Vic Sotto, Bong Revilla Jr., Judy Ann Santos start shooting their 2012 MMFF entry Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Ako

Maliban sa excitement na dulot ng kanyang 2012 Metro Manila Film Festival entry, Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Ako, kasama sina Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at Judy Ann Santos, excited din si Vic Sotto sa nalalapit na paghaharap nila ng kanyang Indonesian counterpart na si Uya Kuya ng Eat Bulaga! Indonesia.


Nagsimula na ang shooting ng isang pelikulang kalahok sa 2012 Metro Manila Film Festival, ang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Ako.

Sa unang pagkakataon ay magsasama-sama sa iisang proyekto sina Vic Sotto, Judy Ann Santos, at Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Ipinalabas kahapon, August 4, sa StarTalk TX ang taped interviews sa mga artista ng pelikula.

“Ang saya-saya ng first day ng shooting, iba!” sabi ni Bong.

Dagdag nito, “Kada pelikula na ginagawa natin, kailangang nasu-surpass natin yung ginawa natin. So, this time, talagang dalawang taon na pinaghandaan namin ni Vic itong pelikulang ito para ihandog sa mga tao, lalung-lalo na sa mga bata, sa buong pamilya this Christmas.”

Sabi naman ni Bossing Vic sa pareho ring taped interview, “Kung nasarapan sila sa unang pagtatambal namin ni Agimat, eto, mas masasarapan sila.

“Kasi nagsama na kami ng isang magaling na chef, si Judy Ann.

“Alam mo naman si Senator Bong, hindi papayag ng ganun-ganun lang.

“Kailangang nandun yung quality, andun yung entertainment value, at yung mga family values na importanteng ingredient sa aming mga pelikula.”

Bagamat ito ang unang beses na makakasama ng dalawang aktor si Juday, tiwala ang mga ito na wala nang gaanong adjustment ang kakailanganin.

“Si Juday naman kasi is a very versatile actress. Nakagawa na rin naman siya ng mga comedy before and that’s one of her forte,” pagpuri ni Vic, na masasabing pinakatanyag na komedyanteng nagtratrabaho sa showbiz ngayon.

JUDAY-ALFIE RIFT. Kamakailan ay nagkaroon ng tampuhan sina Juday at ang manager nitong si Alfie Lorenzo, matapos tumanggap ng proyekto ang aktres sa nakaraang Cinemalaya Film Festival.

Sumama ang loob ni Alfie dahil hindi umano nagpaalam sa kanya ang kanyang alaga at ang direktor ng Mga Mumunting Lihim na si Joey Reyes.

“A, oo naman. Ayos na yun, ayos na yun,” simula ni Judy Ann sa taped interview ng StarTalk TX.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman maiiwasan yung mga ganyan, di ba? Kung walang ganun, e di parang walang masyadong spice?

“Siguro, kailangang pagdaanan para din ma-realize mo kung ano yung mga mali at tama sa mga ginawa mo.

“And, eventually, next time, alam mo na yung dapat mong gawin.”

VIC TO MEET INDONESIAN COUNTERPART. Maliban naman sa highly-anticipated filmfest entry, excited na rin si Bossing Vic sa napipintong paghaharap nila nang personal ng Eat Bulaga! Indonesia host na si Uya Kuya.

“A, of course, I’m looking forward to meeting him in person.

“Puro sa TV-TV lang kami nag-uusap, e.

“E, ang unang bati sa akin nun e mas magandang lalaki daw siya kesa sa akin.

“E, kanya-kanya namang ambisyon yan, so, okey lang,” ang natatawang sabi ni Bossing.

Habol nito, “Hindi, he’s a very funny guy, and sa pagkakaalam ko, he’s one of the biggest stars in Indonesia.”

Matapos pumanaw ang Comedy King na si Dolphy, marami ang nagsasabing si Bossing daw ang posibleng magmana ng trono nito.

Itinanggi naman ito ni Vic, “Kung anuman yung tronong kanyang hinawakan nung siya ay kasama natin, kanyang-kanya lang yun.

“Wala nang ibang puwedeng umupo roon. Wala nang ibang puwedeng pumalit doon.

“Nag-iisa lang si Dolphy—one and only Dolphy,” pagdidiin pa ng komedyante at TV host.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN