Joross Gamboa says Cinemalaya win is unexpected: "Ang ine-expect ko lang, mananalo akong best dry hair!"

Si Joross Gamboa ang itinanghal na Best Supporting Actor sa New Breed category ng 8th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival para sa pagganap niya sa Intoy Syokoy ng Kalye Marino.


Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joross Gamboa bago ganapin ang awards night ng 8th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival noong July 29, Linggo, sa Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center ng Philippines (CCP).

Si Joross ang itinanghal na Best Supporting Actor sa New Breed section para sa pagganap niya sa Intoy Syokoy ng Kalye Marino, na idinirek ng baguhang filmmaker na si Lem Lorca.

Pero hanggang tawagin ang pangalan ng young actor bilang winner at magbigay ng talumpati, taglay ni Joross ang pagiging isang non-expectant winner.

Tulad sa naunang interview ng PEP, kunsaan nagbahagi ng obserbasyon ang mga nakapanood ng indie film sa pagiging "totoong aktor" na ni Joross, sabi ng aktor: "Baka nagulat lang sa akin dahil... binababoy lang [ako sa pelikula], walang pakialam..."

Ginampanan ni Joross sa Intoy Syokoy ang papel ng kababata nina JM de Guzman, LJ Reyes, at Arnold Reyes.

Kabilang siya sa marginalized sector, isa siyang out-of-school youth, ulila sa ina, palaboy at mistulang patapon, isang hampaslupang binata na nahawahan ng STD.

"First time ko lang mag-Cinemalaya talaga. Feeling ko, best dry hair ako dito! Yung buhok kong dry, napakinabangan!" pakuwelang sambit ni Joross habang natatawa.

CITATION. Sa awarding rites ng Cinemalaya, isinatinig uli ni Joross ang damdamin hinggil sa hindi inaasahang pagwagi ng acting award.

"Hindi ko ine-expect na mananalo ako, e," sabi niya.

"Ang ine-expect ko lang, mananalo akong best dry hair! Buti na lang...

"Nagpapasalamat po ako sa Cinemalaya!"

Pinasalamatan ni Joross ang Diyos, ang bumubuo ng Cinemalaya 2012, at ang executive producers ng Intoy Syokoy na sina Boy So, Robert Bernardo, at Boy Abunda.

"Kay Tito Boy [Abunda], sa aming producer na nagtiwala sa akin... Alam niya, mangungulit lang ako sa set. Sabi niya, ’Magulo lang ’yang si Joross...’

“Pero buti, binigyan niya ako ng chance para patunayan na kaya ko ring magseryoso."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Then he thanked his director, Lem Lorca, the staff, and the crew of the indie film entry.

"Kay JM, sa aking kapatid, maraming-maraming salamat po.

"Papalagyan ko na lang po ito ng ilaw... gagawin kong lampshade!" biro pa ni Joross sa hawak na Balanghai trophy.

"Thank you po. Ang ganda po! Maraming salamat po sa inyong lahat!"

TOP-GROSSING ENTRY. Isa sa top-grossing entries sa Cinemalaya ngayong taon ang Intoy Syokoy ng Kalye Marino.

Kung hindi siya nanalo ng award, masaya pa rin daw si Joross dahil, para sa kanya, ang parangal ay isa na lamang "bonus.”

"Basta kami, successful yung pelikula. Kahit anong mangyari, bonus na lang yung award.

"Masaya... lahat kami parang magkakapatid dito," pagtukoy pa ni Joross sa naging samahan nila ng co-stars sa pelikula.

"Sobrang okay, sobrang saya namin. Lahat kasi kami, nagsimulang magkakaibigan.

“Open kaming lahat for suggestions. Nagkukumustahan kung ano’ng nararamdaman.

"Kami nina Direk [Lem], lagi kaming nagte-text-an tungkol sa mga feedback na galing sa tao. Sobrang thankful kaming lahat."

Hindi rin daw naging isyu ang talent fee sa pagtanggap nila ng indie project.

"Hindi namin pinag-usapan. Kapag sa indie, walang pinag-uusapang talent fee... yung passion mo lang talaga."

Tungkol sa acting niya sa pelikula, masaya rin si Joross sa naging feedback ng manonood at mga kaibigan sa industriya.

"First time ko ding nagseryoso... talagang... aktor daw!" natawa si Joross. "Dati kasi, nagku-comedy ako.

"Maraming nagku-congratulate din. Siyempre, masayang-masaya ang feeling.

"Lahat talaga kami, isinabuhay naming lahat [ang mga papel namin]. Yung kay JM, romantic. Ibang-iba naman kaming character dito.

"Sa akin, okay... ngayon lang ako namumulat sa mga ganito."

UPCOMING PROJECTS. Bago ang napanalunang award sa Cinemalaya, nanalo na rin ng acting award si Joross sa PMPC Star Awards for Television.

Ito ay ang Best Single Performance by an Actor para sa pagganap niya sa Maalaala Mo Kaya "Bisikleta" episode noong 2009.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero sa ngayon, hindi raw muna siya aktibo sa telebisyon.

"Puro pelikula ngayon," sabi ni Joross.

Huli siyang napanood sa Star Cinema movie na Every Breath You Take (2012), starring Piolo Pascual and Angelica Panganiban.

"Ngayon, yung kay Erich [Gonzales] at Mauro Maurer, yung Suddenly It’s Magic. Sa August pa yata ipapalabas."

Meron ding upcoming action-starrer si Joross titled Fighting Chef, under Viva Entertainment, with OMB Chairman Ronnie Ricketts as lead.

"Mga chef kami rito. Si Arci Muñoz ang leading lady.

"Ibang action movie ito, pinaghalong culinary tsaka martial arts. Magluluto kami habang nag-a-action," banggit pa ni Joross.

Si Ronnie Ricketts ang director ng bagong action-starrer na kasama si Joross.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN