Nora Aunor denies rumored rift with German Moreno

“Siguro naman sa edad kong ito, ngayong alam ko yung nararapat na gawin, alam ko na dapat mag-ipon… E, hindi na ako dapat pinapangaralan din siguro nang ganun,” ani Nora Aunor. Itinanggi rin ni Nora ang usap-usapang may tampuhan sila ni German Moreno, na nag-ugat diumano sa pangangaral ng Master Showman sa kanya tungkol sa pag-iipon ng kinikitang pera.


Usap-usapang may tampuhan na namamagitan ngayon diumano sa magkaibigang Nora Aunor at German Moreno.

Ang hindi raw pagiging masinop sa pera ng tinaguriang Superstar ang diumano’y naging ugat ng kanilang tampuhan.

Ang gusto raw kasi ni Kuya Germs ay maging maingat sa paghawak ng pera si Nora. Kaya naman pinapayuhan niya ito na mag-ipon.

Pero paglilinaw ng 59-year-old actress, wala naman daw silang tampuhan ni Kuya Germs. At hindi naman daw dapat pa siyang sabihan o payuhan pagdating sa kanyang kinikita.

“Siguro naman sa edad kong ito, ngayong alam ko yung nararapat na gawin, alam ko na dapat mag-ipon at, ganito, ganyan, ganyan.

“E, hindi na ako dapat pinapangaralan din siguro nang ganun.

“Kasi pag oras na narinig mo yun, yun at yun nang yun… E, baka mawala, di ba?

“Sa pagrerebelde… Hindi. Joke lang yun,” nakangiting biro ni Nora nang mag-guest siya nung kahapon, Agosto 4, sa bagong talk show ng TV5, ang Ano Ang Latest? hosted by Cristy Fermin, Mr. Fu, Amy Perez, and Congresswoman Lucy Torrez-Gomez.

Nawala pansamantala sa bansa si Nora.

Matatandaang nagpunta siya ng Estados Unidos para ipa-checkup at ipaopera ang kanyang lalamunan, pero bumalik din agad ng Pilipinas nung Pebrero.

Nitong Hunyo naman ay muli siyang lumipad papuntang Boston, Massachusettes sa U.S., para sa operasyon na ng kanyang lalamunan. Pero hindi na naman pala natuloy ang operasyon.

“Nung umalis ako, sinabi ko na magpapaopera ako,” simulang kuwento ni Nora na bumalik ng bansa nung Agosto 1.

“Kaya lang nagkataon na yung aking doctor ay wala doon. At naging busy sa ibang bansa. Kaya hindi na naman natuloy yung aking pagpapaopera.

“Siguro mga October, yun ang ano, balik niya.”

Ano ba talaga ang tunay na kalagayan ng kanyang lalamunan?

“Nung tsinek-ap ako, yung vocal cords, hindi naman daw tinamaan.

“Kaya nga lang, medyo malalim. Hindi ko alam kung hanggang saan yung lalim na tinamaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero babalik naman daw siya sa dati.”

Matatandaang napabalita na na-damage ang kanyang vocal cords nang sumailalim ang Superstar sa isang operasyon sa Japan nung 2010.

(CLICK HERE to read related story.)

Bago umalis ng bansa ay may natapos na pelikula si Nora, ang Thy Womb na kasali sa 69th Venice Film Festival sa Italy.

Natanggap sa nabanggit na prestihiyosong international film festival ang Brillante Mendoza-megged indie film matapos na ma-reject bilang 2012 Metro Manila Film Festival entry.

(CLICK HERE to read related story.)

“Sa September 5 ang premiere night. At ang alis namin dito mga September 4,” pagbabalita ni Nora.

“At ito po ay kasali din sa tatlong malaking festival.

“Dalawa sa North America at saka isa sa Asia.”

(Ayon naman sa pakikipag-usap ng PEP kay Direk Brillante, Venice at Toronto film festivals pa lang ang kumpirmadong kasali ang Thy Womb.)

Ano naman ang gagawin niyang show sa TV5 ngayong nakabalik na siya ng bansa?

“Nagkausap kami ni Sir Perci at marami siyang plano,” banggit ni Nora sa TV5 vice president and Creative and Entertainment Production head na si Perci Intalan.

“Kaya lang hindi ko pa puwedeng sabihin.”

Kahit wala sa bansa si Nora ay naiintriga pa rin siya. Paano niya kinakaya yung mga kuwentong lumalabas tungkol sa kanya kapag nasa ibang bansa siya?

“Ay hindi ko na lang pinapansin,” sagot niya.

Hindi siya nagbabasa ng writeups?

“Ay, hindi naman,” tanggi ni Nora.

“Mas gusto ko nga yung nakakarating sa akin para alam ko kung paano ko sila sasagutin, di ba?”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN