjustments para mapaganda pa ang show.

Kung hindi sa huling linggo ng Oktubre, maaaring ilabas daw ito anumang araw sa Nobyembre, pagkatapos na pagkatapos ng Artista Academy.

DIRECTOR. Pinasok na ni Marvin ang pagiging TV producer, at pangarap din daw niya ang magdirek.

“Actually, pangarap ko ’yang magdirek, pero hindi lang ngayon. Pacing ang mga pangarap. Isa-isa lang po ang mga pangarap,” sabi niya.

Sasailalim din ba siya ng formal training sa directing bago siya sumabak dito?

“More than learning ng filmmaking sa school, it’s actually maturity ng pagkatao ng isang tao na magkuwento ng istorya.

“Kaya nga ako sobrang tuwang-tuwa sa Bwakaw,” pagtukoy ni Marvin sa Cinemalaya 2012 entry na pinagbidahan ni Eddie Garcia.

“More than anything else, magaling ang artista, magaling technically yung pelikula.

“Pero ang ganda ng kuwento at ang gandang ikinuwento ni Jun [Lana].

“So, doon ako nag-a-admire sa pelikula, e. It’s the main objective of the movie to tell the story.”

Kung sakaling sasabak raw si Marvin sa pagdidirek gusto raw niya ay temang comedy.

“Yun ang personality ko e, very light. I don’t think na… hindi ako mahihirapan na… kasi parang nagmi-mirror yung ikinukuwento mo sa buhay mo, e.”

OTHER DREAMS. Kabilang din sa pangarap ni Marvin ang makapag-produce ng isang soap opera.

“Sana, sana makapag-drama ako. Mahilig ako sa series, e.

“Mahilig akong manood ng mga… ang dami kong hilig talaga.

“Kaya kailangang galingan ko dito sa Kanta Pilipinas,” na ang ibig niyang sabihin ay ang pagiging prodyuser ng singing search show na ito.

Pangarap din raw ni Marvin magkaroon ng sariling game show na siya ang host.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sarap, e, nag-e-entertain ka and, at the same time, may nananalo.

“Kaya lang, suwerte ako sa audience, pero malas ako sa show. Kasi ang daming nananalo ng mega jackpot kapag ako ang host.

“Like nung sa Wil Time Bigtime, during my three nights of hosting, may nanalo ng jackpot. Kaya nga hindi ko alam kung kukunin pa nila ako!

“Mega-jackpot talaga, hindi lang one million. May bahay at lupa, may kotse pa—in one night!

“Hindi ko alam kung kukunin pa nila ako!” sabay tawa niya sa naiisip na scenario.

LOCAL ARTISTS. Pagdating naman sa kanyang production outfit, ang Futuretainment Inc., kung noon ay puro foreign acts ang dinadala nila rito sa Pilipinas, ngayon ay magpu-produce na rin sila ng concerts ng OPM artists.

Sa September 28 nga ay dadalhin niya si Aiza Seguerra sa Smart Araneta Coliseum para sa 25th anniversary nito sa showbiz. Makakasama ni Aiza rito ang Philharmonic Orchestra.

Aminado si Marvin na isinasantabi muna nila ang pagkuha ng foreign artists.

“Kasi sobra nang mahal ang mga foreign acts,” pagtatapat niya.

“Grabe ang bidding war ng mga foreign acts. Well, nagpa-participate kami up to a price na kaya lang namin.

“Kasi ang nagsa-suffer yung audience, e. Pag mataas yung kinuha doon sa foreign, mas mahal din yung tickets na itsa-charge namin.

“Sometimes, hindi na siya profitable dahil nakakatakot kung bibilhin pa nila na gano’n kamahal.”

Hindi na nagawang itanggi ni Marvin na ibinibigay talaga nila ang lahat ng demands ng foreign artists.

“Yes, kasama yung mga security, bulletproof cars tig-iisa.

“Kumpleto ’yan, pagkain, kuwarto…lahat-lahat.

“Kailangan mong sundin, kung hindi, hindi sila kakanta.”

Pero hindi naman daw sila lugi. “Nababawi naman,” aniya.

SECRET OF MARVIN’S SUCCESS. Successful sa lahat ng pinasok niyang career si Marvin at nagawa rin niyang tumawid sa iba’t ibang istasyon. Ano ba ang sikreto niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“A, I enjoy working. Masaya akong magtrabaho kaya rin siguro…

"Yun nga ang sinasabi ko na ’yang mga favorites na ’yan, hindi ka naman magiging favorite nang walang dahilan.

“Nagiging paborito ka dahil ginagawa mo ang trabaho mo, masarap ka katrabaho, magaan kang katrabaho. So, I guess, I’m a worker.

“Kahit saang istasyon siguro ako mapunta, alam ko ang responsibilidad ko, alam ko ang dapat kong gawin. I deliver.”

Bagamat may tulong din ang mga talent managers at iba pang bagay sa pagsikat, hindi ito ang kabuuang basehan ng pananagumpay ng isang artista.

“Up to a certain point lang na puwede mong gamitin yung connections, yung manager mo.

“Pero ikaw pa rin ang magpe-perform, e. Ikaw pa rin ang produkto.

“Kahit gaano kagaling ang backer mo, kahit sino pa ang manager, at kahit si Oprah [Winfrey] pa ang mag-manage sa akin, kung ako mismo ay hindi ko ginagampanan ang ipinagagawa sa akin nang maayos…

“At the end of the day, madya-judge ka talaga sa ginagawa mong trabaho at pakikisama.

“Ganun din sa negosyo, up to a certain point na puwede kong sabihing akin ’yan, pang-promote.

“But kung hindi ka masarap, hindi maganda ang service mo... nagbabayad sila, e,” pahayag ni Marvin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN