Kristoffer Martin inspired to do more challenging roles after Oros

Kakaibang Kristoffer Martin ang napanood sa indie film na Oros, kaya naman na-challenge nang husto ang young actor na gumawa pa ng mga roles na malayo sa kadalasan niyang ginagampanan sa TV.


Nagpapasalamat si Kristoffer Martin sa magagandang reviews sa pagganap niya sa Cinemalaya 2012 entry na Oros.

Ginampanan ni Kristoffer sa pelikula ang role ni Abet, kapatid ng saklaan operator na si Makoy, played by Kristoffer King, who won Best Actor in the New Breed category.

Ang kanilang raket ay ang bumili ng bangkay at ang pagkakitaan ito sa pekeng lamay.

Nag-enjoy raw si Kristoffer sa kanyang role sa kauna-unahan niyang indie film.

“Bumagay daw po ako sa role—nagmukha raw talaga akong taga-Tondo,” sabay tawa ni Kristoffer nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa GMA Network Center.

Dagdag niya, “Maganda ang role na ibinigay sa akin ni Direk Paul Sta. Ana.

“Ako nga, hindi ko inakala na magagawa ko yung role. Pinag-aralan ko nang mabuti ang mga kilos ng mga tao sa location namin sa Baseco.

“Sabi ko nga, unang pagkakataon kong gagawin ito. Gusto ko, may magandang impression akong iwan sa mga manonood.

“Tsaka ibang-iba po ito sa mga ginagawa ko sa TV. Sa TV kasi, pagpapa-cute lang... malinis kami parati.

“Sa set ng Oros, walang ayos-ayos. Kailangan talagang magmukha akong taga-roon para mas credible tayo sa role natin.”

Gusto raw ni Kristoffer na ma-challenge siya sa bawat pagganap niya.

Nasimulan na nga raw niya ito sa indie film na Oros, at umaasa siyang maging sunud-sunod na ang mga ganitong klaseng roles.

Sabi ng 17-year-old actor, “Sana nga po ay masundan ito ng mas maganda pang role.

“Kaya nga po tayo nag-artista ay para masubukan natin ang mga kakaibang roles.

“Kahit sa edad ko ngayon, kaya na naming gawin ang mature roles. Doon naman po kami matututo talaga.

“Huwag lang siyempre ang magpa-sexy dahil hindi pa puwede. Pang-wholesome pa kami ngayon!” tawa niya.

RIVALRY WITH DERRICK. Habang naghihintay si Kristoffer ng bago niyang film role, nakatuon ang atensiyon niya ngayon sa role bilang Joaquin sa ikalawang yugto ng GMA-7 priemtime series na Luna Blanca.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi lang daw si Bea Binene ang nakakaeksena niya rito kundi pati na rin si Barbie Forteza. Sa kuwento, may nabuo na ring love triangle sa kanila ni Derrick Monasterio.

Dahil parehong bini-buildup ng Kapuso network sina Kristoffer at Derrick bilang leading men, magkaroon kaya sila ng matinding rivalry?

Ayon kay Kristoffer, “Kami ni Derrick, para sa amin, enjoy kami sa trabaho. Hindi kami gumagawa ng puwede naming tawagin na competition.

“Pareho nga kaming nasa isang show pero nagtutulungan kaming dalawa.

“Lalo na kapag may mga eksena kaming magkakasama, wala yung kailangan mas magaling ako sa ‘yo. Wala kaming gano’n.

“Dahil siguro mas nauna yung pagiging magkaibigan kami ni Derrick kesa sa naging magkalaban kami sa trabaho.

“Kaya kahit ano pa ang mangyari sa career namin ni Derrick, magiging masaya kami para sa isa’t isa at magsusuportahan kaming dalawa.”

BEA & JAKE. Tungkol naman sa pakikipagtambal niya kay Bea, sinabi ni Kristoffer na wala silang problema ng ka-loveteam ni Bea na si Jake Vargas.

Matagal na rin daw silang magkaibigan ni Jake bukod sa pareho silang taga-Olongapo City.

“Pareho po kaming batang Gapo ni Jake kaya walang problema sa aming dalawa.

“Noong i-partner naman si Bea sa akin, ipinaalam ko naman ‘yan kay Jake. Okey lang naman po kay Jake.

“Hindi naman daw sasama ang loob niya sa akin dahil alam niyang trabaho ang lahat,” sabi ni Kristoffer.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN