Enchong Dee on rumored "tampuhan" with Julia Montes: "Wala…okay kami."

“E, bakit mo naman ibibigay ang sarili mo sa marami? Siyempre, pumipili ka lang ng tao na gusto mong ibigay yung sarili mo,” sagot ni Enchong Dee nang tanungin kung bakit ganun na lang siya kapurisigido sa panliligaw kay Julia Montes.


Sina Enchong Dee at Jessy Mendiola ang magkapareha sa upcoming movie ng Star Cinema na The Reunion.

Kasama rin sa cast ang nililigawan ni Enchong na si Julia Montes.

Kaya ang tungkol dito ang naging tanong ng entertainment press sa kanila sa presscon ng The Reunion kagabi, July 31, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.

During the presscon proper, nanibago ang ilang entertainment press kay Enchong dahil parang napakaseryoso raw nitong sumagot.

Kung siya ay seryoso, si Julia naman daw ay parang malungkot habang ginaganap ang presscon.

Tuloy, nagduda ang press na baka may katotohanan ang balitang may tampuhan—at may nagsasabi pa ngang "break" na—sina Enchong at Julia.

“Na-caught off guard din. Hindi ko rin alam na may ganoong tanong," sabi ni Enchong nang tanungin kung bakit ganun ang mood nila ni Julia noong gabing iyon.

Dagdag niya, “Siguro yun din yung dahilan kung bakit mas maganda na tahimik lang at hindi mo masyadong sinasabi o ibinibigay sa showbiz feeds.

“Kasi, hindi pa man, pinaghihiwalay na kayo.”

Nararamdaman ba niyang pinaghihiwalay sila ni Julia?

“Hindi naman siguro. Ini-spice up lang nila kung anuman ang meron kami,” sagot ni Enchong.

Nahihirapan ba siya na tila pinaghihiwalay sila ni Julia?

“Hindi naman kasama ang ibang tao sa relasyon niyo. Kayo lang.”

Ayon kay Enchong, hindi sila nagpapaapekto ni Julia sa kung anumang intriga.

“Kung magpapaapekto kami, yun na yun, dire-diretso na yun.”

Pero for the record, may tampuhan ba o pinagdadaanan sila ni Julia ngayon?

Kasi nga, kung titingnan sila during the press conference, parang ganoon ang naiwan nilang impression.

“E, di effective pala kami?” natatawang sabi niya.

Dugtong ni Enchong, “Pero wala, wala…okay kami. Siyempre, nasa press conference, e.”

Sa isang punto ay hinihila na si Enchong ng road manager niya sa Star Magic, pero marami ang napabilib sa young actor dahil nag-stay pa ito at pinagbigyan ang entertainment press na makausap pa siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

EIGHTEEN. Very vocal si Enchong sa totoong nararamdaman at intensiyon niya kay Julia.

Nang may magtanong kung tumindi pa ang nararamdaman niya para sa dalaga, mabilis ang naging sagot niya ng “oo,” at saka kumanta ng “I love you more today than yesterday.”

Pero ano na nga ba ang real score sa kanilang dalawa?

“Ilang months na lang ba? September, October, November… o, seven months na lang, di ba?”

Ang tinutukoy ni Enchong ay ang pagsapit ni Julia sa edad na 18 sa March 19, 2013.

Pero yung seven months na sinasabi niya, pagdating ba ng panahon na yun ay manliligaw pa lang siya o sila na?

“Siyempre, nakadepende yun sa kanya kung ano pa ang kailangan kong gawin,” sagot ng 23-year-old actor.

Pero ano nga ba ang totoong estado nila ngayon?

“Nagpapahiwatig siyempre,” pag-amin ng binata.

Ngayon lang nagpakita ng ganito katinding interes si Enchong sa isang babae. Ano ang meron kay Julia na talagang nag-e-effort at naghihintay siya?

Sabi ni Enchong, “Hindi mo mai-explain yun kapag minsan, may nakita kang isang tao. Hindi mo alam kung bakit, it just happened.”

Ngayon lang talaga siya nakaramdaman ng ganito at kay Julia nga?

“E, bakit mo naman ibibigay ang sarili mo sa marami? Siyempre, pumipili ka lang ng tao na gusto mong ibigay yung sarili mo,” saad niya.

Nararamdaman ba niya na kahit paano ay nasusuklian ni Julia ang ipinapakita niya rito?

Nangiti si Enchong saka sinabing, “Minsan, nilalagyan mo lang ng meaning, kahit kung minsan, wala namang ibig sabihin. Ikaw, gusto mong lagyan ng meaning, di ba?”

Naghihintay siya na mag-18 years old si Julia. Pero paano kung pagdating ng panahon na iyon ay hindi suklian ni Julia ang nararamdaman niya? Hinahanda na rin ba niya ang sarili sa sitwasyong iyon?

“Katulad ng pelikula, parte yun ng paglaki mo. Nasasaktan ka. Nagkakamali ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At doon mo itatama ang mga mali mo, sa mga natutunan mo in the past,” matalinhagang sagot ni Enchong.

May nagtanong kay Enchong kung hindi ba siya kinausap ng ina ni Julia tungkol sa mga patakaran nito sa mga manliligaw sa anak.

Sabi naman ni Enchong, “Hindi, masuwerte ako kasi hindi ganoon ang nanay niya.”

Malapit na ang annual Star Magic Ball. Si Julia ba ang magiging ka-date sa gabing iyon?

“Kung mapapayagan, kung siya. Kung hindi man siya, tingnan natin. Masuwerte kung siya.”

ERICH GONZALES. Alam naman ng lahat na ang talagang ka-loveteam ni Enchong ay si Erich Gonzales.

Kumusta na ang tambalan nila? Wala na ba ito talaga?

“Yung loveteam namin, may mga projects na nabanggit.

“Pero kumbaga, marami pa, marami pang pagdadaanan. May Ina, Kapatid, Anak… may pelikula pa tayo sa MMFF, di ba?”

Ang ibig sabihin ni Enchong ay may mga nakalinya siyang proyekto ngayong taon na hindi si Erich ang katambal niya.

Si Erich naman ay may ibang proyektong ginagawa na iba ang kapareha niya, gaya ng pelikula nila ng Thai heartthrob na si Mario Maurer.

Pero kung siya ang tatanungin, sino ang mas gusto niyang maka-loveteam—si Erich pa rin o si Julia?

“As much as possible, kung puwede ako na papayagan, mas maganda kung hindi kami magkatrabaho ni Julia,” tugon ni Enchong.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN